HAUNTED
FOREST
MUSIC: Francis Concio CINEMATOGRAPHY: Rommel Sales, EDITING: Tara Illenberger, PRODUCTION DESIGN Ericson Navarro PRODUCER: Pamela Baldevieso, Lea
Calmerin, Lily Monteverde LOCATION: Province in the Philippines GENRE: Horror DISTRIBUTOR: Regal Films
Technical assessment: 2
Moral assessment: 3
MTRCB rating: PG 13
Cinema rating: V14
Sunod-sunod
ang pinapatay na dalaga sa isang matandang puno sa gitna ng kagubatan. Walang
maituring na salarin maliban sa isang baliw na nakitang kasama ng huling
biktima. Isasama ni Nardo (Marquez) sa pag-iimbistaga
si Aris (Santiago), na lumipat sa probinsiya kasama ng kanyang anak
na si Nica (Oineza) matapos mabiyuda. Nang sumama si Nica sa kanyang
pinsang si Mitch (Racal) at dalawang kaibigang lalaking sina
RJ (Blake) at Andre (Lucas) sa gubat ay titipuhan siya ng sitsit, ang halimaw na nakatira sa
matandang puno at siyang pumapatay sa mga kadalagahan. Paglalaruan ang isip ni
Nica hanggang unti-unti siyang manghina at mawala sa sarili at mabihag ng
halimaw. Hahamunin ng sitsit si Aris na kumuha ng ibang dalaga
kapalit ng kanyang anak ngunit hindi nito magagawang magpahamak ng inosenteng
babae. Mapapatay siya ng sitsit at makakatakas si Nica, Tuturuan ng isang
matanda si Nica kung papaanong magagapi ang halimaw.
Labing-limang
minuto lamang ang kailangan para maikwento ang mga eksenang nabanggit. Ang
natitirang halos dalawang oras na ginugol para sa iba´t ibang eksena
ay maari nang tanggalin nang hindi naaapektuhan ang kwento. Ito ang malaking
problema ng Haunted Forest. Napakaraming gustong sabihin, napakaraming
maliliit na kwento, wala namang isang malinaw na tuon. Naging magulo tuloy ang
daloy sa kabi-kabilang mga tauhang ipinakilala at mga pagtatangkang bigyan ng
lalim at istruktura. Hindi marunong magkwento ang direktor nito kung
ipagpapalagay na maayos ang pagkakasulat ng naratibo. Sablay din ang
pagganap ng mga tauhan. Mula kay Santiago na iisa lamang ata ang saklaw na
emosyon ng mukha, ang matamlay at malabnaw na pagganap
nina Oineza at Racal at ang katawa-tawa sa pagbuo sa tauhan nina Blake
at Lucas. Ang editing ay
patalon-talon. Kung ang intensyon nito ay gawing parang palaisipan ang kwento,
naging matagumpay naman dahil talagang pag-iisipan mo kung ano na ang
nangyayari. Marami ring hindi makatwirang eksena: bakit walang babala sa
pagpunta sa gubat gayong napakarami nang mapapatay? Bakit nag-hintay hanggang
sa huling 15 minuto ng pelikula ang matanda bago niya sabihin kung papaanong
magagapi ang sitsit? Nagdrodroga ba si Aris kaya marami siyang masasamang
guni-guni? Bakit hindi umubo man lamang ang apat gayon nasa tapat sila ng
nasusunog na puno at makapal na usok? Saang probinsiya nasa tabi ng gubat
ang sentro ng pista? Maayos ang disenyo ng produksyon pero hindi naman ito
naging angkop. Ang tanging napapahalagahan ay ang tunog, musika, at
ang sinematograpiya. Pero kahit ang mga ito ay hindi na rin naging sapat
para pagandahin ang pelikula.
Parang
may dalawang gustong mensahe ang Haunted
Forest. Una, ang halaga ng
pag-uusap, pagpapatawad, at pagkakasundo ng magulang at anak. Malaki
ang puwang sa ugnayan ng mag-amang Aris at Nica pero dahil sinikap nila na
magkausap ay muli silang nagkalapit at naunawaan ang halaga ng isa´t isa. Ang
ikalawa ay ang tungkuling itaguyod ang tama at mabuti kahit pa ang kapalit nito
ay matinding sakripisyo. Dalawang ama ang pinapili ng sitsit na kumuha ng ibang
dalaga bilang kapalit ng sariling anak. Ang unang ama ay nilagpasan ang
konsensya at handang ibuwis ang inosenteng buhay para sa anak. Si Aris ay
inihanda ang sarili na labanan ang sitsit o mawalan ng anak kaysa sa ipahamak
ang isang inosenteng babae. Maganda sana kung marunong lamang magkwento o
pumili ng bibigyang tuon si Loreños. Pero dahil sa gulo ng pagkakabuo ay
hindi nabigyang hustisya ang potensyal ng mensahe.