DIRECTOR: Julius
Alfonso LEAD CAST: Joross
Gamboa, Edgar Allan Guzman, Dimples Romana, Candy Pangilinan, Nico Antonio SCREENWRITER: Eric Cabahug
PRODUCERS: Eric Cabahug, Vanessa
de Leon EDITOR: Vanessa de Leon MUSICAL DIRECTOR: Von de Guzman
GENRE: Comedy, Drama CINEMATOGRAPHER: Lee Briones
DISTRIBUTOR: T-Rex Entertainment
Productions LOCATION: Manila
RUNNING TIME: 109 minutes
Technical assessment:
3
Moral assessment: 2
CINEMA rating: V14
Napag-alaman ni John (Joross Gamboa) na gawa ng cancer niya ay nalalapit na ang kanyang kamatayan. Ang huling hiling niya sa matalik niyang
kaibigang isa ring bakla, si Mark (Edgar Allan Guzman) ay ang magkunwari silang
namatay na siya para habang buhay pa siya ay marinig na niya ang mga eulogy at sasabihin tungkol sa kanya ng
mga tao sa burol niya. Bagama’t sa
simula ay asiwa si Mark sa gustong mangyari ni John, papayag na rin siya bilang
pagbibigay sa kaibigang malapit nang pumanaw. Bibili sila ng isang bangkay na siyang
isisilid sa ataol at paglalamayan nang limang gab. Tataba ang puso ni John sa mga maririnig mula
sa mga naglalamay ka kakilala’t kaibigan, pero may mangyayaring hindi niya
inaasahan.
Ano ito, kabaklaan na naman?
Maaaring iyan ang itanong ng manonood na nagsasawa na sa palasak nang
presensiya ng mga bading sa pinalakang tabing.
Pero, ang Deadma Walking—na
inakala ng iba sa simula ay isang zombie
movie gawa ng pamagat nito—ay hindi lamang daw isang ordinaryong “gay
movie” na nagpapatawa sa pag-iingay at kalaswaan, ayon sa mga gumawa nito. Sa isang banda, tama ito, pagkat ang pelikula
ay tumatalakay sa mga damdaming dinaranas ng lahat nang tao, maging lalaki,
babae, bakla, o tomboy man siya—ang tapat na pagkakaibigan, halimbawa—na buong
husay namang naitawid nila Guzman at Gamboa.
May isang elemento lamang na nakakadiskaril sa Deadma Walking, ang mga eksenang mapantasiya ni Eugene Domingo, na
bagama’t amusing ay wala namang
gasinong naiambag sa takbo o lalim ng kuwento, maliban sa… iyon na nga, ang
hindi maiwasang dampi ng kabaklaan.
Bakit maiisipan ng isang taong pekein ang sariling kamatayan
marinig lamang ang mga sasabihin ng iba tungkol sa kanya? Sa pelikula, ipinapakitang ito ay dahil sa
matinding pangungulila. Si John, sa
kabila ng kanyang kayamanan, ay may terminal
cancer, ulila sa magulang, nangungulila sa kapatid na hindi man lamang
dumalaw sa burol ng kanilang ina, at higit sa lahat, mamamatay siyang walang love life. Gusto niyang malaman kung ano ang tingin ng
tao sa kanya—ano ba ang pagkukulang niya at siya ay hindi maging masaya. Ubod marahil siya ng lungkot kaya’t nagawa tuloy
niya ang isang pagtataksil sa taong nagmamahal sa kanya nang dalisay. Sa dulo ng pelikula ay ang mga katanungang: Ano
ang ibinunga ng kanyang pekeng burol? May
maituturo ba sa kanya o sa manunuod ang pait na naidulot nito sa kanya?
Tatalikuran na ba niya ang kabanidosahan niya at matutunang kilalanin ang tunay
niyang sarili at ang halaga ng tunay na pagkakaibigan?
Tanong din ng CINEMA: makatarungan bang gamitin ang mga labi
ng isang tao—ang pagbili ng isang bangkay—para lamang sundin ang luho ng isang
nabubuhay? Ang kalungkutan at
pangungulila ng isang tao ay nag-uugat sa kakulangan ng Diyos sa kanyang buhay;
hindi ito mapapawi ng anumang solusyon ng tao hangga’t hindi kinikilala ang
ugat nito. Iyan po ay isang katotohanang
kayang unawain ng kahit sinong tao—girl,
boy, bakla, o tomboy—ngunit kailangan ang katapatan upang lubos na
magkahalaga ito sa pagbabago ng iyong buhay.