DIRECTOR: Theodore Boborol LEAD CAST: Sarah Geronimo,
John Lloyd, Christian Bables STORY & SCREENPLAY: Gilliann Ebleo, Carmi
Raymundo, Patrick John Valencia MUSIC: Jessie Lasaten CINEMATOGRAPHY: Gary Gardoce
EDITING: Beng Bandong PRODUCTION
DESIGN: Winston Acuyong PRODUCERS: Malou Santos, Charo Santos-Concio,
Vic del Rosario Jr., Veronique del Rosaro-Corpus PRODUCTION COMPANIES: Star Cinema, Viva Films GENRE: Comedy/Romance DISTRIBUTOR: Star
Cinema LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 118 minutes
Technical assessment:
3.5
Moral assessment:
3.5
CINEMA rating:
V14
Araw ng kasal,
na-indiyan: hindi sisipot ang nobyo ni Aprilyn (Sarah Geronimo) na si Randy
(Enchong Dee). Sa sama ng loob, nagngangangawang
itatakas ni Aprilyn ang wedding car
at kung saan saan hahanapin ang nobyong nawawala. Pagka’t ni ha ni ho ay hindi magpaparamdam si
groom, at titirik pa ang tsikot, tuluyan
nang mawawalan ng poise si bride—nandiyang umangkas sa tricycle kuntodo naka-wedding gown, nandiyang umakyat sa fire escape, nandiyang maglupasay sa mall, at kung anu-ano pa. Pagpipiyestahan tuloy ng mga nagse-selfie hanggang maging viral ang mga video—magte-trending ang
Aprilyn bilang #ChosBride. Ito naman ang
magiging daan para makilala siya ni Raffy (John Lloyd Cruz), isang PR strategist. Kliyente ni Raffy si Mayor, na nagkataong
tatay pala ng indiyanerong si Randy, at igigiit niya kay Raffy na magbalikan sila
Aprilyn at Randy, dahil kailangan ni Randy ng pogi points sa publiko pagka’t
ikakasa siya ng tatay niya bilang mayor
sa susunod na halalan.
Hindi
nakapagtatakang humatak ng 20 milyong piso sa opening day sa Pilipinas ang Finally
Found Someone—una, subok na ang Sarah-John Lloyd tandem; ikalawa, sagana sa kilig moments; ikatlo, hitik sa
katatawanan; ika-apat, me laman naman ang kuwento. In short,
patok sa Pinoy. Nang manood ang CINEMA,
napansin namin na hati sa dalawa ang audience—ang
kalahati ay tumitili sa kilig, at ang iba nama’y natatawa sa mga
kinikilig. Entertaining talaga, pati audience. In
fairness, magaling ang acting, ika
nga madadala ka: si Sarah, natural na natural, okey lang magmukhang losyang
kung kailangan; si John Lloyd, feel
ang papel, at lalaki pa rin kahit umiiyak o kumekembot; si Mayor na buktot na politiko,
gusto mong sapakin. Okey ang editing,
tinambalan ng matinong dialogue, kaya
walang nakakaantok na eksena.
Ang Finally Found Someone ay isang rom-com na malaman. Lutang dito ang tatlong mensahe: ang karahasan
at pagkukunwari ay bahagi ng realidad sa politika; ang isang matatag na pamilya
ay kailangan upang suportahan ka sa iyong pinagdaraanan; at ang pagharap sa iyong
mga kahinaan ay katapatan sa sarili at sa kapwa. (Pahabol: ikinalulugod ng CINEMA na
pinaninindigan ni Sarah Geronimo ang pag-iwas sa passionate kissing sa kanyang mga pelikula, na tila ba nagsasabi sa
mga manonood na hindi mo kailangang labagin ang prinsipyo mo para lang maging "masaya" at popular).