Monday, January 2, 2017

Sunday Beauty Queen

DIRECTOR: Baby Ruth Villarama  LEAD CAST: Rudelyn Acosta, Cherrie Mae Bretana, Mylyn Jacobo, Hazel Perdido,  Leo Selomenio  PRODUCER: Chuck Gutierrez  EXECUTIVE PRODUCERS: Ed Rocha, Fernando Ortigas, Vincent Nebrida  MUSIC BY: Emerzon Texon  FILM EDITOR: Chuck Gutierrez  GENRE: Documentary  CINEMATOGRAPHER: Dexter Dela Peña  PRODUCTON COMPANY: Voyage Studios (Tuko Film, Buchi Boy Entertainment, Artikulo Unos Productions)  In association with Tokyo Documents  DISTRIBUTED BY: Solar Entertainment  COUNTRY: Philippines  LANGUAGE: Filipino with English subtitles  RUNNING TIME: 95 minutes 
Technical assessment:  3.5
Moral assessment: 3.5
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: GP 
Sa pangunguna ni Leo Selemenio, pinakikita sa pelikula na abala ang mga OFWs sa Hongkong sa pagtatanghal ng taunang timpalak na Ms Philippine Tourism  2015.  Pawang mga babaeng domestic helpers ang kalahok sa pagligsahang ito na aktwal na ginaganap sa plaza kung saan nagtitipon ang mga OFWs turing Linggo—ang araw ng day-off nila. Itinatampok sa dokumentaryo ang apat na taong pagsubaybay sa totoong buhay ng mga OFWs na sina Rudelyn Acosta, Cherrie Mae Bretana, Mylyn Jacobo, Hazel Perdido at ang organizer ng  contest na si Leo, pawang mga degree holders na namamasukan bilang mga kasambahay sa Hongkong at sumusuweldo ng triple ng kita nila sa Pilipinas.  
Isang dokumentaryo ang Sunday Beauty Queen na tumatalakay sa totoong buhay ng mga tampok na OFWs sa Hongkong. Puno ng simbolismo ang titulo ng dokumentaryo dahil bukod sa literal na tumutukoy ito sa timpalak pagandahan ng mga Filipinang kasambahay ay marami pa itong pinatutungkulan kaugnay ng kalagayan ng mga OFWs sa Hongkong. Malinaw na isang adbokasiya ang dokumentaryo para maihatid sa kinauukulan ng dalawang bansa ang hinaing ng OFWs para sa mas makatarungang pamamasukan. Tagumpay ang direktor sa paghahatid ng patas na mensahe ng negatibo at positibo sa kalagayang ng OFWs sa pamamagitang ng mga aktwal na kwento at ng pagtutok sa beauty contest  at sa organizer bilang tagapag-ugnay sa mga itinampok na OFWs. Mainam din ang mga isinisingit na interviews sa mga employer at nakatulong sa balance. Maganda ng mga kuha ng kamera sa mga kaganapan sa Hongkong, sa mga detalye sa mga gawain ng mga Filipino sa loob ng mga bahay ng kanilang mga amo, sa mga ensayo ng sayaw at production performances, at sa sa tanungan portion ng beauty contest. Epektibo din ang mga inilapat na ilaw, tunog at musika, subali’t may konting sablay ang editing na naging sanhi ng mga eksenang pinahaba, tuloy nakakainip ang naging dating.  
Ang mga Filipino domestic helpers sa Hongkong ay pinupuri nga mga employers sa kanilang sipag at magandang serbisyo. Subalit mayroon din sa kanilang nakakaranas ng pagmamalupit. Sa anumang kalagayan ay malaki ang naitutulong ng komunidad ng mga Filipino workers sa Hongkong kung saan nakakasumpong ng suportang moral ang bawa’t isa para kahit papaano ay maibsan ang pangungulila sa mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas.  Pagmamahal sa pamilya ang dahilan kaya nagsasakripisyo ang isang kasapi nito—magulang man siya o anak—para lumayo at magtrabaho sa ibang bansa tulad ng Hongkong kung saan mas malaki ang kita at makakatugon sa mga pangangailangan at gastusin sa Pilipinas. Nagkakaisa ang mga Filipino workers sa motivation nilang ito kaya nauunawaan nila ang isa’t isa.  Sa ganitong gawain ay mahalaga na may umaako ng catalytic role tulad ng lesbianang si Leo na nakaisip magsaayos isang “event” na pagkakaabalahan ng mga kapwa Filipino at magiging daan upang magkaugnay-ugnay sa pagharap sa mga hamon ng buhay sa banyagang lugar.
Seryoso ang adbokasiya ng dokumentaryo at may malalim ang mga emosyon na nais ipakita ito.  Inilalahad nito kung paano binibigyang-dignidad ng mga responsableng manggagawang Pilipino ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng dedikasyon, disiplina, malasakit, at pagmamahal. Kinikilala ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng Hongkong dahil may nag-aasikaso sa domestic concerns ng mga local nationals habang malaya silang nakakapag-hanapbuhay.  Protektado ng batas sa Hongkong ang mga foreign workers sa pagpapasahod at iba karapatan bilang manggagawa, subalit panawagan pa din na tugunan ng polisiya na payagan ang stay-out working arrangement, magtalaga ng saktong oras ng pagtatrabaho (sa halip na 24-oras na nangyayari sa kasalukuyan), at habaan ang 14 days extension na makahanap ng bagong trabaho samantalang mayroon pang working permit.  Maaaring ang tema at talakay ng Sunday Beauty Queen ay hindi maging interesante sa mga bata; nangangailangan ng paggabay ng hinog na isipan ang mga menor-de-edad na manonood para mas maging makabuluhan ang pelikula para sa kanila.

Friday, December 30, 2016

Die Beautiful

DIRECTOR: JUN ROBLES LANA  LEAD CAST: PAOLO BALLESTEROS, CHRISTIAN BABLES, GLADYS REYES, JOEL TORRE  SCREENWRITER:      RODY VERA  PRODUCER:  JUN ROBLES LANA, FERDINAND LAPUZ  EDITOR:  BEN TOLENTINO  MUSICAL DIRECTOR:  BEN GONZALES  GENRE: COMEDY, DRAMA  CINEMATOGRAPHER:  CARLOS MENDOZA;  DISTRIBUTOR:  REGAL FILMS 
Technical assessment:  3
Moral assessment:  2
CINEMA rating:  V18
Mula pa sa pagkabata, pangarap na ni Trisha (Paolo Ballesteros) na maging isang “beauty queen” sa mundo ng mga bakla.  Hindi matanggap ng ama ang pagiging bakla ng anak pagka’t ang tingin niya rito’y bagay na nagdadala ng kahihiyan sa kanya bilang ama at sa kanyang pamilya.  Darating ang panahong tatahakin ni Trisha ang lahat upang makamtan ang matayog na pangarap, at sa kanyang paglipad, katuwang niya si Barbs (Christian Bables), kapwa niya bakla, kaututang-dila, at matalik na kaibigan mula pagkabata.  Bagama’t “masaya” pagka’t malaya niyang  tinutunton ang piniling daan, hindi rin magiging madali ang buhay para kay Trisha.  Ang huling hiling niya kay Barbs bago siya mamatay ay: sa bawa’t gabi ng kanyang lamay, ay palitan ni Barbs ang kanyang anyo upang magmukhang iba’t ibang artistang babae na kanyang pinili.    
Nagsimula ang pelikula sa video ng “acceptance speech” ng batang si Trisha na siyang nanalo sa isang “gay beauty pageant”.  Susunod na eksena: inaayos ang make-up ng isang bangkay upang maging kawangis ito ng aktres na si Angelina Jolie.  Maraming flashbacks sa Die Bautiful, bagay na dapat bantayan ng manonood upang mabuo niya ang palukso-luksong takbo ng kuwentong-buhay ni Trisha.  Magaling ang cinematography ng pelikula, at matapat ding isinalarawan ang totoong pangyayari sa “buhay-bading”—mula sa lengguahe hanggang sa mga mahahapding karanasan sa kamay ng ibang tao.  Matatawag na hindi pantay-pantay ang igting at kulay ng mga isinalarawang yugto sa Die Beautiful, bukod pa sa mga “butas” na tila iniwan na lamang sa imahinasyon ng manonood para matagpian.  Lalabas tuloy ng sinehan ang manonood na nagtatanong o nagtataka: Paano naging ganoong kagara ang setting at kasuotan ng mga batang bakla sa opening scene samantalang tutol ang ama nito sa kabaklaan niya?  Kung ito’y totoong nangyari, tiyak na may suporta ito ng ibang matatanda (halimbawa, ang lumikha ng gowns at entablado); kung ito nama’y larong-bata lamang (bahay-bahayan o bakla-baklaan kaya), di ba’t dapat ay halatang likhang-bata lamang ang mga damit at stage?
Sa kabuuan ng Die Beautiful ay nababakat ang tunay na layunin sa paggawa ng pelikula—ang makamtan ang pang-unawa at pagtanggap ng publiko sa kalagayan ng mga bakla sa ating lipunan.  Kahabag-habag ang estado ni Trisha sa kuwentong ito, pagka’t sa pagnanais lamang niyang matanggap ng pamilya at lipunan, ay gagawin niyang puhunan ang kanyang ganda kahit ito’y taliwas sa kanyang kasarian.  Nguni’t ang higit na nakapanghihinayang ay ang kakulangan ng panahon upang mahinog at mamukadkad ang katauhan ni Trisha at malampasan niya ang mga pagsubok sa kanya ng tadhana.  Masasabi nating ipinanganak siyang bakla, ngunit sa halip na may mag-akay sa kanya upang harapin ang sarili at makilala ang kanyang kaluluwa sa liwanag ng pananalig sa Diyos, ay nakulong lamang siya sa kumunoy ng pagmamahal ng mga kapwa bakla na natural lamang na kumukunsinti sa kanyang mga pangarap-bakla. 
Bilang mapanuring manonood, suriin natin kung ano ang malalim na mensahe ng mga pinanonood nating “entertainment.”  Nakakaaliw din ang Die Beautiful, ngunit inaaanyayahan nito tayong pag-isipan (lalo na ng mga may hilig maging bakla) kung ano ang ibinubunga ng mababaw na pagtanaw sa kanilang pagiging “kakaiba”: nandiyang libakin sila ng kapwa, itatwa ng magulang, pagtaksilan ng minamahal, pagsamantalahan ng mga lalaki; nandiyan ding manaig ang kanilang “pagkababae” at umampon sila ng batang aarugain sa paniniwalang liligaya sila dito, nguni’t hindi naman sila handa sa idudulot nitong pighati sa anak-anakan.
Sa pananaw ng CINEMA, ang Die Beautiful ay bagay lamang sa mga manonood na hinog ang isipan.  Kung kayo’y pinaninindigan ng balahibo gawa ng magagaspang na usapan, humanda kayo pagkat walang preno ang palitan ng patutsada ng mga bakla—baka sabihin ninyo’y binabastos kayo ng pelikula samantalang nagpapakatotoo lamang naman ito.  Noong manood kami ng Die Beautiful, may nakatabi kaming mga teenagers na (sa lakas ng mga comments nila habang nanonood ay natanto naming) doon lamang natutuhan ang tungkol sa anal sex.  Sa dalas ng pagpapakita rape scene, tiyak naming hindi basta malilimutan ng teenagers na iyon ang eksenang ito.  Ano pa man, nais lamang ng CINEMA bilang tungkulin nito, na ipaalala sa manonood at mambabasa nito na ang tao ay hindi dapat ikinukulong at sinusukat ng kanyang kasarian.  Sa turo ng Simbahan, ang tao ay nilikhang kawangis ng Maykapal—sa pagkilala natin ng ating sarili sa liwanag ng katotohanang ito magmumula ang wastong pagtugon natin sa mga pagsubok at hamon ng ating buhay.  Babae man o lalaki, o “alanganin”, lahat tayo ay minamahal ng Lumikha—tarukin nito sa ating puso at tayo ay mamumuhay nang maligaya at matiwasay at ayon sa Kanyang kalooban.  

Thursday, December 29, 2016

Enteng Kabisote 10 and the Abangers

Direction: Tony Y. Reyes;  Lead cast: Vic Sotto, Epi Quizon, Oyo Boy Sotto; Producer: Mavic Sotto, Orly Ilacad; Location: Metro Manila; Genre: Adventure-Comedy; Distributor: Octo Arts;  Running Time: 106 minutes;
Technical assessment:  1.5
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
Si Enteng (Sotto) ay isa nang matagumpay na negosyante at mapagmahal na lolo. Kaya lamang ay hirap siyang makipag-ugnayan sa kanyang anak na lalake. Mapipiltan siyang magpunta sa Bohol mag-isa para “mag soul-searching”. Sa kabilang dako, susulpot ang mga makapangyarihang nilalang na itinaboy sa Engkantadia sa pangunguna ni Kwak-kwak (Quizon) – na gustong maghari sa mundo sa pamamagitan ng isang Game App na may kakayahang kontrolin ang isip ng mga naglalaro nito.   Magtutulong sina Enteng, Oyo at mga Abangers—mga kapwa outcast ng Engkantadia na nakaabang kung gagawa ng kasamaan si Kwak Kwak—para iligtas ang mundo.
Halatang-halata na hinabol lang ng Enteng Kabisote and the 10 Abangers ang kikitain sana sa MMFF. Ang mga naunang pelikula ng Enteng Kabisote ay nakapagtatagpo pa sa diwa ng kasayahan ng Pasko at kapwa pelikulang kasali na hindi rin masyadong pinag-isipan. Pero ngayong hindi sila tinanggap sa MMFF, kita-kita ang pagkawalang kwenta ng pelikula. Magulo ang naratibo, malata ang pagganap, mababaw ang usapan, palasak ang pagpapatawa, at mababang uri ang produksyon. Ang alindog ng konsepto ng Okay Ka Fairy Ko na naging Enteng Kabisote ay ang pinagdaraanan ng isang ordinaryong asawang nadodomina ng biynan at asawang makapangyarihan. Pero matapos ang isang dekada (tila nga sa ikatlong taon pa lamang) ay unti-unti nang nilamon ng pormula at alindog ng takilya. Patalon-talon ang kuwento, kaya ang pelikula ay tila pinagdugtong dugtong na elemento lamang para umabot sa oras. Pilit na pilit ang pagkakasama sa kalahati ng artista rito. Baka nga mas naging malinaw ang kwento kung ang naiwan na lamang ay si Sotto at Quizon, lalo’t napakahirap panuorin ang walang buhay na pagganap ni Oyo at Alden at ang hindi maipwesto na tauhan ng barkadahan ng Eat Bulaga. Sa dami siguro ng kailangang bayarang artista ay naubusan na ng budget para maiayos ang produksyon, lalo ang special effect—na siyang dating nagdadala sa pelikula. Dalawang tanong ang nasa isip namin. Bakit ganito kababaw ang manunuod na patuloy na tumatangkilik sa mga pelikulang walang galang sa talino ng Pinoy? At bakit ganito kagahaman ang mga tao sa likod ng Enteng na walang galang sa sining ng industriya? Sana ay huling yugto na ito ng Enteng Kabisote.
Sinikap ng pelikula na mag-iwan ng dalawang mensahe.  Una ay ang paggalang sa mga magulang at ang halaga ng patuloy na pagsusumikap na maging buo at matatag ang relasyon ng anak sa ama sa paglipas ng panahon. Madalas nawawalan ng paggalang at pagpapahalaga sa mga magulang kapag may sarili nang buhay ang mga anak o hindi naaayon ang mga magulang sa pamantayan ng lipunan. Ikalawa, ang teknolohiya ay mainam at nakapagpapadali ng gawain pero kailangang kilalanin din ang panganib na dinudulot nito sa pagkatao, sa kalusugan at sa ugnayan. Ito ang mga aral na sinikap ipahatid ng Enteng Kabisote 10—sinikap, pero hindi naging matagumpay, pagka’t katulad ng hindi tamang pagkakaluto sa ampalaya, gaano man kasustansya ang ulam, ang tanging maiiwan at matatandaan ng kumain ay ang mapait na lasa nito.  Sa paningin ng nakararami, ang magandang mensahe ng pelikula ay maaaring natabunan na ng kababawan.  Wala mang malaswa o karahasan sa pelikula, hindi rin ito angkop sa mga may murang isipan dahil baka masanay silang tumanggap sa ganitong uri ng produksyon sa pelikula.