DIRECTOR: Topel Lee LEAD CAST: Janella Salvador, Elmo
Magalona, Sofia Andres, Diego Loyzaga, Jane Oineza, Maris Racal, Yves Flores, Empoy Marquez, Ronnie
Alonte WRITERS: Carmel Josine Jacomille, Rogelio Panahon Jr., Justine
Reyes de Jesus, Kenneth Lim Dagatan, John Paul Abellera SCREENPLAY: Quark
Henares BASED ON: Bloody Crayons by Josh
Argonza PRODUCERS: Charo
Santos-Concio, Malou Santos GENRE: Suspense-Thriller CINEMATOGRAPHY: Zach
Sycip PRODUCTION COMPANY: ABS-CBN
Film Productions, Inc. DISTRIBUTED BY: Star Cinema COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Filipino,English RUNNING TIME: 110
minutes
Technical assessment:
4
Moral assessment:
2.5
CINEMA rating:
V14
MTRCB rating: R13
Dumating sa isang ilang na isla ang grupo ng mga
kabataan para sa shooting ng
kanilang film project . Titira sila pangsamantala
sa lumang bahay na pag-aari ng pamilya ni Olivia (Jane
Oineza). Masaya ang lahat sa pagdating sa isla, subalit bago magdilim
ay magkakaroon ng tensyon dahil sa mga isyu ng love triangle sa
pagitan nina Marie (Sofia Andres), Kenly (Diego Loyzaga), at Olivia, at ang
maapektuhan ang matalik na pagkakaibigan ng huli kay Eunice (Janella Salvador)
dahil sa paglilihim nito sa kaibigan. May mabubuo ding isyu sa
sarili ang direktor ng grupo na si Kiko (Elmo Magalona) dahil sa makikita nya
na pagiging malapit ni Eunice kay John (Ronnie Alonte). Hindi nila kaklase si John, isinama lamang
nila marahil para makatulong sa project. Sa
akalang huhupa ang nabuong tensyon sa mga kasama ay naglaro sila ng Bloody
Crayon kung saan bilang mga manlalaro ay sasailalim sa confessions, rules at consequence na
pag-inom ng pinaghalo-halong inumin sa bloody mug. Sa larong ito
unang namatay ay kanilang kasama na si Marie dahil sa pagkakalason sa ininom na
tubig pagkatapos uminom ng laman ng parusang bloody mug.
Susunod ang isa-isang pagkamatay ng magkakasama.
Malikhain ang kwento ng Bloody Crayons na
pinatingkad ng ginawang trato ng direktor upang mapuno ng suspense mula
sa simula hanggang sa resolusyon. Epektibo ang pagpapalitan ng mga eksena
ng shooting at aktwal sa paghahatid ng tensyon. Maganda at masining ang mga kuha ng kamera sa
iba’t ibang anggulo ng isla, ng dagat at talampas, ng loob at labas ng lumang
bahay, at ng kagubatan. Maayos ang mga
komposisyon katulad ng mga eksena ng pagtatampisaw ng mga tauhan sa
dagat, pag-uusap nina Eunice at John sa balkonahe na lihim palang
nasasaksihan ni Kiko, ang pag-iisa ni John sa loob ng patibong na may daanan
palabas sa dalampasigan, atbp. Ang mga
inilapat na tunog, musika at ilaw ay pawang mga akma sa hinihingi ng eksena at
kabuuang istorya. Gayundin ang disenyo ng produksyon, kasuotan at make-up.
Tama lamang at kapani-paniwala ang pagganap ng mga kabataang artista sa
kani-kanilang karakter. Gayunpaman, medyo nakakabagot ang pinatagal na eksena
ng habulan nina Olivia at Eunice sa kagubatan at ang mahahabang usapan sa mga
sitwasyong puno ng tensyon. Sa kabuuan ay mahusay ang teknikal ng aspeto
ng pelikula.
Mga kabataan, bilang mga mag-aaral na nagnanais
kumpletuhin ang school requirement upang makapagtapos ng
kanilang kurso, ang itinampok sa pelikulang Bloody Crayons. Napadpad
sila sa malayong isla dahil dito. Bilang mga responsableng mag-aaral ay
ginagawa ang lahat upang matapos ang kailangan sa paaralan. Subalit
kung may mga isyu sa bawat isa ay mas mabuti na ayusin muna bago
pumalaot bilang magkakasama. Ang mga nabunyag na
paglilihim ang naging mitsa ng pagsambulat ng galit at pagiging mapusok ng mga
tampok na kabataan sa pelikula. Dalawang
gintong aral ang dapat tandaan ng isang tao upang mas maging maayos sa buhay:
una, “ang katotohanan ang siyang nagpapalaya”; ikalawa, “walang lihim na di
nabubunyag”. Ang mga ito ang hindi
isinaalang-alang ni Eunice dahil sa pagnanais niya na protektahan at huwag
masaktan ang matalik na kaibigan. Ang inaakalang simpleng film project ay
nauwi sa patayan at tuluyang pagtuldok sa mga pangarap na makapagtapos ng
kanilang kurso. Nakakahindik na
magagawang patayin ng isang kabataan ang mga kaibigan dahil sa kabiguan sa
pag-ibig, pagtataksil ng kaibigan, paglilihim na ginawa siyang tanga.
Maaring labis ang sakit na dulot ng ganitong karanasan pero may paraan upang
malampasan ito ng isang tao sa pamamagitan ng tamang proseso at paggabay. May
pananagutan ang mga magulang at paaralan sa mga ganitong
sitwasyon. Ang pagsisisi ay palaging nasa huli. Maliban sa pagpatay ay lumutang din ang temang
pre-marital sex, pagtataksil at
paglalasing sa mga ikinumpisal sa larong Bloody Crayon na siyang
pinagmulan ng simbuyo ng mga damdamin sa mga tauhan ng
kwento. Maseselan at nangangailangan ng proseso ang mga temang ito
at nangangailangan ng hinog na isipan ng manonood.