DIRECTOR: JOYCE BERNAL LEAD CAST:
VICE GANDA, DANIEL PADILLA, PIA WURTZBACH SCREENWRITERS: ENRICO C.
SANTOS, JUVY GALAMITON, DANNO KRISTOPER C. MARIQUIT, DAISY CAYANAN, JONATHAN
ALBANO PRODUCER: VINCENT DEL ROSARIO III, VERONIQUE DEL
ROSARIO-CORPUS EDITOR: NOAH TONGA, JOYCE BERNAL MUSICAL DIRECTOR: CARMINA R. CUYA CINEMATOGRAPHER: MACKIE GALVEZ
GENRE: COMEDY, FANTASY
DISTRIBUTOR: STAR CINEMA
LOCATION: PHILIPPINES RUNNING TIME: 110 MINUTES
Technical assessment:
2
Moral assessment:
3
CINEMA rating:
PG 13
Mapapatay ni Emy/Gandarra
(Vice Ganda) ang imbing si Madman (RK Bagatsing), ngunit magkakaroon ito ng amnesia
nang mabagsakan ng malaking tipak ng gumuguhong gusali sa labanan nila ni
Madman. Kukupkupin ni Emy bilang tunay na kadugo ang anak ni Madman, si Chino/Rapiddo
(Daniel Padilla), ni Gandarra kasama ng mga kaibigan niyang pawang may mga taglay
ding “superpowers”—sila Luz Luz/Higopa, Bok Bok/Flawlessa, Bul Dog/Pospora, at Peppa/Barna. Palalakihin nila si Chino isang mabuting tao
para talikdan niya ang kapalaran niyang sumunod sa yapak ng amang si Madman. Ilalayo nila ang bata upang hindi matagpuan
ni Mino (Ejay Falcon) na kampon ng kasamaan na nakukulong sa isang salamin. Ililihim
din nila kay Chino ang katotohanang mayroon siyang “superpowers”, ngunit
pagdating ng ika-21 kaarawan nito ay hindi sinasadyang matutuklasan din niya ang
lihim. Upang pigilan ang nagbabadyang pananaig ng kasamaan, iuumpog ng mga
kaibigan ni Emy/Gandarra ang ulo nito sa pag-asang mababalik ang kanyang memorya at manunumbalik ang kanyang
nasang labanan ang kadiliman sa tulong ng bertud niyang mahiwagang lipistik. Muling makikilala ni Emy/Gandarra ang kanyang
mga superheroes na kaibigan, at
magsasama silang kalabanin ang mga kontrabida, na kinabibilangan ng kapatid ni
Emy/Gandarra na si Cassandra/Kweenie (Pia Wurtzbach).
Sadya kaya sa
pelikula iyon o may diperensiya ang sinehan kung bakit ubod nang lakas ang
tunog ng Gandarrappiddo: The Revenger Squad. Kung kahit na magandang musika ay masisira sa
lakas ng tunog, di lalo na kung pulos talakan, tarayan at tilian ang maririnig
mo! Sabi nga ng isang bading sa upuan sa
likuran namin, “Kaloka naman ang ingay!” Tinarget ng pelikula na pasayahin ang mga
manonood, lalo na ang mga bata, kung kaya’t sinadya ni Ganda na gawing super-makulay
ang lahat, mula sa kanyang costume
bilang Gandarra. Pero kakatwang wala kaming nakitang bata sa sinehan noong araw
na manood kami. Noon lang kaya iyon o
palagi? Whatever, buti na rin sigurong hindi mapanood ng mga musmos ito
dahil hitik naman sa kakornihan ang dialogue
at sa kabaduyan ang costumes (maliban
lang kay Pia na isang kulay lamang, ginto, pero passable na din ang dating). Hindi rin makinis ang CGI, kahit ikokompara
ito sa ibang Pilipino movies na magamit
din ng CGI.
Sa kabila ng ingay, gulo, at kabalbalan sa pelikula, napaglimi ng CINEMA na may magandang mensahe ang Gandarrappiddo: The Revenger Squad, at iyon ay—hindi “namamana” ang
kasamaan. Maaaring taglay ng isang anak
ang dugo ng kasuklam-suklam na magulang, ngunit hindi nangangahulugang automatic na rin siyang magiging
kasuklam-suklam. Malaki ang nagagawa ng suporta
ng pamilya, ng kapiligiran, at lalo’t higit ng pagmamahal tungo sa ikabubuti ng
isang tao. Tandaan nating tayong lahat ay pawang mga "anak ng Diyos" at Kanyang minamahal. Bagama’t maliwanag na
ipanaghiwalay ang kasamaan at kabutihan sa pelikula, kailangan pa ring gabayan
ang mga batang manunuod para maayos nilang maunawaan kung ano ang totoo at ano
ang pantasya dito. Turuan silang maging
mapagtanong sa mga pinapanood, at huwag lunok na lang nang lunok sa mga
naririnig o nakikita nila sa kanilang mga “lodi”.