Cast: Angel Locsin, Piolo Pascual, Ricky Davao, Ronnie Lazaro; Director: Rory B. Quintos; Genre: Drama; Distributor: Star Cinema Productions; Location: Australia; Running Time: 120 min.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Matapos magpalipat-lipat ng trabaho sa lungsod, matatagpuan ni Migo (Piolo Pascual) sa kanilang bayan sa Bukidnon ang buhay na kanyang nanaisin at mamahalin – ang pagra-rancho sa kanilang pag-aaring lupain. Makikilala niya at magiging kasintahan dito si Arah (Angel Locsin). Sa Bukidnon nais buuin ni Migo ang kanyang mga pangarap kasama si Arah. Ngunit maaaksidente ang ama ni Arah (Ricky Davao) at mapipilitan siyang mangutang sa isang Australyanong amo ng kanyang tiyuhin (Ronnie Lazaro) bilang paunang bayad sa pagtatrabaho ni Arah bilang cook sa rancho nito sa Australia. Labag ito sa kagustuhan ni Migo at hindi niya papayagang umalis si Arah. Subalit sadyang hindi mapipigilan si Arah sa pag-alis. Maiiwan si Migo sa Bukidnon at matagal ang panahon na lilipas na hindi niya kakausapin si Arah. Malulugi ang rancho ni Migo at magdedesisyon itong sundan si Arah sa Australia. Magkakagulatan ang dalawa sa Australia lalo na sa madadatnang pagbabago ni Migo kay Arah. Ikakasal na rin ito sa kanyang among Australyano. Makuha pa kayang muli ni Migo ang pag-ibig ni Arah matapos niya itong talikuran ng mahabang panahon?
Kung tutuusin ay isang karaniwang kuwento ang Love Me Again. Walang masyadong inihain kung kuwento ang pagbabasehan. Isang magkasintahang pinaghiwalay ng pangangailangan at pagkakataon ngunit muling pagtatagpuin ng tadhana sa isang kalagayang magiging mahirap para sila magkabalikan. Hindi rin masasabing nailahad ng pelikula ang tunay na kalagayan ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bayan. Malaking ambag lang ang panibagong bihis nito na kinunan pa sa matulaing lugar ng Bukidnon at maging ang Outback, Australia ay nakakaigaya rin. Ngunit hindi rin naman ganuon kabago sa paningin ang Australia dahil pawang ordinaryong rancho at gubat rin lang ang ipinakita sa pelikula. Bagama't hindi matatawaran ang husay sa pagganap ng mga mga pangunahing nagsiganap na sina Locsin at Pascual, walang gaanong kilig na maramdaman sa dalawa. Epektibo naman sila sa mga eksenang ma-drama. Maayos naman ang daloy ng kuwento, yun nga lang, hindi maitatatwang, walang gaanong bago.
Kapuri-puri ang pinakitang pagmamahal at pagsasakripisyo ni Arah para sa pamilya. Tunay siyang huwaran ng karamihan sa mga Pilipinong nangingibang-bayan para maghanapbuhay. Ipinakita rin na ang Pilipino ay isang huwarang mangagawa at saan man siya mapadpad, hindi matatawaran ang kanyang galing at kasipagan. Mayroon lang ilang nakakabahalang imahe ng kababaihan ang ipinakita sa pelikula. Bagama't malakas ang personalidad na inilarawan ni Arah, pawang angat pa rin ang papel ng lalaking Australyano pagdating sa yaman, lakas at kapangyarihan. Ang pag-aasawa nga ba sa ibang lahi ang tanging susi upang umangat ang isang Pilipina sa buhay? Nakababahala ang sinasalmin ng pelikula nitong katotohanang nangyayari sa lipunan, at higit pa ring nakababahala ang nangyaring pagtatalik sa labas ng kasal. Bagama't kaugnay ito ng pananabik at wagas na pag-ibig, hindi pa rin ito magandang halimbawa. Dapat na gabayan ang mga batang manonood.