Cast: Rufa Mae Quinto, Paolo Contis, Mark Bautista, Alfred Vargas, Rafael Rosell, Jon Avila; Director: Jose Javier Reyes; Producers: ; Screenwriter: Jose Javier Reyes; Genre: Comedy; Distributor: Viva Films; Location: Manila; Running Time: 120 min;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above
Labis ang pangamba ni Doris (Rufa Mae Quinto) nang siya’y mag-trenta anyos na ngunit hindi pa rin nagpapakasal lalo pa’t ang mga kaibigan niya ay isa-isa nang nagsisipag-asawa. Lalong tumindi ang kanyang pangambang tumandang mag-isa nang iwan siya ng kanyang nobyong si Dodo (Mark Bautista) matapos ang dalawang taong relasyon. Dahil dito, nagsimula si Doris na hanapin ang lalaking kanyang pakakasalan. Una niyang makikilala si Hans (Rafael Rosell), isang bar tender. Matipuno si Hans ngunit pawang katawan lang ni Doris ang nais nito. Sa gym naman ay makikilala niya si Sean (Alfred Vargas) na simpatiko at matalino ngunit pawang wala sa isip ang pakikipag-relasyon. Sa opisina naman ni Doris ay naroon si Inaki (Jon Avila), ang anak ng may-ari. Guwapo si Inaki ngunit sadyang may kabaduyan at walang tiwala sa sarili. Sino kaya sa kanilang tatlo ang pwedeng makatuluyan ni Doris?
Nakakaaliw ang pelikula sa kabuuan ngunit naging mababaw pa rin ang naging trato nito sa tema ng relasyon at pag-ibig. Bagama’t nakakatawa si Quinto, hindi niya magawang baguhin ang kanyang atake sa pag-arte. Siya pa rin ang Booba na nakilala nating maganda ngunit boba. Hindi na ata siya makakawala sa ganitong pakete. Tuloy kahit sa mga eksenang dapat sana ay madrama, nagiging mababaw at komedya pa rin ang dating. Hindi tuloy gaanong maramdaman ang sentimyento ng kanyang karakter. Hindi naman matatawaran ang husay ng mga pangalawang tauhan na sina Mylene Dizon, Angelu de Leon, Mark Bautista, Rafael Rosell at Paolo Contis. Sila ang tunay na nagbigay-buhay sa pelikula.
Ipinakita sa pelikula ang makabagong mukha ng mga kababaihan sa lipunan. Bagama’t moderno at tinuturingang liberated, naghahanap pa rin sila ng tunay na relasyon at pagmamahal. Sa aspetong ito ay kapani-paniwala at kahanga-hanga ang pelikula. Ngunit sadyang mas nangingibaw ang mga nakakabahalang mensahe ng pelikula. Nariyang ikahiya sa halip na ipagmalaki ang pagiging malinis at birhen ng isang babae. Ginagawa nitong katanggap-tanggap na rin sa lipunan at pinapalakpakan pa ang pakikipagtalik bago pa man ang basbas ng kasal. Maaaring ito ay tunay na nangyayari at ang pelikula ay sumasalamin lamang sa katotohanang ito ngunit dapat mabatid ng gumagawa ng pelikula ang maaring maging konteksto nito sa pagtingin ng kabataan sa mga pagpapahalagang moral na itinuturo ng Simbahan, paaralan at pamilya. Kung ito ang mangingibabaw na pananaw at impluwensiya, hindi malayong maraming pamilya ang mawawasak o kung hindi naman kaya’y darami ang mga batang pawang bastardo at walang kinikilalang ama na karaniwang nagiging sanhi ng pagrerebelde at iba pang mga problemang panlipunan. Bagama’t walang ipinakitang hubaran sa pelikula, ang pinaka-tema nito ay hindi angkop sa mga batang manonood.