The Episcopal Commission on Social Communication-CBCP

The Episcopal Commission on Social Communication of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines presents movies viewed in the light of the gospel. . *** For inquiries, please EMAIL: cbcpcinema@gmail.com *** CALL or TEXT: (02) 664 5886 *** or WRITE TO: CINEMA, Episcopal Commission on Social Communication, CBCP Compound, 470 General Luna St. Intramuros, Manila *** Enjoy the reviews, and THANK YOU!

Monday, July 31, 2017

Kita Kita

DIRECTOR: Sigrid Andrea Bernardo  LEAD CAST:  Alessandra de Rossi, Empoy Marquez EXECUTIVE PRODUCERS: Joyce Bernal, Piolo Pascual, Erick Raymundo  MUSIC: Arlene Flredia Calvo  CINEMATOGRAPHY: Boy Yniquez  EDITING: Marya Ignacio  GENRE:  Rom-com drama  LOCATION:  Sapporo, Japan  LANGUAGE:  Pilipino  RUNNING TIME:  84 minutes
Technical assessment:  4
Moral assessment:  4
CINEMA rating:  PG 13
Masayang namumuhay mag-isa ang Pilipinang tour guide sa Sapporo, Japan, na si Lea (de Rossi), nguni’t isang araw, bigla siyang mabubulag.  “Temporary blindness” daw, ayon sa doktor, dala ng stress.  Ang sanhi ng stress?  Nasugatang puso.  Nahuli niyang nagtataksil sa kanya ang boyfriend niyang Hapon, na siyang ikinaguho ng lahat ng kanyang mga pangarap.  Magkukulong at magmumukmok sa bahay ang broken-hearted na babae, at dito naman susulpot sa buhay niya ang kapitbahay niyang si Tonyo, isang OFW sa Japan, at kasulukuyan namang bumabangon mula pagkasawi sa pag-ibig.  Natural lamang na mailap si Lea sa simula, ngunit walang sawang magdadala ng mga niluto niyang pagkaing Pinoy si Tonyo kay Lea araw araw, lilibangin ito sa pagpapatawa, at hihimuking samahan siyang magpasyal sa mga tourist spots ng Sapporo.  Dahil dama naman ni Lea na katapatan ni Tonyo, tatanggapin niya ang alok nitong “maging mga mata” niya habang namamasyal sila.  Unti-unting magkakalapit ang dalawa, at kapwa sila sasaya sa kanilang pagkakaibigan, hanggang isang araw, makakakitang muli si Lea.
Hindi mahuhulaan ng manonood ang buong kuwento ng Kita Kita sa panonood lamang ng pakita o trailer nito. Maaaring isipin nilang, “Mukhang kakaiba dahil hindi pogi ang leading man, pero bulag naman ang babae eh, malay niya?  Cheap comedy lang siguro ito!”  Ganunpaman, halos puno ang sinehan nang manood ang CINEMA samantalang mag-iisang lingo na itong ipinapalabas noon.  At hanggang ngayong halos dalawang linggo na itong tampok sa maraming mga sinehan, mahaba pa rin ang hatak nitong pila sa takilya.  Marahil isa itong palatandaang handa na ang mga Pilipinong manonood sa ganitong uri ng pelikula—madaling sakyan, madaling intindihin, nakakaaliw panoorin, pero malalim ang pinaghuhugutan, kaya’t malalim din ang hatid na katotohanan.  Nababakas sa Kita Kita na may sapat na kaalaman ang nagsulat nito tungkol sa kultura sa Saporro, kung kaya’t naihabi niya nang makahulugan ang ilang mga maliliit na bagay upang isulong at mabuo ang kuwento.  Kung magaling ang pagganap ni de Rossi at Marquez, magaling din ang direksyon at pagkaka-edit ng pelikula.  Napagtagni-tagni nito ang mga pangyayari sa tamang daloy na hinihingi ng kwento, at nabigyang kasiyahan ang manonood ng isang makabuluhang katapusan.   
May kasabihan tayong “Love is blind”—ang pag-ibig diumano ay bulag.  Nabigyang katuwiran ito ng Kita Kita kung saan napalambot ang puso ng isang babae ng isang lalaking hindi naman niya nakikita—ngunit ito ay dahil kahit siya bulag, nakikita niya ang puso ng lalaki, isang pusong mayaman sa kabutihang loob.  May isa ring payo ang mga nakatatanda sa mga kababaihan na nabibigyang katuwiran ng Kita Kita:  “Marry a man who can make you laugh.”  Pakasalan mo ang isang lalaking kaya kang patawanin.  Sa panahon ng pasakit at kadiliman, ang “sense of humor” ng mga taong malapit sa atin ang mag-aangat sa atin.  Tulad ni Tonyo, na dahil sa “sense of humor” niya ay nagsilbing salbabida ni Lea na malapit nang malunod sa pighati.  Ang tunay na “sense of humor” ay hindi lamang basta pagpapatawa—lalo na’t hindi kung pagpapatawa itong may halong panglilibak—kungdi isang magandang katangiang nag-uugat sa kababaang-loob.  Dahil sa “sense of humor”, kaya nating pagtawanan ang ating sarili, at hindi rin tayo napipikon kahit pagtawanan tayo ng iba.  Ang ubod ng kuwento ng Kita Kita, simula puno hanggang dulo, ay ang kagandahang maaaring hindi nakikita ng ating mga mata nguni’t nararamdaman ng kaluluwa: kabutihang loob.  Makita kaya ninyo ito sa inyong panonood ng Kita Kita?

No comments: