DIRECTOR: Dan Villegas LEAD CAST: Jennylyn Mercado, Derek Ramsay, Yayo Aguila, Kean
Cipriano, Nico Antonio, Sam Milby, Rafael Rosell, Solenn Heussaff GENRE: Romantic Comedy, Chick
Flick PRODUCTION COMPANY: Quantum Film, MJM Productions DISTRIBUTOR: Quantum
Film, MJM Productions COUNTRY:
Philippines
LANGUAGE:
Filipino RUNNING TIME: 102 minutes
Technical assessment:
3
Moral assessment:
2
CINEMA rating: V18
MTRCB rating:
R13
Magsisimula
ang pelikula sa pag-aaway sa tila maliit na bagay ng magkasintahang Gabby
(Jennylyn Mercado) at Gino (Rafael Rossel) na mauuwi sa agarang pakikipagkalas kahit
pa sila’y engaged na pala. Makalipas
ang dalawang taon, habang nasa Taiwan, mababalitaan ni Gabby na engaged na ulit si Gino sa ibang babae.
Upang tuluyang maka-move-on,
susubukan niya sa unang pagkakataon na gumamit ng isang “dating app”, at dito
ay agaran niyang makikilala si Gab (Derek Ramsay) na nagkataon na naroon din sa
lugar kung nasaan siya. Sa unang pagkakataon ay makikipag-date si Gabby sa isang estranghero at sa unang pagkakataon din na
yun ay mangyayari sa kanila. Masusundan ang kanilang pagkikita sa Maynila—hanggang
sa tuluyan nang maging “sila na”. Mabilis at tila masaya ang mga pangyayari
hanggang ayain na ni Gab si Gabby na makipag-live-in. Sa pagkakataong ito pa lamang nila makikilala ang
isa’t-isa at dito pa lang unti-unting lulutang ang masasakit na katotohanan sa
kanilang relasyon.
Payak
at simple lamang ang pagkakalahad ng kuwento ng All of You. Wala itong anumang special
effects, matinding pasabog, o nakakagulantang na twist. Isa lamang itong
maliit na kuwento ng dalawang taong nagmula sa magkaibang mundo na nagsubok
maging masaya sa gitna ng matinding pagkakaiba nila. Hindi na ito bago pero
dama naman ang sinseridad ng pelikula sa paglalahad kung paanong ang maliliit
na pagkakaiba ng dalawang tao ay nagiging malaki kung relasyon na ang
pag-uusapan. Nagiging malaki ito sapagkat lumalalim ang araw-araw na dadalhin.
Sa madaling salita, naiipon kung kaya’t bumibigat. Mahusay ang pagkakaganap ng
mga tauhan—lalo na si Mercado na nagpakita rin ng galling sa pag-arte sa
pelikulang Rosario. Nagkulang naman ang pagkakalahad ng
karakterisasyon ni Gab—nasayang ang husay ni Ramsey. Nagawa pa sanang palalimin
ng pelikula ang kwento nito kung nagkaron ng malinaw na paglalahad kung paanong
ang mga tauhan ay nagbago, sa mabuti man o masama. Mas pinalalim pang sana ang
mga linyahan, o ang mga sitwasyon na magtutulak sa kanilang mga desisyon. Nagkulang
din sa bigat ang punto de bista—na pawang naka-kiling kay Gabby—hindi maliwanag
ang kanyang motibasyon at tayo sa maraming bagay. Kung parte man ito ng
komplikasyon ng kanyang karakter, sana’y naging malinaw pa rin ang gulo na ito.
Resulta tuloy ay malamlam ang pagtanggap
at pagtaya sa kanya ng manonood. Sa kabuuan, mapapaisip ang manonood sa
pelikula ngunit pawang walang magiging sagot ang maraming katanungan.
Naka-sentro halos
ang All of You sa isang debate at
diyalogo ukol sa pakikipag-live-in
laban sa pagpapakasal. Isang matagal nang usapin sa makabagong lipunang pilit
na binibigyang katwiran ang mga desisyon at gawaing taliwas sa nakagisnang asal
at moralidad. Pero ano nga ba sa kabuuan
ang nais sabihin ng All of You?
Sang-ayon ba ito sa pakikipag-live-in
o mas sang-ayon ito sa pagsasamang may basbas ng kasal? Hindi nito tahasang
sinabi pero nagsusumigaw ang pelikula sa pagsasabing parating nasa kamay ng
babae ang kanyang desisyon—at sa bandang huli’y laging babae ang natatalo sa live-in relationships. Babae ang
nawawasak sa proseso, babae rin ang mas nagsasakripisyo. Ang ganitong klase ng
pagsasama, sinasabi ng pelikula, ay papasukin lamang ng mga lalaking hindi
handa sa responsibilidad—mga lalaking hindi handang pakawalan ang kanilang
pagiging isip at asal bata. Mga lalaking hindi handang magbigay, bagkus ay napapako
sa pagiging makasarili. Dito pumapasok
ang mahalagang tungkulin ng babae sa pagpili at pagdedesisyon—yun nga lang,
kitang mas madalas manaig sa babae ang emosyon—at ito ang nakita sa pelikula na
bagama’t sa bandang huli’y tila hindi malinaw. Parte marahil ng debate, bukas
sa dayalogo. Pero mas higit na nakakabahala kung paanong ipinalabas ng pelikula
na kaswal na lamang sa panahon na ito ang pakikipagtalik sa estranghero—sa
labas ng kasal at walang pagmamahal. Sapat na bang dahilan ang bugso ng
damdamin? O dahilan rin ba ang pagiging wala na sa uso? Malaking bahagi ng
pelikula ang pagsasalarawan dito bilang katanggap-tanggap at labis itong
nakababahala. Bagama’t walang lantarang
pagbibilad ng laman sa pelikula, ito’y maliwanag na inilalahad. Kung kaya’t sa ganang CINEMA, ang pelikula ay
nararapat lamang sa mga manonood na nasa wastong gulang na ipinagpapalagay
nating 18-anyos pataas.