DIRECTOR:
Paul Soriano STORY AND SCREENPLAY: Angeli Pessumal LEAD CAST: Jericho Rosales,
Erich Gonzales, Jasmine Curtis-Smith, Suzette Ranillo, Enchong Dee MUSIC:
Robbie Factoran Rixardo Jugo, CINEMATOGRAPHY: Odyssey Flores, EDITING: Mark
Victor PRODUCER: Mark Victor, Paul Soriano LOCATION: Siargao GENRE: Romance -
Drama DISTRIBUTOR: Solar Pictures RUNNING
TIME: 1 hour and 44 minutes
Technical assessment: 4
Moral assessment: 3
MTRCB rating: PG 13
CINEMA rating: V14
Uuwi
sa bayan niyang Siargao si Diego Punzalan (Jericho Rosales), isang nagkakaidad
nang musikero at rock star na umiiwas
sa iskandalo. Makakasabay niya sa
eroplano si Laura (Erich Gonzales), isang travel
blogger na sawi sa pag-ibig at gustong makatagpo ng paghihilom matapos
makipagkalas ang boyfriend niya (Enchong
Dee) sa kanya. Si Abi (Curtis-Smith) ay kababata at dating kasintahan ni Diego,
at magkukrus muli ang kanilang landas. Habang lumalaon ay makikita natin ang
pinagdaraanang pagsubok ng mga tauhan. Si Diego ay kulong sa di katiyakan ng
bukas at mga di maiwang isyu ng nakaraan samantalang si Laura ay naghahanap ng
mga bagong pakikipagsalaparan kaya’t tinanggihan ang alok na kasal ng kanyang
nobyo. Sa gitna ng mapanimdim na kapaligiran ng Siargao ay magkakaroon ng pagsasara
ang kanilang mga kwento.
Isa
sa tagumpay ng Siargao ay ang husay
ng pagganap ng lahat ng tauhan. Kahit napakasimple ng kwento at halos kaya mo
nang hulaan ang katapusan ay imposibleng hindi ka madamay sa bawat pinagdaraanan
at pakikibaka nina Diego, Laura, Abi, at iba pang mga tauhan. Nakadagdag sa magaling na characterization ang dialogue
ha higit na malalim kaysa karaniwang maririnig sa kwentong pag-ibig sa mga pelikulang
Pilipino. Napakahusay din ng mga kuha—hindi lamang dahil
sadya nang maganda na ang Siargao, kundi nagawa ng mahusay na cinematography na maging higit pang
kaakit-akit ang kapaligiran, ang karagatan, at ang halos bawat sulok ng
lalawigan. Malaking tulong din na may pagsalit sa katutubong Bisaya ang musika
at usapan dahil lalo itong naging natural.
Kung
minsan, ang pinakamahirap hanapin ay ang sarili. Naroon ang tabing ng nakaraan
at takot sa kinabukasan, naroon ang pagtatanggi at pagpapanggap, naroon ang
pangarap na ang alternatibong katotohanan sana ang mangyari. Pero sa huli, ang
pagtanggap sa totoo at kasalukuyan ay nagiging madali kung naroroon ang respeto
at pagmamahal. Damang dama mo sa Siargao
ang pagmamahalan—ng ina sa anak, ng anak sa magulang, ng kasintahan sa kasintahan,
kaibigan sa kapwa-kaibigan. Kaya naman,
anumang sakit ang pinagdaraanan ng isa ay nagkakaroon ng paghihilom. Wala mang
bago sa tema at pagkwekwento ng pelikula ay malinaw pa rin naiparating ang
mensahe nito. Simple at ordinaryo pero hindi matatawaran ang halaga. Dahil
nagaganap ang kwento sa surfing capital
ng bansa, asahan ang paglalantad ng katawan at medyo suhestibong pananamit.
Pero hindi naman ito ginawang malaswa kaya kung bibigyang tuon na lamang ang
usapan at takbo ng naratibo ay kapupulutan pa rin ng aral ang Siargao.