Saturday, December 23, 2017

Unexpectedly Yours


DIRECTOR: Cathy Garcia-Molina  LEAD CAST: Sharon Cuneta, Robin Padilla, Julia Barretto, Joshua Garcia, John Estrada  SCREENWRITER: Vanessa R. Valdez, Kiko Abrillo, Anna Karenina Ramos, Janica Mae Regalo  PRODUCER:  Charo Santos-Concio  EDITOR:  Marya Ignacio  MUSICAL DIRECTOR:  Jessie Lasaten  GENRE: Comedy, Romance  CINEMATOGRAPHER:  Manuel Teehankee  DISTRIBUTOR: Star Cinema Productions/ABS-CBN Film Productions  LOCATION:  Manila  RUNNING TIME:   120 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: PG
Sa gabi ng pagdiriwang ni Patty (Sharon Cuneta) ng kanyang ika-50 kaarawan, masasaksihan niya nang di-sinasadya ang wedding proposal ng ex-husband (John Estrada) niya sa bago nitong girlfriend. Maglalasing siya dahil dito at sa sobrang kalasingan, aksidenteng mapapadpad siya sa kuwarto ni Cocoy (Robin Padilla) isang seaman at OFW. Ang aksidenteng pagtatagpong iyon ay mauulit nang magkataon na si Cocoy ang bagong nakabili ng bahay sa tabi mismo ng bahay kung saan nakatira si Patty. At lalong magku-krus ang kanilang landas sapagkat sila pala ay high school batchmates at si Patty ang matagal nang crush ni Cocoy. Manliligaw si Cocoy kay Patty ngunit hindi niya ito papansinin—pero magiging masigasig pa rin si Cocoy at unti-unti, mapapalapit si Patty sa kanya. Ngunit, hanggang kailan kaya kung sa unang tingin ay alangan sila sa isa’t-isa at si Patty ay nasa gitna ng maraming pinagdadaanang problema?
Kung tutuusin, wala naman masyadong bago sa Unexpectedly Yours. As expected, naging de-kahon ang mga karakter nila Cuneta at Padilla. Isang mayaman at sosyalin na babae na alangan sa isang siga at jologs na lalaki. Pero hindi maitatanggi na nariyan pa rin ang kilig sa tambalan ng dalawa. Sayang nga lang at hindi naman ito pinalawig pa nang husto at masyadong nag-abala pa ang pelikula sa maraming suliranin gaya ng generation gap at problema sa trabaho na wala naman kinalaman sa kuwentong pag-ibig ng dalawang bida. Sayang at tila nagkulang sa lalim ng karakterisasyon. Marahil ay natakot ang Star Cinema na hindi mag-click sa kabataan ang tambalang Sharon-Robin kung kaya’t kinailangan pa ang elemento ng mga bagong usbong na batang tambalan na wala naman masyadong ambag sa kuwento. Mahuhusay ang mga nagsiganap sa pelikula at maayos naman ang pagkakabuo nito. Kung lalabas lamang sa de-kahong pormula—mas may maiyayabong pa ang pelikula na magiging unexpected sana. Pero tulad ng dati, alipin pa rin ng komersiyalismo ang kabuuan ng pelikula.
Bilang isang love story, sinasabi ng Unexpectedly Yours na wala dapat pinipiling edad o estado sa pamumuhay ang pag-ibig at lalong hindi ito dapat nakabatay sa pamantayan ng ibang tao, bagkus ay nakasalalay lamang ito sa kung sino ang mga pusong nagmamahalan. Hindi pinipilit ang pag-ibig at hindi rin ito ikinakahiya. Ipinakita rin ng pelikula kung paanong nagkakaiba ang ligawan noon at ligawan ng mga kabataan ngayon na labis na naiimpluwensiyahan ng internet at social media. Sa kabuuan, sinasabi ng pelikula na iba pa rin ang relasyong pisikal kaysa sa nagkikita at nagkakausap lamang sa pamamagitang ng teknolohiya. May halaga pa rin ang personal na pagkakakilanlan at mas makabuluhan pa rin ang tradisyonal na ligawan. Sa mas malalim pang mensahe ng pelikula ay nariyan ang saloobin nito ukol sa pagpapalaki ng anak—na kung saan, hindi sa lahat ng panahon at pagkakataon, ang magulang lagi ang nasusunod.  Darating ang panahon na dapat ding pakawalan ng mga magulang ang anak at hayaan silang matuto anuman ang kahinatnan ng sarili nilang desisyon. Naging magandang halimbawa si Patty sa lagay na ito—bagama’t natagalan bago siya nagkaron ng lakas ng loob, naging magalang at mapagmahal pa rin siyang anak—at lalong naging mapagmahal at maaruga din siyang ina. Nakababahala lamang na tila ginawang katatawan ng pelikula ang ilang mga realidad sa buhay ng isang tao na labas sa kanyang sariling lakas—pagtanda, pagtaba, pag-iisa—mga bagay na hindi dapat gawing biro-biro.