Cast: Ai-Ai Delas Alas, Eugene Domingo, Carlo Aquino, Cherry Pie Picache, Shaina Magdayao, Jiro Manio, Alwyn Uytingco, Gloria Diaz; Director: Wenn Deramas; Screenplay: Mel Mendoza-del Rosario; Distributor: Star Cinema; Genre: Comedy; Location: Philippines; Running Time: 110 mins;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
Rating: For viewers 14 years old and above
Makalipas ang mahigit 30 taon ng pagiging ulirang ina sa isang dosenang anak, makakaramdam si Ina (Ai-Ai Delas Alas) ng pagkabalisa at hahanapin niyang muli ang kanyang sarili at kung paano muli siyang maipagmamalaki ng kanyang mga anak.. Susubukan niyang magbalik-eskuwela habang nagtatrabaho, ngunit hindi pa rin ito magiging sapat. Magbabago ang takbo ng kanyang buhay nang mamasukan siya sa Malacanan bilang chamber maid. Mapapalapit siya sa pangulo ng Pilipinas (Gloria Diaz) at isang hindi inaasahang pagkakataon ay mauulinigan niya ang isang masamang balak na pagpaslang dito. Hindi niya mapipigilan ang pagpapaslang sa pangulo ngunit magiging susi siya upang malutas ang kaso. Dahil dito ay hahamunin siya ng mga kalaban na tumakbo sa pagka-Pangulo ng bansa. Matapos ang masusing pag-iisip ay tatanggapin niya ito ay siya ay mananalo. Kayanin kaya ni Ina ang pagiging ina ng buong bayan habang ginagampanan ang pagiging tunay na ina sa mga anak?
Isang mahusay na komedya ang pelikula. Tulad sa inaasahan, hitik sa katatawanan ang buong kuwento na bagama’t hindi lohikal ay nagawang papaniwalain ang mga manonood na ito ay posible. Tama ang timpla ng komedya at drama na talaga namang malaman din ang mga mensahe. Kahanga-hanga ang lahat ng tauhan lalo na ang actor na si Eugene Domingo na hindi matatawaran ang galing sa pagpapatawa. Si Domingo ang halos nagdala ng aliw sa pelikula mula simula hanggang wakas. Mas mahusay naman sa pagda-drama si Delas Alas kaysa sa pagpapatawa. Ngunit kung susumahin ay epektibo rin naman siya. Napanindigan nang husto ng Ang Tanging Ina Niyong Lahat ang pagpapatawa na hindi lumaylay at laging may mga bagong patawa at pasabog bawat eksena.
Hanggang saan nga ba nasusukat ang kadakilaan ng isang ina? Nariyang pasukin ang lahat ng trabaho, maitaguyod lamang ang mga anak tulad ng karakter ni Ina sa pelikula. Pero kadalasa’y hindi pa rin ito nagiging sapat. Marahil, sadyang walang hangganan ang sukatan ng pagiging ulirang ina. Ipinakikita sa pelikula ang lahat ng maaaring gawin ng isang ina para sa kanyang anak. Sinasabi ring iba talaga ang pagmamahal ng isang ina at maaari itong maging lakas ng sinumang nagnanais ng magpatakbo ng isang bayan. Sa pelikula’y naging labis na suwail ang mga anak ni Ina ngunit nagsisi naman ang mga ito sa bandang huli. Bagay na kapupulutan ng aral ng mga manonood. May ilang mga eksena lamang na patungkol sa sekswalidad at ilang maselang isyu na maaaring hindi angkop sa mga batang manonood.