Wednesday, July 5, 2017

Ang Pagsanib kay Leah de la Cruz

LEAD CAST: Sarah Lahbati, Julian Trono and Shy Carlos DIRECTOR: Erik Matti  SCREENWRITER: Charlene Esguera  PRODUCER: EriK Matti & Katski Flores  MUSICAL DIRECTOR:  Francis de Vera  GENRE: Horror  DISTRIBUTOR:  Viva Films, Reality Entertainment  LOCATION: Philippines  RUNNING TIME: 97 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment:  2
CINEMA rating:  V18
MTRCB rating:  R13
Isang “inactive” na pulis si Ruth (Sarah Lahbatti), at namamahinga sa Barangay Dalisay.  Palaging laman ng isip ni Ruth ang kapatid niyang si Erik, as tila plagi niyang sinusulatan at inuunawa kahit hindi ito sumasagot.  Galing sa isang simbahan, lalapitan siya ng teenager na si (Julian Trono), at papakiusapan siya nitong tulungan ang kanyang malaking “crush” na si Leah (Shy Carlos) na tila sinasaniban.  Bagamat nayayamot sa kakulitan ni Gabriel, mapupukaw ang kalooban ni Ruth na dumamay nang masaksihan niya ang tangkang pagpapakamatay ni Leah na tatalon mula sa balkonahe ng kanilang bahay.  Kasama si Gabriel, magiimbestiga si Ruth sa kaso nang malaman nilang sinugat-sugatan din ni Leah diumano ang yaya nitong si Rosario bago siya tumalon.  Lalawig ang pag-iimbestiga ng dalawa at may mauungkat sila tungkol sa isang kulto.  Ano ang kinalaman ni Rosario, ng isang pari, ng isang madre, sa pagsanib na nangyayari kay Leah?
Kahindik-hindik ang simula ng pelikula, at agad ay iisipin mong kakaiba itong horror movie—hindi nagtutumili, pero nakakakaba.  Magaling ang cinematography, musika at editing ng pelikula, nagtulong-tulong sila upang mabuo ang “atmosphere”.  Dinala ng mahusay na pagganap ni Carlos, Lahbati at Trono ang kuwento mula simula hanggang katapusan.  Ngunit sa hindi matukoy na paraan, hindi mahawakan ng pelikula ang interes o simpatiya ng manonood sa kanyang kabuuan.  Maraming bagay na dahil salat sa katuwiran o lohika ay nakakawalang-gana nang sundan.  Maaaring humanga na lamang tayo sa galing mag-“emote” ng mga artista, pero ano ang saysay ng kuwento, at ng mga umano’y lihim na isinisiwalat ng ano man yaong espiritung sumasanib kay Leah? 
Maaaring gustong sabihin ng Ang Pagsanib kay Leah de la Cruz na ang mga kasawiang-palad na nangyayari sa tao ay nanggagaling din sa kaniyang sarili—sa kamangmangan o pagkukunwari—na ang isang tao ay “minumulto” ng kanyang lihim, maging ito man ay isang kasalananan o nakaraang hindi maiwanan.  Ngunit ang bagay na ganitong kalalim ay hindi matagumpay na mabibigyang katuwiran ng isang pelikulang gumagamit ng ideya ng “pagsanib” ngunit wala namang malinaw na iginagawad na paliwanag o lunas upang ang manonood ay maniwala sa katotohanan nito at mag-isip kung paano ito pupugsain upang ang manaig at lumutang ay ang likas na lakas ng loob ng tao na nilikhang kawangis ng Maykapal.  Gawa ng malagim na sinapit ng mga tauhan—kahit na ang inaakala nati’y “matibay” sa kanila—binigyan ng pelikula ng labis na kapangyarihan ang puwersa ng kadiliman.  Walang kapatawarang nasasalamin sa kuwento.  Hindi mabuting panoorin dahil baka paniwalaan ng mga murang isipan.