DIRECTOR:
Sigrid Andrea Bernardo LEAD CAST: Alessandra de Rossi, Empoy Marquez EXECUTIVE PRODUCERS: Joyce Bernal, Piolo
Pascual, Erick Raymundo MUSIC: Arlene
Flredia Calvo CINEMATOGRAPHY: Boy
Yniquez EDITING: Marya Ignacio GENRE:
Rom-com drama LOCATION: Sapporo, Japan LANGUAGE:
Pilipino RUNNING TIME: 84 minutes
Technical assessment: 4
Moral assessment: 4
CINEMA rating: PG 13
Masayang
namumuhay mag-isa ang Pilipinang tour
guide sa Sapporo, Japan, na si Lea (de Rossi), nguni’t isang araw, bigla
siyang mabubulag. “Temporary blindness”
daw, ayon sa doktor, dala ng stress. Ang sanhi ng stress? Nasugatang
puso. Nahuli niyang nagtataksil sa kanya
ang boyfriend niyang Hapon, na siyang
ikinaguho ng lahat ng kanyang mga pangarap.
Magkukulong at magmumukmok sa bahay ang broken-hearted na babae, at dito naman susulpot sa buhay niya ang
kapitbahay niyang si Tonyo, isang OFW sa Japan, at kasulukuyan namang bumabangon
mula pagkasawi sa pag-ibig. Natural
lamang na mailap si Lea sa simula, ngunit walang sawang magdadala ng mga niluto
niyang pagkaing Pinoy si Tonyo kay Lea araw araw, lilibangin ito sa
pagpapatawa, at hihimuking samahan siyang magpasyal sa mga tourist spots ng Sapporo.
Dahil dama naman ni Lea na katapatan ni Tonyo, tatanggapin niya ang alok
nitong “maging mga mata” niya habang namamasyal sila. Unti-unting magkakalapit ang dalawa, at kapwa
sila sasaya sa kanilang pagkakaibigan, hanggang isang araw, makakakitang muli
si Lea.
Hindi
mahuhulaan ng manonood ang buong kuwento ng Kita Kita sa panonood lamang ng pakita o trailer nito. Maaaring
isipin nilang, “Mukhang kakaiba dahil hindi pogi ang leading man, pero bulag naman ang babae eh, malay niya? Cheap
comedy lang siguro ito!” Ganunpaman,
halos puno ang sinehan nang manood ang CINEMA samantalang mag-iisang lingo na itong
ipinapalabas noon. At hanggang ngayong
halos dalawang linggo na itong tampok sa maraming mga sinehan, mahaba pa rin
ang hatak nitong pila sa takilya.
Marahil isa itong palatandaang handa na ang mga Pilipinong manonood sa
ganitong uri ng pelikula—madaling sakyan, madaling intindihin, nakakaaliw
panoorin, pero malalim ang pinaghuhugutan, kaya’t malalim din ang hatid na katotohanan. Nababakas sa Kita Kita na may sapat na kaalaman ang nagsulat nito tungkol sa
kultura sa Saporro, kung kaya’t naihabi niya nang makahulugan ang ilang mga maliliit
na bagay upang isulong at mabuo ang kuwento.
Kung magaling ang pagganap ni de Rossi at Marquez, magaling din ang
direksyon at pagkaka-edit ng pelikula. Napagtagni-tagni
nito ang mga pangyayari sa tamang daloy na hinihingi ng kwento, at nabigyang
kasiyahan ang manonood ng isang makabuluhang katapusan.
May
kasabihan tayong “Love is blind”—ang pag-ibig diumano ay bulag. Nabigyang katuwiran ito ng Kita Kita kung saan napalambot ang puso
ng isang babae ng isang lalaking hindi naman niya nakikita—ngunit ito ay dahil
kahit siya bulag, nakikita niya ang puso ng lalaki, isang pusong mayaman sa
kabutihang loob. May isa ring payo ang
mga nakatatanda sa mga kababaihan na nabibigyang katuwiran ng Kita Kita: “Marry a man who can make you laugh.” Pakasalan mo ang isang lalaking kaya kang patawanin. Sa panahon ng pasakit at kadiliman, ang “sense
of humor” ng mga taong malapit sa atin ang mag-aangat sa atin. Tulad ni Tonyo, na dahil sa “sense of humor”
niya ay nagsilbing salbabida ni Lea na malapit nang malunod sa pighati. Ang tunay na “sense of humor” ay hindi lamang
basta pagpapatawa—lalo na’t hindi kung pagpapatawa itong may halong panglilibak—kungdi
isang magandang katangiang nag-uugat sa kababaang-loob. Dahil sa “sense of humor”, kaya nating
pagtawanan ang ating sarili, at hindi rin tayo napipikon kahit pagtawanan tayo
ng iba. Ang ubod ng kuwento ng Kita Kita, simula puno hanggang dulo,
ay ang kagandahang maaaring hindi nakikita ng ating mga mata nguni’t
nararamdaman ng kaluluwa: kabutihang loob.
Makita kaya ninyo ito sa inyong panonood ng Kita Kita?