Cast: Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, Oyo Sotto, Gian Sotto, Keempee de Leon, Benjie Paras, Jose; Director: Tony Reyes ; Screenplay: Bibeth Orteza;: Northern Philippines; Genre: Comedy; Distributor: Octo-Arts, Mzet Film
Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 2.5
Cinema Rating : For viewers age 13 and below with parental guidance
Makalipas ang 20 taon, si Vic Ungasis (Sotto) ay isa nang sikat at matagumpay na archeologist. Pilit niyang tinutuklas ang isang gamit ni Humabon at ang kampilan ni Lapu-Lapu upang maibigay sa museo. Samantala, isang Hapon naman ang makamit ang serbisyo ng kapwa archeologist at kaibigan ni Vic (Benjie Paras) upang makuha ang peseta na nakakabit sa kampilan ni Lapu-Lapu. Sinasabing ang sinumang may hawak ng peseta ay magkakaroon ng panangga sa kamatayan. Sa kabilang dako, masasangkot ang magkapatid na Tito (Sotto) at Joey (de Leon) Escalera dahil sa kanilang katusuhan at pagbebenta ng pekeng peseta sa mga Hapon. Sa kwentong ito nakapaloob ang pagplaplano ng isang class reunion ni Miss Tapia upang magkasama-sama ang mga dating tauhan ng sikat na palabas noong dekada 70 hanggang 80.
Katulad nang malimit gawin sa industriya ng pelikulang Pilipino, ginamit lamang ang pagka-sikat ng Iskul Bukol bilang panghatak sa mga manunuod. Walang kinalaman ang pamagat sa daloy ng kwento; bagkus ginawa lamang itong dahilan upang ilabas ang mga dating tauhan mula kina Miss Tapia (Mely Tagasa) hanggang kina Richie d’ Horsey. Napakababaw ng komedya ng palabas na nakasalalay lamang sa slapstick at patawang seksuwal. Ang pelikula ay hindi pinauusad ng istorya kundi ng mga tagpi-tagping eksena lamang na kung minsan ay wala namang koneksyon sa isa’t isa o hindi naman kailangan ng kuwento. Tuloy, naging mabagal ang pagusad ng pelikula at tila napakahaba ang paghihintay na matapos na ito. Maging ang mga CGI’s at special effects ay hindi pulido at halatang-halatang peke.
Mabuti laban sa masama … at ang mabuti ang nagwagi. Ito marahil ang tanging magandang aral ng pelikula. Ang kabutihang loob ni Ungasis ang nagtagumpay laban sa ganid ng mga Hapon, sa traydor na kaibigan at mapagsamantalang mga kasama. Bilang isang komedya, nakalulungkot isipin na sa kabila ng makabagong teknolohiya, malikhain at mahuhusay na manunulat at malaking salaping ipinupuhunan, madalas mababang uri pa rin ang kinalalabasan ng ating mga pelikula dahil kulang sa pagsusumikap na iahon mula sa slapstick, toilet humor at sex jokes ang pagpapatawa, puliduhin ang produksyon at laliman ang pagbuo sa mga tauhan. Bagamat hindi ganoong kalaswa at violent ang palabas, hindi rin naman kaiga-igaya ang ilang eksena at pag-uusap para sa mga kabataan. Bagkus, maaaring akalain pang tama at gayahin pa ang ilang pag-uugali at pagsasalita dahil hindi naman masasabing ganap na “objectionable” ito.