Monday, January 5, 2009

Magkaibigan

Cast: Christopher de Leon, Jinggoy Estrada, Dawn Zulueta, Maricel Laxa; Director: Jose Javier Reyes; Screenwriter: Jose Javier Reyes; Genre: Drama; Distributor: Maverick Films; Location: Philippibn;

Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above

Magkababata sila, at sa kanilang pagkakagulang, magiging matalik na magkaibigan sina Atoy (Christopher Leon) at Ben (Jinggoy Estrada). Makikita nating ang bawat isa sa kanila ay tanggap na tanggap ng kani-kaniyang pamilya; sa katunayan, higit pa silang malapit sa isa’t isa kaysa sa kanilang mga kamag-anak. Magkakaalaman sila ng kanilang mga problemang pampamilya, at magdadamayan sa oras ng pangangailangan, tulad ng tunay na magkapatid. Sa pagkawala ng trabaho ni Ben, tutulong nang palihim si Atoy, pagka’t tnato niyang hindi matatanggap ng “pride” ni Ben ang hantarang pagtulong. Sa pagkakasakit naman ni Atoy ng cancer—kung saan siya’y tataningan ng buhay—naroon naman si Ben upang buhayin ang kanyang loob na manatiling buhay at labanan ang sakit.

Walang masasabing katangian o “outstanding technical elements” ang Magkaibigan. Sa kabila ng pagkakahirang kay Christopher de Leon bilang Best Actor ng Metro Manila film Festival (MMFF) 2008, wala pa ring sapat na dahilan upang maka-antig ng damdamin o makakurot ng isip ang pelikula. Marahil dahil ito’y namuhunan sa isang mababaw na pinanggalingan. Hinugot ang screenplay ng Magkaibigan mula sa tunay na buhay na pagkakasakit at pagkamatay ng artistang si Rudy Fernandez. Higit na makabubuti pa marahil kung hindi ito ipinangalandakan ng pelikula upang sa gayon ay hindi “makulayan” ang panonood nito. Maaari namang gumawa ng ganong uri ng pelikula nang hindi “sumasakay” sa popularidad ng isang yumaong action star. Ang nangyari tuloy ngayon ay, habang nanonood ka, hindi mo mapigilang isipin na ang pinanonood mo ay ang siyang tunay na pangyayari sa buhay ng artistang si Rudy Fernandez.

Kung gayon nga, ay bakit ka pa babayad ng mahigit 150 piso para panoorin ang isang kabanata sa buhay ng isang artista na narinig mo na noon pa mula sa mga balita sa diyaryo, tabloid, radyo, telebisyon, internet at sa tindahan sa kanto? Hindi naman nakapagbibigay ng inspirasyon o pag-asa sa iyo ang pelikula, kahit siguro may sakit ka mang tulad ng sa kanya at ang mga araw mo ay bilang na rin. Higit ka pa marahil mabubuhayan ng pag-asa kung ang napapanood mo ay angpagkakasakit ng isang di kilalang taong talagang tunay na naghihikahos, walang iiwanang yaman sa pamilya, walang iiyak na mga tagahanga sa kanyang libing, at walang pambili ng gamot subalit napapanatili pa ring buhay ang loob ng pananampalatay ng kanyang mga kaibigan.