DIRECTOR
:Loy Arcenas LEAD CAST: Joanna Ampil,
Rachel Alejandro, Paulo Avelino, Sandino Martin, Nonie Buencamino, Menchu
Lauchengco-Yulo SCREENWRITER: Rolando Tinio (based on Portrait of a Filipino Artist by Nick Joanquin) PRODUCER: Girlie Rodis, Celeste Legaspi EDITOR:
Lawrence Fajardo MUSICAL DIRECTOR: Ryan Cayabyab GENRE: Drama, Musical CINEMATOGRAPHER:
Boy Yniguez
DISTRIBUTOR:
Solar Entertainment Corporation LOCATION:
Intramuros, Manila; Taal, Batangas RUNNING
TIME: 120minutes
Technical assessment:
4
Moral assessment:
3
CINEMA rating: V13
MTRCB rating: PG
Taong
1941 sa Intramuros, Manila, matatagpuan ang isang magarbong bahay na tila ba
pinaglumaan na ng panahon. Ito ay ang
tirahan ng pamilya Marasigan. Ang naiwan na lamang dito ay ang magkapatid na
Candida (Joanna Ampil) at Paula (Rachel Alejandro) na pawang mga
tumandang-dalaga na sa pag-aalaga sa amang si Don Lorenzo Marasigan, isang
sikat na pintor. Walang hanap-buhay ang magkapatid kung kaya’t tumanggap sila
ng mangungupahan sa isang bakanteng kuwarto—si Tony Javier (Paulo Avelino), na
kalaunan ay pilit silang kukumbinsihin na ibenta ang isang natatanging obra na ipininta ng ama
para sa magkapatid. Kasabay nito’y ang
banta na mapaalis na rin sa bahay sapagkat ibinebenta ito ng dalawa nilang
kapatid. Ang larawan at ang tahanan na
lamang ang natitirang yaman ng magkapatid pati ng kanilang malubhang ama. Ipagbibili ba nila ito sa gitna ng kanilang
kahirapan at nagbabadyang digmaan?
Ang Larawan ay
isang pagsasalin-pelikula ng dulang A Portrait of an Artist as a Filipino
sa panulat ng Pambansang Alagad ng Sining na si Nick Joaquin. Isinalin ito sa Pilipino
ng isa pang Pambansang Alagad ng Sining na si Rolando Tinio at Ang Larawan ay naging isa sa di-malilimutang dulang musikal na
nagkaroon na ng maraming pagtatanghal sa entablado. Naging matapat ang pelikula
sa obra ng dalawang maestro ng sining. Kitang-kita at damang-dama ang malalim
na pagmamahal at paggalang ng mga nasa likod ng pelikula sa orihinal na
materyal. Mabuting bagay ito sa kabuuan sapagkat nagawang maging matapat ng
pelikula sa orihinal na obra sa kabila ng tukso ng komersiyalismo. Pinagbuhusan
ng henyo ang bawat aspeto ng pelikula mula sa disenyo ng produksiyon, libretto, musika, mga aktor na nagsiganap—sa kanilang lahat wala
kang itulak-kabigin sa pag-awit at pag-arte. Si Ampil ay isang matinding
rebelasyon sa pelikula—bagama’t kinilala na ang kanyang galing sa entablado,
masasabing bago pa rin siya sa paningin ng manonood ng pelikula, ngunit umangat
pa rin siya ng lubos. Hindi naman nagpahuli ang mga beterano sa kanilang kamangha-mangha
anumang pagganap, anumang liit ng kanilang papel. Sina Alejandro at Avelino ay
kapwa rin mahuhusay na bida. Marahil mas napaigi pa ang pelikula kung nagsubok
itong palawigin pa at palakihin ang materyal upang mas maramdaman pa ng manonood
kung gaano kalaki at kalawak ang saklaw ng tema ng kuwento, ngunit marahil din,
mas ninais nilang maging matapat sa makasining nitong pinagmulan upang
panatiliin ang tunay nitong kaluluwa.
Malalim
ang nais ipahiwatig ng Ang Larawan.
May mahalaga itong mensahe patungkol sa kaibuturan ng bawat nating pagkatao—na
ang bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang demonyo na habambuhay nating
paglalabanan at mapalad na kung ito ay ating mapagtatagumpayan. Ang sining
bilang sumasalamin sa lipunan ay parating nasasalang sa matinding pagsubok—ito
nga ba’y isang biyaya o isang sumpa? Ang sining bilang konsyensiya ng lipunan ay
madalas nababahiran ng samu’t-saring pambabatikos at pag-aalipusta; nariyang
maging simbolo pa ito ng matinding agwat ng mayaman at mahirap, at dahilan ng paghahati
ng manonood sa Pista ng Pelikulang Pilipino kung saan ang pelikulang Ang Larawan ay sinasabing pang-may kaya
lamang, para sa elitista, at mga “may pinag-aralan”. Subalit hindi ito kailanman ang dapat na
naging papel ng sining. Ang sining ay para sa lahat—mahirap man o mayaman—at
lahat ay dapat inaanyayahan upang maunawan ito, sapagkat ang pag-unawa sa
sining ay pag-unawa sa ating pagkatao. Kahanga-hanga ang mga papel nina Candida
at Paula na nanatiling dalisay sa kanilang hangarin na pangalagaan ang natitira
nilang tunay na yaman kasabay ng matiyaga nilang pag-aalaga sa maysakit na
magulang—bagay na dapat hangarin ng bawat tao bago ang kapangyarihan at salapi.
Lubos na kahanga-hanga rin kung paanong isinalarawan ng pelikula ang isa sa mga
ugat ng pananampalatayang Katoliko ng mga Pilipino—kung paanong naipaglaban ng
magkapatid ang kanilang prinsipyo na pawang isang milagro katulad ng
milagrosong Birhen ng La Naval. Sa kabuuan nama’y naghahatid ng pag-asa ang
pelikula—sa sining man o sa lipunan, may mga mananatili pa ring dalisay—ang
pagmamahal sa pamilya, at pananampalataya sa Diyos na may likha—mga bagay na
hindi maaring maglaho sa digmaan man o kapayapaan, dumaan man ang maraming unos
at lumipas man ang panahon. (Ang Larawan ang nanalong "Best Picture" ng MetroManila Film Festival 2017)