DIRECTOR: Jason Paul
Laxamana STARRING: Zanjoe Marudo, Daniel Matsunaga, Rhian Ramos,
Lemuel Pelayo, Marlo Mortel, Ricky Davao, Tetchie Agbayani and Cai Cortez. WRITTEN BY: Jason Paul Laxamana GENRE: Romance, Comedy PRODUCTION COMPANY: CINEKO Productions,
Inc. DISTRIBUTED BY: Star Cinema COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Pilipino RUNNING TIME: 1 hour 58 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
MTRCB rating:
PG
Sa kabila ng pagiging laging sawi
sa pag-ibig, si Michelle (Rhian Ramos), isang production assistant at location
manager ng mga pelikula, ay hindi
naman tuluyang sumusuko at lagi pa rin siyang nagkakaroon ng nobyo. Itong huli
niyang relasyon kay Chris (Daniel Matsunaga) ay halos perpekto na, ngunit tila
nakakaramdam siya na hindi na naman sila magtatagal sapagkat may mga senyales
siyang nakikita na may ibang babae ito. Naaapektuhan na ang kanyang trabaho
dahil dito kung kaya’t papayuhan siya ng kanyang boss (Tetchie Agbayani) na magkaroon siya dapat ng tinatawag ng fallback o reserbang karelasyon para
kung sakaling iwan siya ni Chris ay meron na agad siyang pamalit at hindi na
siya gaanong masasaktan at hindi na rin
siya mangagamba sakaling maghiwalay sila ni Chris. Sa isang hindi sinasadyang
pagkakataon ay magkakapanagpo silang muli ng kanyang ex-boyfriend
na si Alvin (Zanjoe Marudo) at tila mabubuhay ang nakaraan. Si Alvin na ba ang perfect fallback ni Michelle?
Simple lamang ang produksiyon at
kuwento ng Fallback kung tutuusin –
pinagyabong lamang nito ang isang ideya na maari o pinaniniwalaan na pwedeng
panlaban sa heartbreak. Mainam na
nakasentro ang pelikula sa tema nito—yun nga lang, naging mababaw ang pag-trato
nila dito. Mababaw ang hagod ng karakterisasyon sa pelikula at hindi malinaw
ang pinanggagalingan ng mga pangunahing tauhan—lalo na si Michelle. Ano pa bang
mayroon sa kanya bukod sa pagiging laging palpak sa trabaho? May pamilya ba
siya? Walang gaanong nakataya sa kuwento at hindi kataya-taya ang kanyang
pagkatao upang makaramdam ng simpatya ang manonood sa kanya. Kulang din sa
tinatawag na chemistry ang mga
tauhan. Pawang pilit ang kanilang mga tambalan. Sayang at maayos na sana ang
daloy ng kuwento at mahusay naman ang mga artistang nagsiganap pero malaki ang
kakulangan ng buong kuwento sa pagpapayabong at pagpapalalim ng kabuluhan ng
relasyon. Malabo rin ang nais ipahiwatig ng treatment
ng pelikula sa paghahalo-halo nito
ng kung anu-anong elemento at genre—tulad
ng tila horror sa simula at comedy sa ilang eksena—sa madaling
salita, hindi malinaw kung anong nais nilang palabasin sa kanilang palabas.
Liban na lamang kung sinasadya nila itong gawin pagkat nais nilang palabasin na
ang bawat relasyon talaga ay magulo—kasing gulo ng kanilang isipan habang ginagawa
nila ang pelikulang ito
Kontrobersyal ang ninanis
talakayin ng Fallback pagdating sa relasyon. Tama nga kayang magkaroon ng fallback para hindi maging napakasakit
ng kabiguan sa pag-ibig? Sa ibang aspeto ng buhay tulad ng trabaho, pag-aaral,
paglalakbay, pananalapi—akma at nararapat ang konsepto ng fallback—nagkakaron
ng marami at iba pang pagpipilian sa buhay, at nagiging handa sa mga hindi
inaasahang pangyayari. Ganun din ba sa relasyon? Hindi gaanong malinaw ang
naging tayo ng pelikula dito. Una, pinalabas nilang fallback ang isang relasyon na higit na malalim kaysa sa kasalukuyan—
pawang hindi angkop na tawagin itong fallback—na
sa simula pa lang, kita nang hindi ito isang reserba lamang kundi ito ang mas
tamang pagpipilian. Naglagay sila ng isa pang fallback na sobrang kabaligtaran naman – isang walang kalalim-lalim
na pagpipilian at hindi na kailangang pag-isipan. Sa isang banda, pumapabor ang
pelikula sa fallback, sa isang banda
naman ay hindi. Sumakutawid, ang fallback ay isang kathang-isip lamang.
Walang fallback pagdating sa
relasyon. Hindi maaring tawaging fallback
kung relasyon ang pag-uusapan—pakikiapid o panlilinlang ang maaring itawag
dito. May mga bagay sa buhay na sadyang nilikha at dinesenyo upang magkaroon ng
misteryo at gawing itong makabuluhan dahil dito. Hindi ito pwedeng ma-kontrol
at lalong hindi maaring ipilit o hulaan. Ang nararapat lamang ay maging tapat
at maging mabuti upang maging karapat-dapat sa sinuman na itinakdang maging
kasintahan man, o kaibigan. Ang ideya
mismo ng fallback ay nakasasama sa
pagyabong ng katauhan ng isang tao.
Hindi matututo mula sa mga dagok ng buhay o relasyon ang isang tao kung
lagi na lamang nitong tatakasan ang hapdi ng pagiging sawi. Nagiging addiction
lamang at hindi tunay na pag-ibig ang pakikipagrelasyon kung ang habol lang ng
isang tao dito ay saya, pasarap, at ang seguridad na lagi siyang may nag-aabang na "kapalit".