Cast: Ruffa Gutierrez, Rufa Mae Quinto, Iza Calzado, Marian Rivera, Ogie Alcasid; Director: Joel Lamangan; Producer: Lily Y. Monteverde; Screenwriter: Roy Iglesias; Music: Frederick John; Editor: Tara Illenberger; Genre: Drama/ Comedy ; Distributor: Regal Films; Location: Philippines; Running Time: 112 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Masayang nagdiriwang ang pamilya ng magkakapatid na sina Isabella (Ruffa), Patricia (Rufa Mae), Stephanie (Iza), at Courtney (Marian) dahil sa international award sa larangan ng fashion na natanggap ng huli, nang atakihin ang kanilang ina at isinugod sa ospital. Kasabay ng paggaling ng ina ay ang paglalahad niya sa apat na anak tungkol sa ikalima nilang kapatid na si Lugaduga (Ogie) at ang nalalapit nilang pagkikita-kita. Di naman naglaon ay dumating si Ludaluga na kapansin-pansin ang kaibahan ng hitsura kumpara sa kanilang apat na pawang magaganda. Bagamat nabigla ang apat sa di inaasahang pagkakaroon ng ikalimang kapatid na malayo ang hitsura sa kanila ay nagsikap sila na maging magiliw kay Ludaluga. Ang totoo ay di sila masyado nagpaapekto sa pagdating ni Ludaluga sa dahilang may kani-kaniyang sitwasyon silang kinakaharap bilang mga desperadas. Si Isabela na takot magpakasal sa live-in partner, si Sofia na dumadaan sa post natal depression, si Patricia na bumabangon mula sa annulment ng kasal sa dating asawang bakla, at si Courtney na nagtatalo ang prioridad sa buhay sa pagitan ng gumagandang career at atensyon para sa mabait na asawa. Ano kaya ang magiging kaugnayan ni Ludaluga sa dinatnan niyang mga sitwasyon ng kanyang apat na kapatid?
Maayos ang daloy ng kuwento ng Desperadas 2. Bawat pangunahing tauhan ay nabigyan ng highlight at walang sablay na tinahi para mabuo ang istorya. Ang mga eksaheradang eksena katulad ng panliligaw ng congresista kay Patricia at pagbibigay-diin sa seksuwalidad ay tama lamang sa konteksto ng satiriko at patawa. Wala namang masyadong nailabas sa pag-arte ang mga pangunahing tauhan dahil marahin magaan ang kuwento at halos di kailangan ng effort sa parte ng mga actor, maliban kay Iza Calzado na mahusay at makabuluhang naipakita ang post natal depression sa kanyang pagganap bilang Sofia. Kapansin-pansin din ang bitaw ng linyang patawa ng mga batang nagsiganap. Samantala, limitado at hindi masyadong malikhain ang mga kuha ng kamera. Tama lamang ang make-up at payak ang disenyo ng produksyon.
Magaan panoorin ang pelikula dahil sa mensahe nitong suporta at pagmamahalan ng magkakapatid sa isa’t isa kahit may kani-kaniya na silang mga buhay. May hatid rin itong impormasyon tungkol sa mga hamon ng relasyon sa pamilya (mag-asawa, magulang at anak). Nagpatotoo rin ang pelikula sa kasabihan na di dapat humuhusga sa panlabas na anyo ng tao. Ano mang suliranin sa mundo ay may katapat na solusyon. Samantala, dahil sa pagtalakay ng pelikula sa mga maseselang tema tulad ng homosexuality, palasak na usaping sex, at isyung politikal ay kinakailangan gabayan ang mga batang manonood.