Technical assessment: 3
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V13 and below
with parental guidance
Tagapamahala ng
isang magarang bahay si Arci (Vice Ganda) na pag-aari ni Marife (Assunta Da
Rossi). Lingid sa kaalaman ni Arci ang amo niyang si Marife pala ang
utak sa pagpatay sa matalik niyang kaibigan na si Sarah (Matet De Leon) bilang
ganti sa atraso ng sigang kapatid na si Paco (Coco Martin). Sa pagkamatay ni
Sarah parehong aakuin nina Arci at Paco ang pangagangalaga sa dalawang anak na
naulila ni Sarah. Pagtatalunan nila dahil kay Arci inihabilin ni Sarah ang mga
bata sa isang kwentuhan nila noong buhay pa ito, samantalang bilang tiyuhin ay
si Paco naman ang pinakamalapit na kamag-anak ng mga bata. Subalit
bilang kasapi ng gang ay mapanganib na manatili sa poder
ni Paco ang mga bata kaya mapipilitan siya na ipisan kay Arci ang mga pamangkin,
sa paniniwalang kay Arci ang bahay na tinitirhan nito. Sa sitwasyong mas
magiging matatag ang kanilang pagkakaibigan at itataguyod nila ang dalawang
bata.
Sa kabila ng
malabnaw na daloy na kwento ay makabuluhan at napapanahon ang tema ng
pelikulang Super Parental Guardian. Epektibo ang naging treatment ng
director sa istorya. Tagumpay ito sa pagpapatawa at nakakalibang panoorin ang
mga eksena at pagbibitaw ng mga linya. Natural at walang effort ang
pagganap ni Ganda, at sinabayan pa ito ng husay ni Martin at ng mga batang
aktor. Maganda ang paghahatid ng mga eksenang aksyon na medyo
matagal na din hindi napapanood sa pelikulang Pilipino. Hindi na masyado
napansin ang mga effects na ginamit sa halip ay naging
kaabang-abang ang mga eksena ng mga tauhan at mga linya na kanilang
sasambitin. Maganda ang mga kuha ng kamera sa squatters’ area at
malaking bahay. Tama at akma lamang ang iba pang teknikal na aspeto ng pelikula
tulad ng disenyo ng produksyon at make-up,
mga ilaw at inilapat na tunog at musika.
Ang tunay na
kaibigan ay isang kayamanan. Katulad ng mga tauhang Arci at Paco sa pelikulang Super
Parental Guardians, ang
kanilang pagkakaibigan ay nagpakita ng pagtanggap, paggalang, pagtutulungan, kahandaang
magsakripisyo at hindi pagsasamantala. Sa kabila ng pisikal na pagkaakit ni
Arci bilang binabae kay Paco na isang siga ay isinantabi niya ang personal na
interes at sa halip ay binigyan-diin ang malasakit sa kanyang puso para sa mga
batang naulila. Isang mensahe ng pelikula ay posible palang manatili
ang pagkakaibigan ng isang bakla sa kapwa lalaki nang walang malisya (sa kabila
ng masugid na panunukso ng bakla); at ang lalaki naman ay maari din
makipagkapwa-tao sa bakla nang hindi nagsasamantala sa kagandahang loob at
pagkahumaling ng bakla sa kanya. Sa pamilya naman ay ipinakita ang pagtanggap
ng ina sa pagkabakla ng batang anak. Sa kabilang banda, hindi magandang gawing
dahilan ang pagproteksyon sa pamilya para maging siga at malapit sa basag ulo,
katulad ng pinakita sa pelikula kung saan humantong ito sa pagkakapatay sa
kapatid. Bahagya din pinakita sa
pelikula ang sensitibong isyu ng extra judicial killing na
kahit saang anggulo tingnan ay mali at hindi dapat gawin ng kahit sino man.
May karagdagang
mga puna lamang ang CINEMA tungo sa ikalalalim ng ating pangunawa sa ilang
mensaheng nababalot sa kababawan sa Super Parental Guardians. Kung may mga kasama kayong nanonood na mga
bata, ipaliwanag lamang sa kanila na siryoso ang patayan—hindi ito bagay na
katatawanan lamang tulad ng inilalarawan sa pelikula kung saan ang lamay ni
Sarah ay nasapawan ng kabaklaan. Sa
halip na pag-isipin ang mga nanonood tungkol sa karahasan sa ating kapaligiran
na nagdudulot ng trahedya, ginagawang dahilan lamang ng pelikula ang kamatayan
upang ilungsad ang batukan, barahan, sampalan, sisihan, palusutan, at patarayan
ng mga “bida.”
Tila sinikap din
ng Super Parental Guardians na
antigin ang simpatiya ng mga manonood sa kalagayan ng mga bakla sa lipunan nang
isalarawan nito ang “bullying” sa batang binabae ng kanyang mga kaeskuwela at
ang kasamaang-ugali ng mga magulang ng mga “bullies.” Di man sinasadya, naipakita din ng pelikula
ang masamang bunga ng pagkukunsinti sa kabaklaan ng batang lalaki—lumalabis ang
kumpiyansa nito sa sarili at nawawalan ito ng paggalang sa nakatatanda. Sa halip na pagsikapang makisama nang may
pagpipitagan sa taong kumupkop sa kanila, sinita pa ng batang bakla ang matanda
sa pagsasabing: “Halika nga’t mag-usap tayo, bakla sa bakla!”
Upang maging sulit
ang ating ibinabayad sa tiket, manood tayo ng sine hindi lamang upang tayo’y
malibang, kungdi upang tayo’y may matutunan din. Sa mga temang maselan, maging bukas ang ating
isipan, ngunit maging matalas din.