DIRECTOR:
Ian
LoreƱos LEAD CAST: Richard Yap, Jean Garcia, Enchong Dee, Janella
Savador, Jana Agoncillo SCREENWRITER: Senedy Que GENRE: Family Drama CINEMATOGRAPHER: Lee
Meily PRODUCTON
COMPANY: Regal Entertainment, Inc. DISTRIBUTED BY: Regal Entertainment, Inc. COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Pilipino, English, Chinese RUNNING
TIME: 2 hours 10 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 4
CINEMA rating: V13
Nakaaangat
sa buhay ang pamilya ni Wilson Wong (Richard Yap), dala na rin ng kanyang sipag
at pagpupunyagi sa negosyo, subali’t may isang bagay na ikinalulungkot ng
kanyang asawang si Debbie (Jean Garcia), at mga anak na si Son (Enchong Dee) at
Carol (Janella Salvador)—ang kakulangan ni Wilson sa panahong iniuukol sa pamilya,
at ang katabangan nito sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanila. Dahil dito, matututong magrebelde si Son sa
pamamagitan ng barkada, paglalasing, at droga.
Bagama’t masunuring anak, si Carol naman ay hindi makakatagal sa kursong
kinukuha para lamang mapaligaya ang ama.
Lalong bibigat ang dalahin ng pamilyang Wong nang matukso si Debbie sa
isang binatang nakilala niya sa kanyang jewelry
shop na itinayo naman niya para malibang at hindi damdaming masyado ang
pangungulila sa asawang workaholic.
Nakagugulat
na kinaya ng Mano Po 7: Chinoy na
mahawakan ang atensyon ng manonood sa kabila ng karaniwang istorya nito. Ang mga suliranin ng Wong family ay natatagpuan kahit sa anong pamilyang nasa gayong kalagayan,
ano man ang lahi nila. Ang nakakadagdag ng
“Chinese flavor” dito ay ang dialogue
na madalas ay sa wikang Chinese ang ilang eksena katulad ng dragon dance, mga parties o pagtitipon-tipon, ang pagdalaw sa mausoleum ng mga magulang ni Wilson na tipikal na makikita sa Chinese cemetery, atbp. (Ipagpaumanhin po ninyo na hindi matiyak ng
CINEMA kung Mandarin ba o anong dialect
ang ginamit, o kung ang mga aktor ba talaga ang sumasambit ng mga linya nila o
dubbed ito.) Naging kapani-paniwala ang Mano Po 7: Chinoy dahil bukod sa mga
tipong tsinito’t tsinita ang mga artista, ay isinapuso nila ang pagganap sa
kani-kaniyang mga papel. Kahit na medyo mabagal
ang ibang eksena o kulang sa pagbibigay katwiran o lalim sa ilang mga pangyayari,
hindi ka aantukin sa panonood pagkat dahil sa nakikita mong damdamin sa mga mukha,
kilos at mata ng mga tauhan, ay hindi ka mahihirapang dumamay sa kanilang drama
sa buhay. May ilang pagkakataong halos
ay maging “corny” o “melodramatic” ang pelikula ngunit sa husay na marahil ng direktor,
hindi ito bumigay upang sapawan ang mensaheng nakapaloob sa eksena.
--> Pagka’t ipinakikitang mabuting pamilya ang mga Wong, gugustuhin ng manonood na walang mangyaring masama upang ito ay mawasak. Masisiyahan naman ang manonood pagka’t iginagalang naman ng Mano Po 7: Chinoy ang mabuting hangarin ng bawa’t isa sa pamilya, ang kasagraduhan ng pag-aasawa, ang kahalagahan ng pagpipitagan sa mga magulang at nakatatanda, ang pang-unawa sa kahinaan ng tao, at ang pangangailangan sa hinahon at katapatan sa pagbubuo ng relasyon. Bagama’t idinaan ang bawa’t isa sa kanila sa mga pagsubok, nanaig pa rin ang konsiyensya at pananalig sa kabutihan ng tao upang manumbalik ang kaayusan sa pamilya sa pamamagitan ng pagbabago mula sa kalooban ng mga tauhan. Ang mga suliraning dinaranas ng pamilya, ano mang bigat, ay natural lamang na dumadating, at ang mga ito’y malalampasan nang walang bugbugan, sampalan, bantaan, murahan, gantihan—bagkus ay nagiging daan pa ito upang higit pang bumuting tao ang bawa;t isa. Ayon sa Mano Po 7: Chinoy, hindi iyan imposible.