Cast: Marian Rivera, Roxanne Guinoo, JC Vera, Mylene Dizon Wendell Ramos, Kim Chiu, Jean Garcia, Diana Zubiri; Director: Topel Lee, Mike Tuviera; Producer: Roselle Monteverde-Teo; Genre: Horror/ Comedy; Distributor: Philippines; Location: Regal Films;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Tatlong maiigsing kwento ang tampok sa Shake Rattle and Roll X. Ang unang kwento na pinamagatang EMERGENCY ay tungkol sa paghihiganti ng mag-asawang aswang (Mylene Dizon at Wendell Ramos) matapos masagasaan ang babae at masawi ang dinadalang anak nito. Susugurin nila at ng kanilang mga kampon ang ospital na pinagdalhan sa babae habang pagsusumikapan nina Jay (JC de Vera) at Dra. Sarah (Roxanne Guinoo) na ipagtanggol ang mga pasyente at sugpuin ang mga aswang.
Sa CLASS PICTURE, sampung estudyante ang namalagi magdamag sa eskwelahan para maghanda sa pagbubukas ng kanilang exhibit. Subalit di sinasadyang mabubulabog nila ang kaluluwa ni Sr. Maria Belonia (Jean Garcia), isang mabagsik at malupit na guro noong 1898. Matatanggal dapat ang madre sa eskwelahan dahil sa pagkawala ng tatlo niyang estudyante. Upang hindi mapahiya, magpapakamatay ang madre at isusumpang ibabalik ang tatlong nawawalang estudyante upang makasama sa kanilang class picture. Nang mabulabog ang kanyang kaluluwa, isa-isa niyang papatayin ang mga taong naiwan sa eskwelahan at kukunin ang dalawang babae bilang kapalit ng kanyang mga nawawalang estudyante. Ang ikatlong dapat kunin ay si Joy (Kin Chui) ngunit maililigtas siya ng kaluluwa ng nawawalang estudyante na tatapos sa sumpa at magpapatahimik sa kaluluwa ni Sr. Belonia.
Ang ikatlong kwento ay isang komedya at pinamagatang NIEVES. Sa munting barrio, si Nieves (Marian Rivera) ang tanging tagapagtanggol ng taong-bayan laban sa mga mapaglarong engkanto. Nang mawala ang kanyang asawa at pinakamamahal na Adonis (Pekto), tatabangan na siyang maging “Engkanto Slayer” o tagagupo ng mga engkanto. Hanggang sunod-sunod ang pambulabog ng mga engkanto at pagkakawalaan ang mga taong-bayan. Sa simula’y tutulong si KC (Jennica Garcia), isang taga-Maynilang tinuruan ni Nieves na maging Engkanto Slayer subalit lalantad ang tunay na katauhan niya bilang Acacia (Diana Zubiri), ang reyna ng mga Engkanto na dumukot kay Adonis at nagpasimula ng gulo ng tao at engkanto.
Bilang horror movie may tamang timpla ng panggulat, pangkaba at panakot ang dalawang kwento. Kaya nga lamang ay may kahinaan ang naratibo ng Emergency at di gaanong malinaw ang pagkakabuo ng kwento ng Class Picture. Maraming pa ring detalye at side stories na walang silbi kundi ang magpahaba lamang. Ang pinaka umangat ay ang Nieves dahil sa mahusay na pagkakaganap ni Marian Rivera, magandang naratibo at pagpapatawang dahil sa sitwasyon, dialogue o eksena at hindi tulad ng nakasanayang slapstick o toilet humor. Maganda ang paglalapat ng tugtog sa tatlong kwento. Bagamat hindi gaanong pulido ang mga special effects at disenyo ng produksyon ay kaiga-igaya na rin itong panoorin. Sa kabubuan, nakaaaliw panoorin ang pelikula at sulit na ang panahon at salaping igugugol dito.
Maaring pag-usapan ang dalawang magandang puntong naibahagi ng pelikula, bagamat pahapyaw at hindi intensyon ng produksyon. Una, ang pananalig sa Diyos sa gitna ng pagsubok. Sa EMERGENCY, ang malakas na pananampalataya at kapangyarihan ng Diyos lamang ang tanging nakasugpo sa mga halimaw. Sa panahon ngayon, kung minsan, akala ng tao ang sariling kakayahan, kayamanan o kapangyarihan ang magliligtas sa kanila sa hirap o panganib. Mainam na makita na hindi ang lakas o tapang, hindi ang pamahiin o paniniwala, hindi ang talino o swerte ang magliligtas sa tao kundi ang kabutihang loob at pananalig sa kapangyarihan ng Diyos.
Ikalawa, ang katapatan sa asawa. Sa Nieves, mahal na mahal ni Nieves ang kanyang asawang si Adonis, sa kabila ng itsura nito. Ni hindi siya nagdalawang isip na manatiling tapat kahit na may gusto sa kanya si Agtaya, matipuno, guwapo at prinsipe ng mga Engkanto. Bagkus ay pinagsumikapan niyang matutong maging Engkanto Slayer upang matiyak ang kanilang pagsasama ni Adonis. Sa kasalukuyan, maraming marupok na pagsasama gawa ng mga nagkalat na tukso sa paligid. Para bang ang pagtataksil ay madaling bigyan ng katwiran. Bagama’t sa isang nakakatawang sitwasyon, nabigyan diin ditto ang halaga ng katapatan sa asawa.
May ilang eksenanang nakasisindak at madugo na maaring katakutan ng mga bata. Mainam na patnubayan sa panunuod ng mga magulang ang kanilang batang anak.