Cast: Anne Curtis, Jericho Rosales, Philip Salvador, ; Director: Mark Meiley; Producers: Veronique Del Rosario-Corpus, Vicente G. Del Rosario III; Screenwriter: Roy C. Iglesias; Music: Vincent de Jesus; Editor: Danny Anonuevo; Genre: Drama/ Romance/ War; Cinematography: Lee Meily; Distributor: Viva Films; Location: Baler, Aurora, Philippines; Running Time: 110 min.;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Taong 1898, panahon ng pananakop ng mga Kastila, nang sumibol ang pag-iibigan sa Baler ng dalagang si Feliza Reyes (Anne Curtis) at ng binatang si Celso Resurreccion (Jericho Rosales), isang mestisong sundalo sa pwersa ng mga Kastila. Pilit nilang ililihim ang kanilang pagmamahalan at pagniniig sapagka’t ang ama ni Feliza, si Nanding (Philip Salvador), ay kabilang sa mga armadong Pilipinong nag-aalsa laban sa mga Kastila. Matindi ang galit ni Nanding sa mga Kastila dahil sa karahasang ginawa ng mga ito sa kanyang ama at kapatid na babae, kung kaya’t tutol ito kahit sa nasang pagpapari ng kanyang anak na malapit sa mga prayle, si Gabriel. Darating ang pagkakataong mananaig ang lakas ng mga rebolusyonaryong Pilipino, tutugisin nila nang biglaan ang mga sundalong Kastila hanggang masukol ang mga ito at wala nang matatakbuhan kundi sa simbahan. Papaligiran ng mga sundalong Pilipino ang mga simbahan ngunit hindi susuko ang 57 Kastilang naroon bagama’t ang kanilang pagkain ay husto lamang sa loob ng tatlong buwan. Titiisin nila ang gutom, malaria, at ang kamatayan ng marami nilang kasamahan, habang naghihintay sila ng tulong mula sa hukbo nila sa Maynila. Lalakad ang mga buwan, tatanggapin na ng Espanya ang kanilang pagkatalo, ngunit hindi pa rin maniniwala dito ang mga sundalong Kastila na mistula’y nakakulong na sa simbahan. Kabilang sa mga sundalo sa loob ng simbahan si Celso, at nang hindi na ito makatiis, magkakasundo sila ng ilan sa kanilang mga kasamahan upang tumakas.
Maganda at maayos ang daloy ng istorya ng Baler, at sa maraming mga aspeto’y makatotohanan ang paglalahad nito ng mga pangyayari noong panahon ng paglaya ng mga Pilipino mula sa mga Kastila. Maganda rin ang sinematograpiya, Kahanga-hanga rin ang katapatan ng pagganap ng mga pangunahing artista, at dapat ding purihin ang direktor sa husay ng kabuuan ng pelikula. Dalawang bagay lamang ang nagiging batik sa magandang mukha ng Baler: ang magaralgal na pagsasalita ng wikang Kastila, at ang kakulangan sa tumpak na make-up. Kulang sa “dulas” ng dila ang mga nagsasalita ng Kastila—halatang hindi iyon ang inang-wika nila. Ang make-up naman: ang mga sundalong halos isang taon nang nagugutom, napupuyat, napapagod, nawawalan ng pag-asa at masuka-suka nang nakukulong kapiling ng mga nagkakasakit at yumayao ay mukha pa ring makikinis, busog at malulusog kahit na gutay-gutay na ang mga unipormeng suot. Bakit mula simula hanggang sa katapusan, makisig pa rin si Jericho Rosales? Di ba dapat ay humpak na ang kanilang mga pisngi, nanglalalim ang mga mata at bumabagsak na ang mga katawan sa ganoong mga kalagayan, na ultimo daga at ang alagang tuta ay kinakain na rin dahil sa matinding gutom?
Pinaghalong “fact” at “fiction” ang pelikula, base sa kasaysayang naturingnang “Siege of Baler” sa lalawigan ng Quezon kung saan nasukol ang 57 sundalong Kastila sa loob ng 337 na araw. Ang digmaang ito diumano ay kilalang-kilala sa Europa at sa katunaya’y ginawa pa itong isang pelikula noong taong 1945, at pinamagatang “Los Ultimos de Filipinas”, na tumutukoy sa mga sundalong Kastilang lumaban sa Baler noong rebolusyon at digmaan laban sa mga Amerikano. Kung ipipikit na lamang ninyo ang inyong mga mata sa mga nabanggit naming pagkukulang ng Baler, malulugod din kayo at pinanood ninyo ito, sapagkat kahit ito mabigat sa damdamin, maaaninag pa rin ninyo ang liwanag sa likuran ng ulap. Maaaring sabihin inyong kulang sa lupit ang mga magkaka-away, ngunit hindi ninyo rin maikakaila na nakabubuti sa lahat ang ipinapakitang pakikipag-kapwa tao ng mga Pilipino kahit na sa mga kaaway nila. Malugod na bumabati ang CINEMA sa karangalang nakamit ng Baler bilang “Best Festival Picture” sa 2008 Metro Manila Film Festival (MMFF), kasama ng siyam na iba pang gantimpala. Sadyang karapat-dapat sa Baler ang karangalang nakamit nito. Nawa’y makatulong ito sa pagtataas ng antas ng mga pelikulang Pilipino.