DIRECTOR: Rodel Nacianceno LEAD CAST:
Coco Martin, Jake Cuenca, Gloria Romero SCREENWRITER:
Joey Mercado, Rodel Nacianceno
PRODUCER: Coco Martin CINEMATOGRAPHER:
Odie Flores DISTRIBUTOR: Star Cinema,
Viva Films GENRE: Action/Fantasy LOCATION: Manila, Philippines RUNNING TIME: 128 minutes
Technical assessment:
3
Moral assessment: 3
MTRCB Rating: G
CINEMA Rating: V13 (Ages 13 and below with parental guidance)
Si
Flavio ang Panday sa ikatlong henerasyon. Matapos mapatay ang kanyang mga
magulang ng mga aswang na kampon ni Lizardo, inilayo si Flavio sa lugar na iyon
ng kumadronang si Rosa Batungbakal (Jaclyn Jose) na nagpaluwal sa kanya, inako
at inangkin bilang tunay na apo. Lumaki
si Flavio sa Tondo na isang tindero ng mga itak at kutsilyo—kasama ang ilan
pang mga batang inampon ng kanyang “lola Rosa” (Gloria Romero)—at bagama’t
mabuti sa pamilya ay palagi naming nasasangkot sa kaguluhan at basag-ulo. Samantala si Lizardo (Jake Cuenca) ay
magpapakawala ng mga alagang asuwang upang mambiktima ng mga tao at dumami sila
hanggang sa masakop nila ang mundo. Sa
pagsalakay ng mga asuwang at nalalapit na kabilugan ng buwan ay maaring magtagumpay
si Lizardo na sakupin ang mundo kaya darating ang isang matandang
ermitanyo at sa tulong na kanyang Itim na Aklat ay papayuhan si Flavio na magsanay
na upang makuha nito ang mahiwagang balaraw na tanging siya lamang ang makakagamit, at tuluyang pigilan ang balak ni
Lizardo.
Sanga-sanga ang kuwento ng pinakahuling hain ng orihinal na epic sa komiks ni Carlo J. Caparas
na Ang Panday. Parang pinilit lang ang konseptong
tagapagligtas ng mundo sa karakter ng sangganong si Flavio lalo na ang bigyan siya
ng partner na tila isa lamang dekorasyon sa pelikula. Gayunpaman makikitaan ng pagsisikap ang
direktor at manunulat na bigyan ng bagong trato ang epiko tulad ng rap music, motorsiklo para kay Flavio, pinaghalong
aksyon-komedya, at makabagong visual
effects na nakadagdag ng aliw sa pelikula. Pamilyar ang mukha ng mga gumanap sa pelikula
na pawang mga kasama ni Martin sa kanyang palabas sa telebisyon. Nakalito
naman ang casting sa komadronang si
Rosa pagkat sobrang layo ng hitsura ng batang Rosa (Jaclyn Jose) sa matandang
Rosa (Gloria Romero). (Bakit kaya hindi
na lang pinatanda ng makeup si Jose para gumanap sa matandang Rosa?) Magaling ang direktor dahil sa kabila
ng mahinang istorya at predictable na
wakas ay naging kasabik-sabik ang mga eksenang may aksiyon at visual effects (maaaring makatakot sa malilit na bata ang mga aswang), gayundin ang mga sinasambit na linya. Maayos ang kuha ng kamera sa pagpapakita ng
kapaligiran sa Tondo na kinalakhan ni Flavio at ang mga aerial shots na ginamit sa pagpapalit ng
mga eksena. Samantala tila hindi nabigyan
ng pansin ang mga tunog at sound bites
na inilapat—maingay masyado ang pelikula lalo na ang mga eksena sa kalsada,
halos hindi maintindihan ang mga diyalogo. Sa kabuuan ay nakaaliw naman
panoorin ang Ang Panday kahit maraming katanungan sa istorya
na walang kasagutan.
Ang kasamaan ay nilalabanan at di dapat hayaang manaig sa
lipunan. Ito ang misyon ni Flavio na mapagtagumpayan gamit ang isang mahiwagang
espada na kinailangan nyang maglakbay hanggang sa mundo ng mga engkanto upang
mapasakamay niya ito at magamit. Nahasa sa gulo at pakikilaban si Flavio kaya
madali niyang inako ang misyon na labanan ang naghahasik ng kasamaan at iligtas
sa panganib ang mga tao. Determinado naman sa misyon si Flavio lalo na ng
bigyan siya ng pangalawang buhay. Subalit higit sa mahiwagang espada,
ipinaunawa kay Flavio na ang dalisay na puso at hangarin ang pinakamagaling na
panggupo sa kasamaan.
Ilang puna mula sa CINEMA.
Tungkol sa
kapangyarihan. Malinaw at mahusay
na naipakita ng pelikula na ang anumang bagay (materyal man o itinuturing na
agimat ng sinuman) ay walang halaga at taglay na kapangyarihan kundi ang
pananampalatayang taglay ng taong naniniwala pa rin sa kapangyarihan ng Lumikha. Nang halos ay papatayin na ni Lizardo, si
Flavio—na nabitiwan ang mahiwagang espada at nakahandusay na sa lupa—ay
nanalangin at buong pananalig na ipinasa-Diyos na ang lahat.
Tungkol sa pagiging isang bakla. Ipinakita ng pelikula ang isang mukha ng isyu ng mga LGBT sa lipunan. Bagamat hindi gaanong pinalawak ang usapin tungkol dito, pinilit nitong isama sa tema ang usapin ng “pagtanggap” sa kanila ng pamilya at lipunan. Pilit na isiningit ng pelikula ang perspektibong “walang masama sa maging bakla, ang masama ay ang magsinungaling… ang mahalaga ay maging mabuti kang tao”—at ginawa pang isang bayani ang batang bakla na nag-alay ng buhay upang iligtas ang kanyang mga kapwa-ampon mula sa mga aswang. Malabo ang magiging epekto nito sa pananaw ng manunood; makadagdag lamang ang sinambit na ito sa kalituhan ng tao tungkol sa pinagtatalunan. Ang isyu ay hindi ang pagiging bakla mismo, kungdi ano ang ginagawa mo sa pagiging bakla mo, at ano ang ibinubunga nito sa iyong katauhan, sa pamilya, at sa lipunan.
Tungkol sinematograpiya ng Maynila. Napakahusay na naipakita at nai-showcase ng pelikula ang kakaibang kagandahan ng Maynila (bukod sa maduming Divisoria at slum area ng Tondo), tulad ng mga magagandang tulay (Mabini at Jones Bridge ), ang tore ng Manila City Hall, ang Luneta at Luneta grandstand, ang Roxas Blvd. at tabing pasyalan sa Manila Bay.