Thursday, December 29, 2016

Enteng Kabisote 10 and the Abangers

Direction: Tony Y. Reyes;  Lead cast: Vic Sotto, Epi Quizon, Oyo Boy Sotto; Producer: Mavic Sotto, Orly Ilacad; Location: Metro Manila; Genre: Adventure-Comedy; Distributor: Octo Arts;  Running Time: 106 minutes;
Technical assessment:  1.5
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
Si Enteng (Sotto) ay isa nang matagumpay na negosyante at mapagmahal na lolo. Kaya lamang ay hirap siyang makipag-ugnayan sa kanyang anak na lalake. Mapipiltan siyang magpunta sa Bohol mag-isa para “mag soul-searching”. Sa kabilang dako, susulpot ang mga makapangyarihang nilalang na itinaboy sa Engkantadia sa pangunguna ni Kwak-kwak (Quizon) – na gustong maghari sa mundo sa pamamagitan ng isang Game App na may kakayahang kontrolin ang isip ng mga naglalaro nito.   Magtutulong sina Enteng, Oyo at mga Abangers—mga kapwa outcast ng Engkantadia na nakaabang kung gagawa ng kasamaan si Kwak Kwak—para iligtas ang mundo.
Halatang-halata na hinabol lang ng Enteng Kabisote and the 10 Abangers ang kikitain sana sa MMFF. Ang mga naunang pelikula ng Enteng Kabisote ay nakapagtatagpo pa sa diwa ng kasayahan ng Pasko at kapwa pelikulang kasali na hindi rin masyadong pinag-isipan. Pero ngayong hindi sila tinanggap sa MMFF, kita-kita ang pagkawalang kwenta ng pelikula. Magulo ang naratibo, malata ang pagganap, mababaw ang usapan, palasak ang pagpapatawa, at mababang uri ang produksyon. Ang alindog ng konsepto ng Okay Ka Fairy Ko na naging Enteng Kabisote ay ang pinagdaraanan ng isang ordinaryong asawang nadodomina ng biynan at asawang makapangyarihan. Pero matapos ang isang dekada (tila nga sa ikatlong taon pa lamang) ay unti-unti nang nilamon ng pormula at alindog ng takilya. Patalon-talon ang kuwento, kaya ang pelikula ay tila pinagdugtong dugtong na elemento lamang para umabot sa oras. Pilit na pilit ang pagkakasama sa kalahati ng artista rito. Baka nga mas naging malinaw ang kwento kung ang naiwan na lamang ay si Sotto at Quizon, lalo’t napakahirap panuorin ang walang buhay na pagganap ni Oyo at Alden at ang hindi maipwesto na tauhan ng barkadahan ng Eat Bulaga. Sa dami siguro ng kailangang bayarang artista ay naubusan na ng budget para maiayos ang produksyon, lalo ang special effect—na siyang dating nagdadala sa pelikula. Dalawang tanong ang nasa isip namin. Bakit ganito kababaw ang manunuod na patuloy na tumatangkilik sa mga pelikulang walang galang sa talino ng Pinoy? At bakit ganito kagahaman ang mga tao sa likod ng Enteng na walang galang sa sining ng industriya? Sana ay huling yugto na ito ng Enteng Kabisote.
Sinikap ng pelikula na mag-iwan ng dalawang mensahe.  Una ay ang paggalang sa mga magulang at ang halaga ng patuloy na pagsusumikap na maging buo at matatag ang relasyon ng anak sa ama sa paglipas ng panahon. Madalas nawawalan ng paggalang at pagpapahalaga sa mga magulang kapag may sarili nang buhay ang mga anak o hindi naaayon ang mga magulang sa pamantayan ng lipunan. Ikalawa, ang teknolohiya ay mainam at nakapagpapadali ng gawain pero kailangang kilalanin din ang panganib na dinudulot nito sa pagkatao, sa kalusugan at sa ugnayan. Ito ang mga aral na sinikap ipahatid ng Enteng Kabisote 10—sinikap, pero hindi naging matagumpay, pagka’t katulad ng hindi tamang pagkakaluto sa ampalaya, gaano man kasustansya ang ulam, ang tanging maiiwan at matatandaan ng kumain ay ang mapait na lasa nito.  Sa paningin ng nakararami, ang magandang mensahe ng pelikula ay maaaring natabunan na ng kababawan.  Wala mang malaswa o karahasan sa pelikula, hindi rin ito angkop sa mga may murang isipan dahil baka masanay silang tumanggap sa ganitong uri ng produksyon sa pelikula.



Saturday, December 24, 2016

Mano Po 7: Chinoy

DIRECTOR: Ian Loreños  LEAD CAST: Richard Yap, Jean Garcia, Enchong Dee, Janella Savador, Jana Agoncillo  SCREENWRITER: Senedy Que  GENRE: Family Drama  CINEMATOGRAPHER: Lee Meily  PRODUCTON COMPANY: Regal Entertainment, Inc.  DISTRIBUTED BY: Regal Entertainment, Inc.  COUNTRY: Philippines  LANGUAGE: Pilipino, English, Chinese  RUNNING TIME: 2 hours 10 minutes
Technical assessment:  3.5
Moral assessment: 4
CINEMA rating:  V13
Nakaaangat sa buhay ang pamilya ni Wilson Wong (Richard Yap), dala na rin ng kanyang sipag at pagpupunyagi sa negosyo, subali’t may isang bagay na ikinalulungkot ng kanyang asawang si Debbie (Jean Garcia), at mga anak na si Son (Enchong Dee) at Carol (Janella Salvador)—ang kakulangan ni Wilson sa panahong iniuukol sa pamilya, at ang katabangan nito sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanila.  Dahil dito, matututong magrebelde si Son sa pamamagitan ng barkada, paglalasing, at droga.  Bagama’t masunuring anak, si Carol naman ay hindi makakatagal sa kursong kinukuha para lamang mapaligaya ang ama.  Lalong bibigat ang dalahin ng pamilyang Wong nang matukso si Debbie sa isang binatang nakilala niya sa kanyang jewelry shop na itinayo naman niya para malibang at hindi damdaming masyado ang pangungulila sa asawang workaholic.
Nakagugulat na kinaya ng Mano Po 7: Chinoy na mahawakan ang atensyon ng manonood sa kabila ng karaniwang istorya nito.  Ang mga suliranin ng Wong family ay natatagpuan kahit sa anong pamilyang nasa gayong kalagayan, ano man ang lahi nila.  Ang nakakadagdag ng “Chinese flavor” dito ay ang dialogue na madalas ay sa wikang Chinese ang ilang eksena katulad ng dragon dance, mga parties o pagtitipon-tipon, ang pagdalaw sa mausoleum ng mga magulang ni Wilson na tipikal na makikita sa Chinese cemetery, atbp.  (Ipagpaumanhin po ninyo na hindi matiyak ng CINEMA kung Mandarin ba o anong dialect ang ginamit, o kung ang mga aktor ba talaga ang sumasambit ng mga linya nila o dubbed ito.)  Naging kapani-paniwala ang Mano Po 7: Chinoy dahil bukod sa mga tipong tsinito’t tsinita ang mga artista, ay isinapuso nila ang pagganap sa kani-kaniyang mga papel.  Kahit na medyo mabagal ang ibang eksena o kulang sa pagbibigay katwiran o lalim sa ilang mga pangyayari, hindi ka aantukin sa panonood pagkat dahil sa nakikita mong damdamin sa mga mukha, kilos at mata ng mga tauhan, ay hindi ka mahihirapang dumamay sa kanilang drama sa buhay.  May ilang pagkakataong halos ay maging “corny” o “melodramatic” ang pelikula ngunit sa husay na marahil ng direktor, hindi ito bumigay upang sapawan ang mensaheng nakapaloob sa eksena.

--> Pagka’t ipinakikitang mabuting pamilya ang mga Wong, gugustuhin ng manonood na walang mangyaring masama upang ito ay mawasak.  Masisiyahan naman ang manonood pagka’t iginagalang naman ng Mano Po 7: Chinoy ang mabuting hangarin ng bawa’t isa sa pamilya, ang kasagraduhan ng pag-aasawa, ang kahalagahan ng pagpipitagan sa mga magulang at nakatatanda, ang pang-unawa sa kahinaan ng tao, at ang pangangailangan sa hinahon at katapatan sa pagbubuo ng relasyon.  Bagama’t idinaan ang bawa’t isa sa kanila sa mga pagsubok, nanaig pa rin ang konsiyensya at pananalig sa kabutihan ng tao upang manumbalik ang kaayusan sa pamilya sa pamamagitan ng pagbabago mula sa kalooban ng mga tauhan.  Ang mga suliraning dinaranas ng pamilya, ano mang bigat, ay natural lamang na dumadating, at ang mga ito’y malalampasan nang walang bugbugan, sampalan, bantaan, murahan, gantihan—bagkus ay nagiging daan pa ito upang higit pang bumuting tao ang bawa;t isa.  Ayon sa Mano Po 7: Chinoy, hindi iyan imposible. 

Wednesday, December 21, 2016

Super Parental Guardians

DIRECTOR:  Joyce Bernal  LEAD CAST:  Coco Martin & Vice Ganda  SCREENWRITER: Danno Kristoper Mariquit  PRODUCER: Charo Santos-Concio, Malou N. Santos  EDITOR: Joyce Bernal, Bengbeng Bandong  MUSICAL DIRECTOR:  Carmina Cuya  GENRE: Comedy/Action CINEMATOGRAPHER:  Eli Balce  DISTRIBUTOR: Star Cinema  LOCATION: Philippines  RUNNING TIME: 115 minutes
Technical assessment:  3
Moral assessment: 3
CINEMA rating:  V13 and below with parental guidance
Tagapamahala ng isang magarang bahay si Arci (Vice Ganda) na pag-aari ni Marife (Assunta Da Rossi).  Lingid sa kaalaman ni Arci ang amo niyang si Marife pala ang utak sa pagpatay sa matalik niyang kaibigan na si Sarah (Matet De Leon)  bilang ganti sa atraso ng sigang kapatid na si Paco (Coco Martin). Sa pagkamatay ni Sarah parehong aakuin nina Arci at Paco ang pangagangalaga sa dalawang anak na naulila ni Sarah. Pagtatalunan nila dahil kay Arci inihabilin ni Sarah ang mga bata sa isang kwentuhan nila noong buhay pa ito, samantalang bilang tiyuhin ay si Paco naman ang pinakamalapit na kamag-anak ng mga bata.  Subalit bilang kasapi ng gang  ay mapanganib na manatili sa poder ni Paco ang mga bata kaya mapipilitan siya na ipisan kay Arci ang mga pamangkin, sa paniniwalang kay Arci ang bahay na tinitirhan nito. Sa sitwasyong mas magiging matatag ang kanilang pagkakaibigan at itataguyod nila ang dalawang bata.
Sa kabila ng malabnaw na daloy na kwento ay makabuluhan at napapanahon ang tema ng pelikulang Super Parental Guardian. Epektibo ang naging treatment  ng director sa istorya. Tagumpay ito sa pagpapatawa at nakakalibang panoorin ang mga eksena at pagbibitaw ng mga linya.  Natural at walang effort ang pagganap ni Ganda, at sinabayan pa ito ng husay ni Martin at ng mga batang aktor.  Maganda ang paghahatid ng mga eksenang aksyon na medyo matagal na din hindi napapanood sa pelikulang Pilipino. Hindi na masyado napansin ang mga effects  na ginamit sa halip ay naging kaabang-abang ang mga eksena ng mga tauhan at mga linya na kanilang sasambitin. Maganda ang mga kuha ng kamera sa squatters’ area at malaking bahay. Tama at akma lamang ang iba pang teknikal na aspeto ng pelikula tulad ng disenyo ng produksyon at make-up, mga ilaw at inilapat na tunog at musika.
Ang tunay na kaibigan ay isang kayamanan. Katulad ng mga tauhang Arci at Paco sa pelikulang Super Parental Guardians, ang kanilang pagkakaibigan ay nagpakita ng pagtanggap, paggalang, pagtutulungan, kahandaang magsakripisyo at hindi pagsasamantala. Sa kabila ng pisikal na pagkaakit ni Arci bilang binabae kay Paco na isang siga ay isinantabi niya ang personal na interes at sa halip ay binigyan-diin ang malasakit sa kanyang puso para sa mga batang naulila.  Isang mensahe ng pelikula ay posible palang manatili ang pagkakaibigan ng isang bakla sa kapwa lalaki nang walang malisya (sa kabila ng masugid na panunukso ng bakla); at ang lalaki naman ay maari din makipagkapwa-tao sa bakla nang hindi nagsasamantala sa kagandahang loob at pagkahumaling ng bakla sa kanya. Sa pamilya naman ay ipinakita ang pagtanggap ng ina sa pagkabakla ng batang anak. Sa kabilang banda, hindi magandang gawing dahilan ang pagproteksyon sa pamilya para maging siga at malapit sa basag ulo, katulad ng pinakita sa pelikula kung saan humantong ito sa pagkakapatay sa kapatid.  Bahagya din pinakita sa pelikula ang sensitibong isyu ng extra judicial killing na kahit saang anggulo tingnan ay mali at hindi dapat gawin ng kahit sino man.
May karagdagang mga puna lamang ang CINEMA tungo sa ikalalalim ng ating pangunawa sa ilang mensaheng nababalot sa kababawan sa Super Parental Guardians.  Kung may mga kasama kayong nanonood na mga bata, ipaliwanag lamang sa kanila na siryoso ang patayan—hindi ito bagay na katatawanan lamang tulad ng inilalarawan sa pelikula kung saan ang lamay ni Sarah ay nasapawan ng kabaklaan.  Sa halip na pag-isipin ang mga nanonood tungkol sa karahasan sa ating kapaligiran na nagdudulot ng trahedya, ginagawang dahilan lamang ng pelikula ang kamatayan upang ilungsad ang batukan, barahan, sampalan, sisihan, palusutan, at patarayan ng mga “bida.”
Tila sinikap din ng Super Parental Guardians na antigin ang simpatiya ng mga manonood sa kalagayan ng mga bakla sa lipunan nang isalarawan nito ang “bullying” sa batang binabae ng kanyang mga kaeskuwela at ang kasamaang-ugali ng mga magulang ng mga “bullies.”  Di man sinasadya, naipakita din ng pelikula ang masamang bunga ng pagkukunsinti sa kabaklaan ng batang lalaki—lumalabis ang kumpiyansa nito sa sarili at nawawalan ito ng paggalang sa nakatatanda.  Sa halip na pagsikapang makisama nang may pagpipitagan sa taong kumupkop sa kanila, sinita pa ng batang bakla ang matanda sa pagsasabing: “Halika nga’t mag-usap tayo, bakla sa bakla!” 
Upang maging sulit ang ating ibinabayad sa tiket, manood tayo ng sine hindi lamang upang tayo’y malibang, kungdi upang tayo’y may matutunan din.  Sa mga temang maselan, maging bukas ang ating isipan, ngunit maging matalas din.