Tuesday, December 5, 2017

Trip Ubusan: Lolas vs Zombies

DIRECTOR: MARK A. REYES  LEAD CAST: JOSE MANALO, PAOLO BALLESTEROS, WALLY BAYOLA  SCREENWRITER:  RAYMOD NAVARRO, MA. ACY Q. RAMOS  PRODUCER:  MARVIC C. SOTTO, ANTHONY P. TUVIERA  GENRE: HORROR, COMEDY  DISTRIBUTOR: APT PRODUCTIONS AND M-ZET PRODUCTIONS  LOCATION:  Philippines  RUNNING TIME:   108 minutes
Technical assesment: 3
Moral assessment:  3
CINEMA rating:  V13 
Magkakasama sa out-of-town trip ang tatlong lola na sina Tinidora (Jose Manalo), Nidora (Wally Bayola, Tidora (Paolo Ballesteros), at ang apong si Charmaine upang ipagdiwang ang birthday ng bata. Subalit bago pa man sila makarating sa destinasyon na beach resort ay aatakehin sila ng mga zombies. Makakatakas naman sila ngunit habang nagpapagasolina sa stop over ay muli silang makakasagupa ng mas maraming zombies. Sa pagkakataong  ito kasama nilang makakatakas sa atake ng mga zombies sina Eva (Angelika Dela Cruz), Macey ( Ryza Mae), ang kuya niya, ilan pang kabataan, at sasakay sila sa tourist bus na minamaneho ni Jordan (Arthur Solinap) at ng girlfriend niyang tourist guide.  Makakatulong sa grupo ang mga nalalaman ni Macey kung paano labanan ang mga zombies dahil sa nakahiligan niya na pagbabasa tungkol dito. Kaya sa kabila ng pagmamaliit ni Eva sa mga mungkahi ni Macey bilang bata ay ginawa pa rin nila ito. Sama-sama silang lalaban hanggang makarating dila sa safe zone. Sa kasamaang palad ay di makakaligtas ang ilan sa kanila at sadyang kailangan magbuwis ng buhay. Mapag-aalaman nila mula sa balita na galing pala sa isang infected meat ang virus at mabilis na nakakahawa kapag nakagat ng taong infected. Samantala, isa sa mga naging enkwentro ng grupo ay makakagat ng zombie si Lola Nidora at lihim siyang magpapasya na magpaiwan dahil alam niya na infected na siya. Subalit batid pala ito ng apong si Charmaine at di ito papayagan na mahiwalay sa kaniya ang lola sa kabila ng panganib. Maalala ni Charmaine ang sinabi ni Macey na kapag maaagapan na talian ay mapapabagal ang pagiging zombie ng nakagat na tao; gagawin nila ito kaya makakarating pa siya sa safe zone.


Bagamat sa malawakang konteksto ay hinalaw sa banyagang pelikula ng Korea ang kwento ngTrip Ubusan: Lolas vs. Zombies, nagkaroon ito ng sariling merito dahil sa pagtatampok sa tatlong lola bilang mga bida. Tumingkad pa ang pagtatampok sa kanilang mga karakter bilang mga lola dahil pawang mga lalaki ang nagsiganap na sila Manalo, Ballesteros at Bayola.  Mahusay ang pag-arte ng mga nagsiganap alinman sa mga eksenang  comedy, drama at suspense. Makabuluhan ang palitan ng mga linya, kaabang-abang ang mga sasambitin ng mga tauhan tulad barahan sa pagitan nina Lola Nidora at Eva at ang mga pangangangaral ng tatlong Lola sa mga bata at mga kabataan. Maganda ang mga kuha ng kamera sa magagandang tanawin na dinadaanan ng bus na kinalulunan ng mga lola at mga kasama nila.  May konting sablay lang sa editing dahil may mga eksena ng pag-atake ng zombies na nakatawa ang mga ito. Naisalba naman ang mga ganitong eksena ng mahusay na make-up at disenyo ng produksyon.

Sa lipunan na maaring ang tingin sa mga nakatatanda ay pasanin at alalahanin, ang pelikulang Trip Ubusan: Lolas vs Zombies ay maaring magbigay ng punto ng pagninilay upang magbago ng pagtingin sa kanila. Naging inspirasyon at sandigan ng mga nakababatang kasama ang pakikipaglaban na ginawa nila para makaligtas sa panganib ng zombies. Hatid rin na mensahe ng pelikula na napakahalaga ng pagkakaisa at malasakit sa kapwa lalo na kapag nahaharap sa panganib at maraming buhay ang nakataya. Pinakita ito sa pelikula  hindi lamang sa pagitan ng magkakapatid na lola, kungdi  kahit sa pagitan ng mga di magkakakilala. Hindi nagdalawang isip na magsakrispisyo para sa kapwa. Hindi pinanaig sa kwento ang isang salungat sa mga planong may pagsasaalang-alang sa kapwa. Kahanga-hanga ang pagmamahalan ng magkakapatid na lola. Mas pinili nilang magkasama-sama hanggang sa huli. Hindi nila pinangunahan na tapusin ang buhay ng kapatid  habang hindi pa nagiging zombie. Positibo ding mensahe ng pelikula ang mga natanto ng mga kabataan matapos pagsisihan ang pagsuway sa payo ng kanilang mga magulang. Bagamat nasa konteksto ng temang zombie ang pelikula, lubha pa ring maselan para sa murang manonood ang madugo at nakaririmarim na pag-atake sa mga tao.

May ilang katanungan lamang ang CINEMA: naubusan na ba ang industriya ng pelikula ng mga babaeng maaaring gumanap bilang mga lola?  O nakakatawa lang ba kung mga lalaki ang gaganap bilang mga babae?  Kung ganon man, bakit ito nakakatawa?