DIRECTOR: Yam Laranas
LEAD CAST: Anne Curtis, Phoebe Villamor, Allan Paule, Marc Gumabao, Mercedes
Cabral & Ricardo Cepeda
SCREENWRITER: Yam Laranas & Gin de Mesa
PRODUCER: Vic del Rosario, Vincent Paolo Fernandez and co..
EDITOR: Yam Laranas & Rico Testa
MUSICAL DIRECTOR: Oscar FolgelstrÖm
GENRE: Horror Thriller
CINEMATOGRAPHER: Yam Laranas
DISTRIBUTOR: Viva Films
LOCATION: Batanes, Philippines
RUNNING TIME: 108 mins.
Technical
assessment: 3.5
Moral
assessment: 3
CINEMA rating:
V14
MTRCB rating: PG
Nasa
gitna ng emosyonal na kaguluhan si Leana (Anne Curtis). Kailangan niyang
itaguyod ang kanyang nakababatang kapatid na si Rita (Villamor) subalit hindi
na niya maasahan ang kaniyang paupahang inn sa tabing dagat matapos lumubog ang barkong "Aurora" na ikinamatay ng lahat nitong pasahero liban lang sa isa. Nakukunsensya siya sa pananamantala sa mga nasawi sa lumubog na barko pero
kailangan niyang kumita ng pera. Papaano niya pagtutugmain ang mga
kasalungatang ito?
Ang
layunin ng “horror” ay manakot. Iba’t iba ang istilong pwedeng gamitin—gulat,
kilabot, pagdanak ng dugo, misteryo, at iba pa. Minsan nga ay pormula na
ang ritmo nito na kaya mo nang hulaan ang mangyayari. Pero sa kabila ng mga
pamamaraan, dapat pa ring mangibabaw ang kwento at pagkukwento. Genre lamang
ang horror. Ang malaking problema ng Aurora
ay naipit ito sa pagdiriin sa tatak ng horror
kaysa sa kwento nito. Napakaganda sana ng umpisa ng pelikula. Aakalain mong
gawang banyaga dahil sa husay ng kuha at pagkakakulay nito. Dagdag pa ang
nakadadalang musical score ni Oscar Fogelstrom. Pero habang tumatagal at dapat
sana'y lumalalim ang kwento, ay nagiging malabnaw ang katauhan ni Leana at
naipit na lang sa panggugulat at pagdagsa ng mga multo ang kwento. Maganda ang
mga kuhang panorama subalit kapag sa malapitan ay nawawalan na ito
ng pagka-makatotohanan pagkat halatang ito ay mga CGI lamang—halimbawa, sobrang malinis at walang sira ang barko, parang laruan lamang na napasadsad sa batuhan. Sa sobrang abala sa itsura
at pakiramdam, dalawang bagay ang nagkulang sa Aurora—ang maayos na pagkukwento
at ang maging isang talagang nakakatakot na horror
movie. (Mas naging akma pa marahil kung tinawag na lang itong Drama, Mystery, Supense at Thriller). \
"Kapit
sa patalim." Ito ang bukang bibig ng mga taong gipit o nasa bingit ng
trahedya. Para bang kayang pagtakpan ang anumang desisyon—mabuti, masama, moral man o hindi—basta’t mailigtas lamang ang sarili. Sa isang banda, ito ay likas sa tao—ang iligtas ang sarili. May mas magandang tawag sa wikang Ingles na
walang tuwirang katumbas sa Filipino—“human”.
Hindi lamang tayo basta “tao” (people)… tayo ay “human beings”— mga nilalang na may pagpapakatao. Kaya’t ang bawat
desisyon ay hindi lamang para sa sariling kapakanan kundi naayon din sa mga moral
na kalalabasan nito. Ipinakita sa pelikula na kapag nangibabaw ang pagkamakasarili sa
pagpapakatao, walang katapusan ang sakit at pagdurusang mangyayari. Ang paglalaban ng pangangailangan at ng nararapat sa katauhan ni Leana—at ang ibinunga nitong tapang upang harapin niya ang mga ganid—ang siyang nagsilbing budhi ng pelikula.— PMF