DIRECTOR: Chris
Martinez LEAD CAST: Vic
Sotto, Dawn Zulueta, JC Santos, Daniel Matsunaga, Sue Ramirez, Andrea Torres,
Gabbi Garcia, Ruru Madrid, Baste Granfon
SCREENWRITER: Vanessa R. Valdez, Kiko Abrillo, Anna Karenina
Ramos, Janica Mae Regalo PRODUCER: Vic
Sotto MUSICAL DIRECTOR: Emerzon
Texon GENRE: Comedy DISTRIBUTOR: OctoArts Films RUNNING TIME: 120 mins LOCATION: Manila, Baguio RUNNING TIME: 120
minutes
Technical assessment: 2.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: PG 13
Hindi masaya
sa kanilang arranged marriage ang
mag-asawang Balatbat na sina Ron (Vic Sotto) at Andrea (Dawn Zulueta). Lagi na
lang silang nag-aaway at nagkukumpetensya sa atensyon ng kanilang mga anak na
sina Christian (JC Santos), Alex (Gabbi Garcia), at Riley (Baste) na
walang hinahangad kundi ang magkasundo silang dalawa at maging masaya ang
kanilang pamilya. Subalit matapos ang matagal na pagsasama ay matatanto nila na
di nila talaga mahal ang isa’t isa kaya magpapasya silang maghiwalay. Nang
nagsisimulang makipag-date sa ibang
partner ang dalawa ay mababagabag ang magkakapatid kaya mag-iisip at
magsasagawa sila ng mga paraan para magkabalikan sila.
Halu-halong
eksena ng mababaw na kwento ang Meant To Beh, mga eksenang tila
sinama lang para humaba at bigyan ng exposure
ang mga nagsiganap. Mabuti na lamang at kasama sina Zulueta at Baste sa
pelikula. Nakakaaliw panoorin ang batang aktor at ang kanyang timing sa pagpapatawa. Gayundin si
Zulueta na mas kilala sa drama at mga seryosong pelikula. Sinsero sa paghahatid
ng komedi ang pelikula at naibigay naman ito, sana lang nilagyan na nila ng
saysay ang layuning ito para naging pagkakataon na magbahagi ng magandang aral
sa buhay habang nakakapaglibang ang manonood. Maayos naman ang disenyo ng
produksyon at mga kuha ng kamera. Naipakita kung anong klase ang pamilya
Balatbat at ang trabaho ni Andrea sa isang publication.
Kung ikukumpara sa mga naunang pelikula ni Sotto na sinali sa filmfest ay mas maigi-igi pa itong Meant
to Beh. Kapansin-pansin din na walang kasamang advertisement ng mga produktong iniendorso ni Sotto kaya
nakapagpahinga ang manonood sa mga commercials
na itinatambad sa mukha nila ng binayaran nilang panoorin.
Sa pamilya
Balatbat, sa halip na magulang ang nagbibigay ng gabay ay tila, sila pa ang
nangangailangan nito. Ang pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa na dapat ay lumalago
habang tumatagal ang pagsasama ay hindi nakita sa pelikula. Di naman masama ang
mag mag-good time dahil may social needs din ang tao bilang
dibersyon mula sa pagpapagod sa trabaho pero hindi para pumasok sa
pagkakasala. Tama naman na nirerespeto ng mag-asawa ang desisyon at choices ng bawat isa pero hindi ang choice na magtaksil. Mas responsable pa
sa relasyon ang mga anak at mas may malasakit na magbuklod ang pamilya. At
dahil marahil komedi, pinilit pa rin haluan ng kabaklaan. Sa hanay ng
propesyonal na tagapamahala ng isang magazine
ay binigyan-daan ang napakakabang uri na pagkahilig ng mga bakla sa katawan ng
lalaki. Maari namang maging binabae at manatiling disente at wag magsamantala
sa kapwa lalaki. Sa kabuuan, bagamat kahanga-hanga ang intensyon ng mga anak na
magbuklod ang kanilang pamilya, nakakabahala ang tema at ang maraming eksena sa
pelikula.