Friday, December 30, 2016

Die Beautiful

DIRECTOR: JUN ROBLES LANA  LEAD CAST: PAOLO BALLESTEROS, CHRISTIAN BABLES, GLADYS REYES, JOEL TORRE  SCREENWRITER:      RODY VERA  PRODUCER:  JUN ROBLES LANA, FERDINAND LAPUZ  EDITOR:  BEN TOLENTINO  MUSICAL DIRECTOR:  BEN GONZALES  GENRE: COMEDY, DRAMA  CINEMATOGRAPHER:  CARLOS MENDOZA;  DISTRIBUTOR:  REGAL FILMS 
Technical assessment:  3
Moral assessment:  2
CINEMA rating:  V18
Mula pa sa pagkabata, pangarap na ni Trisha (Paolo Ballesteros) na maging isang “beauty queen” sa mundo ng mga bakla.  Hindi matanggap ng ama ang pagiging bakla ng anak pagka’t ang tingin niya rito’y bagay na nagdadala ng kahihiyan sa kanya bilang ama at sa kanyang pamilya.  Darating ang panahong tatahakin ni Trisha ang lahat upang makamtan ang matayog na pangarap, at sa kanyang paglipad, katuwang niya si Barbs (Christian Bables), kapwa niya bakla, kaututang-dila, at matalik na kaibigan mula pagkabata.  Bagama’t “masaya” pagka’t malaya niyang  tinutunton ang piniling daan, hindi rin magiging madali ang buhay para kay Trisha.  Ang huling hiling niya kay Barbs bago siya mamatay ay: sa bawa’t gabi ng kanyang lamay, ay palitan ni Barbs ang kanyang anyo upang magmukhang iba’t ibang artistang babae na kanyang pinili.    
Nagsimula ang pelikula sa video ng “acceptance speech” ng batang si Trisha na siyang nanalo sa isang “gay beauty pageant”.  Susunod na eksena: inaayos ang make-up ng isang bangkay upang maging kawangis ito ng aktres na si Angelina Jolie.  Maraming flashbacks sa Die Bautiful, bagay na dapat bantayan ng manonood upang mabuo niya ang palukso-luksong takbo ng kuwentong-buhay ni Trisha.  Magaling ang cinematography ng pelikula, at matapat ding isinalarawan ang totoong pangyayari sa “buhay-bading”—mula sa lengguahe hanggang sa mga mahahapding karanasan sa kamay ng ibang tao.  Matatawag na hindi pantay-pantay ang igting at kulay ng mga isinalarawang yugto sa Die Beautiful, bukod pa sa mga “butas” na tila iniwan na lamang sa imahinasyon ng manonood para matagpian.  Lalabas tuloy ng sinehan ang manonood na nagtatanong o nagtataka: Paano naging ganoong kagara ang setting at kasuotan ng mga batang bakla sa opening scene samantalang tutol ang ama nito sa kabaklaan niya?  Kung ito’y totoong nangyari, tiyak na may suporta ito ng ibang matatanda (halimbawa, ang lumikha ng gowns at entablado); kung ito nama’y larong-bata lamang (bahay-bahayan o bakla-baklaan kaya), di ba’t dapat ay halatang likhang-bata lamang ang mga damit at stage?
Sa kabuuan ng Die Beautiful ay nababakat ang tunay na layunin sa paggawa ng pelikula—ang makamtan ang pang-unawa at pagtanggap ng publiko sa kalagayan ng mga bakla sa ating lipunan.  Kahabag-habag ang estado ni Trisha sa kuwentong ito, pagka’t sa pagnanais lamang niyang matanggap ng pamilya at lipunan, ay gagawin niyang puhunan ang kanyang ganda kahit ito’y taliwas sa kanyang kasarian.  Nguni’t ang higit na nakapanghihinayang ay ang kakulangan ng panahon upang mahinog at mamukadkad ang katauhan ni Trisha at malampasan niya ang mga pagsubok sa kanya ng tadhana.  Masasabi nating ipinanganak siyang bakla, ngunit sa halip na may mag-akay sa kanya upang harapin ang sarili at makilala ang kanyang kaluluwa sa liwanag ng pananalig sa Diyos, ay nakulong lamang siya sa kumunoy ng pagmamahal ng mga kapwa bakla na natural lamang na kumukunsinti sa kanyang mga pangarap-bakla. 
Bilang mapanuring manonood, suriin natin kung ano ang malalim na mensahe ng mga pinanonood nating “entertainment.”  Nakakaaliw din ang Die Beautiful, ngunit inaaanyayahan nito tayong pag-isipan (lalo na ng mga may hilig maging bakla) kung ano ang ibinubunga ng mababaw na pagtanaw sa kanilang pagiging “kakaiba”: nandiyang libakin sila ng kapwa, itatwa ng magulang, pagtaksilan ng minamahal, pagsamantalahan ng mga lalaki; nandiyan ding manaig ang kanilang “pagkababae” at umampon sila ng batang aarugain sa paniniwalang liligaya sila dito, nguni’t hindi naman sila handa sa idudulot nitong pighati sa anak-anakan.
Sa pananaw ng CINEMA, ang Die Beautiful ay bagay lamang sa mga manonood na hinog ang isipan.  Kung kayo’y pinaninindigan ng balahibo gawa ng magagaspang na usapan, humanda kayo pagkat walang preno ang palitan ng patutsada ng mga bakla—baka sabihin ninyo’y binabastos kayo ng pelikula samantalang nagpapakatotoo lamang naman ito.  Noong manood kami ng Die Beautiful, may nakatabi kaming mga teenagers na (sa lakas ng mga comments nila habang nanonood ay natanto naming) doon lamang natutuhan ang tungkol sa anal sex.  Sa dalas ng pagpapakita rape scene, tiyak naming hindi basta malilimutan ng teenagers na iyon ang eksenang ito.  Ano pa man, nais lamang ng CINEMA bilang tungkulin nito, na ipaalala sa manonood at mambabasa nito na ang tao ay hindi dapat ikinukulong at sinusukat ng kanyang kasarian.  Sa turo ng Simbahan, ang tao ay nilikhang kawangis ng Maykapal—sa pagkilala natin ng ating sarili sa liwanag ng katotohanang ito magmumula ang wastong pagtugon natin sa mga pagsubok at hamon ng ating buhay.  Babae man o lalaki, o “alanganin”, lahat tayo ay minamahal ng Lumikha—tarukin nito sa ating puso at tayo ay mamumuhay nang maligaya at matiwasay at ayon sa Kanyang kalooban.