Direction:
Tony Y. Reyes; Lead cast: Vic Sotto, Epi
Quizon, Oyo Boy Sotto; Producer: Mavic Sotto, Orly Ilacad; Location: Metro
Manila; Genre: Adventure-Comedy; Distributor: Octo Arts; Running Time: 106 minutes;
Technical assessment: 1.5
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
Si Enteng
(Sotto) ay isa nang matagumpay na negosyante at mapagmahal na lolo. Kaya lamang
ay hirap siyang makipag-ugnayan sa kanyang anak na lalake. Mapipiltan siyang
magpunta sa Bohol mag-isa para “mag soul-searching”. Sa kabilang dako, susulpot
ang mga makapangyarihang nilalang na itinaboy sa Engkantadia sa pangunguna ni
Kwak-kwak (Quizon) – na gustong maghari sa mundo sa pamamagitan ng isang Game App na may kakayahang kontrolin ang
isip ng mga naglalaro nito. Magtutulong
sina Enteng, Oyo at mga Abangers—mga kapwa outcast
ng Engkantadia na nakaabang kung gagawa ng kasamaan si Kwak Kwak—para iligtas
ang mundo.
Halatang-halata
na hinabol lang ng Enteng Kabisote and the 10 Abangers ang kikitain
sana sa MMFF. Ang mga naunang pelikula ng Enteng
Kabisote ay nakapagtatagpo pa sa diwa ng kasayahan ng Pasko at kapwa
pelikulang kasali na hindi rin masyadong pinag-isipan. Pero ngayong hindi sila
tinanggap sa MMFF, kita-kita ang pagkawalang kwenta ng pelikula. Magulo ang
naratibo, malata ang pagganap, mababaw ang usapan, palasak ang pagpapatawa, at
mababang uri ang produksyon. Ang alindog ng konsepto ng Okay Ka Fairy Ko na naging Enteng
Kabisote ay ang pinagdaraanan ng isang ordinaryong asawang nadodomina ng
biynan at asawang makapangyarihan. Pero matapos ang isang dekada (tila nga sa
ikatlong taon pa lamang) ay unti-unti nang nilamon ng pormula at alindog ng
takilya. Patalon-talon ang kuwento, kaya ang pelikula ay tila pinagdugtong
dugtong na elemento lamang para umabot sa oras. Pilit na pilit ang pagkakasama
sa kalahati ng artista rito. Baka nga mas naging malinaw ang kwento kung ang
naiwan na lamang ay si Sotto at Quizon, lalo’t napakahirap panuorin ang walang
buhay na pagganap ni Oyo at Alden at ang hindi maipwesto na tauhan ng
barkadahan ng Eat Bulaga. Sa dami siguro ng kailangang bayarang artista ay
naubusan na ng budget para maiayos
ang produksyon, lalo ang special effect—na
siyang dating nagdadala sa pelikula. Dalawang tanong ang nasa isip namin. Bakit
ganito kababaw ang manunuod na patuloy na tumatangkilik sa mga pelikulang
walang galang sa talino ng Pinoy? At bakit ganito kagahaman ang mga tao sa
likod ng Enteng na walang galang sa
sining ng industriya? Sana ay huling yugto na ito ng Enteng Kabisote.
Sinikap
ng pelikula na mag-iwan ng dalawang mensahe. Una ay ang paggalang sa mga magulang at ang
halaga ng patuloy na pagsusumikap na maging buo at matatag ang relasyon ng anak
sa ama sa paglipas ng panahon. Madalas nawawalan ng paggalang at pagpapahalaga
sa mga magulang kapag may sarili nang buhay ang mga anak o hindi naaayon ang
mga magulang sa pamantayan ng lipunan. Ikalawa, ang teknolohiya ay mainam at
nakapagpapadali ng gawain pero kailangang kilalanin din ang panganib na
dinudulot nito sa pagkatao, sa kalusugan at sa ugnayan. Ito ang mga aral na
sinikap ipahatid ng Enteng Kabisote 10—sinikap,
pero hindi naging matagumpay, pagka’t katulad ng hindi tamang pagkakaluto sa
ampalaya, gaano man kasustansya ang ulam, ang tanging maiiwan at matatandaan ng
kumain ay ang mapait na lasa nito. Sa
paningin ng nakararami, ang magandang mensahe ng pelikula ay maaaring natabunan
na ng kababawan. Wala mang malaswa o
karahasan sa pelikula, hindi rin ito angkop sa mga may murang isipan dahil baka
masanay silang tumanggap sa ganitong uri ng produksyon sa pelikula.