Cast: Melissa Mendes, Empress Schuck, Glenda Garcia, Ricardo Cepeda, Pocholo Montes; Director: Neil Tan; Producers: Melissa Yap, Glenda Yap, Merwyn Yap; Screenwriter: Neil Tan; Genre: Drama; Cinematography: Renato de Vera; Distributor: Emerge Entertainment Productions; Location: Caloocan;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Labis na ikinababalisa ng dalagitang si Carmen Catacutan (Empress Schuck) ang mga usap-usapan tungkol sa kanilang mag-anak na nakatira sa isang lumang bahay na palaging nakapinid ang mga bintana. Isang bukas na lihim ang pagiging manglalaglag (abortionist) ng kanyang inang si Amparo (Melissa Mendez), bagama’t ito ay palasimba at laman ng kanilang bahay ang napakaraming imahen at rebulto ng mga santo. Bunga nito, siya’y nililibak ng kanyang mga kamag-aral bagama’t siya ay isang ulirang mag-aaaral. Isa ring ulirang anak si Carmen, masunurin, at matiising tumutulong sa pag-aalaga ng kanyang lolong baldado, si Amang (Pocholo Montes). Dahil sa husay ni Carmen bilang isang mag-aaral, pagtitiwalaan siyang tumulong ng kanyang gurong si Mr. Davide (Ricardo Cepeda) sa gawain nitong pagsusuri sa mga test papers, bagay na magiging isa pang dahilan upang higit siyang libakin ng kanyang mga kapwa mag-aaral. Matutuklasan din ni Carmen na ang isa sa kanyang mga kamag-aral na nanglilibak sa kanya ay magiging “pasyente” ng kanyang ina, at tuluyang magiging biktima gawa nito. Habang nagluluksa ang buong paaralan sa pagkamatay ng dalagitang nagpalaglag, maghihimagsik naman ang kalooban ni Carmen at haharapin ang ina hinggil sa karumal-dumal nitong gawain. May isang pangyayaring pagdurusuhan sa piitan ni Amparo sa loob ng pitong taon. Sa kanyang paglaya, may ibubunyag siyang lihim kay Carmen.
Sa simula pa lamang ng Hilot―kung saan ipinapakita ang isang sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina at wala kang maririnig kundi ang tibok ng kanyang puso―ay malalaman mo nang naiiba ito sa karaniwang mapapanood sa mga sinehan, sapagkat ang pangunahing layunin nito ay ang ipakitang masama ang abortion. Diumano’y ‘low budget” film ito: ang mga tumustos sa paglikha ng pelikula ay si Melissa Mendez (ang mismong gumanap na hilot), at ilan sa kanyang mga kaanak na naniniwala sa kanyang layunin. Sapagka’t mga bagong mukha ang mga artista, at taos-puso ang kanilang pagganap, naging lubhang makatotohanang ang dating ng pelikula. Pawang damang-dama ng mga nagsiganap ang kani-kaniyang papel―lalo na sila Schuck, Mendes, Cepeda at Montes. Maliwanang at maayos ang daloy ng istorya, madaling sundan at unawain. Nakakaengganyo ang Hilot sa kabila ng kakulangan nito sa special effects at musika, at sa editing.
Bagama’t layunin ng Hilot na ihantad ang kasamaan ng abortion, sinisiyasat din nito ang maaaring ugat sa buhay ng mga gumagawa nito. Bagama’t ipinakikita ring maliwanag nito na kasawiang-palad ang kahahantungan ng isang abortionist, inilalahad din ng pelikula kung ano ang pinanggalingan ni Amparo, ang mga pangyayari sa kanyang buhay na naging dahilan ng kanyang pagiging “manglalaglag.” Sa kadulu-duluhan, hindi mo masisisi ang isang abortionist sapagkat lumalabas na siya’y isang biktima din ng kalupitan ng buhay. Sino ngayon ang may sala? Ang pag-aasawahan ba? Ang mga lalaking malilikot at mga babaeng hindi naturuang igalang ang kanilang mga katawan? Ang Simbahang Katoliko ba na sa kabila ng kanyang kapangyarihan ay hindi maakay ang masa tungo sa tunay at malalim na pananalangin at pakikipag-ugnayan sa Diyos? Ang pamahalaan ba na walang ngipin upang ipatupad ang batas at pigilin ang gawain ng mga manglalaglag? Ang masalimuot bang lipunan na binubuo ng mga taong lulong sa paghahanap ng mababaw na kaligayahan? Higit pa sa isang pelikula, ang Hilot ay isang hamon―sa inyo, sa amin, sa ating lahat―upang pugsain ang karumal-dumal na gawaing pagkitil sa buhay ng nasa sinapupunan sa pamamagitan ng isang masusing pagtanaw sa ating kapaligiran at sa kaibuturan ng ating mga puso.