Lead cast: Cristine Reyes, Heart Evangelista, Derek Ramsay, John Estrada; Direction: Andoy Ranay; Screenplay: Keiko Aquino; Editing: GeorgeJarlego; Cinematography: Lee Briones-Meily Producer: Vic del Rosario III; Music: Teresa Barronzo; Location: Metro Manila; Genre: Drama-Suspense Distributor: Viva Films
Technical Assessment: 2 Moral
Assessment: 1.5
MTRCB rating: R13 CINEMA rating: V18
Ang
tanging ambisyon ni Lani (Reyes) ay makatuntong sa Amerika at makilala ang
kanyang sundalong ama at magkaroon ng mas magandang buhay. Kaya lahat ng paraan
ay kanyang ginagawa, pati ang pakikipagmabutihan sa mga lalaking may kakayahang
dalhin siya sa ibang bansa. Kaya naman napakadaling nahulog ng kanyang loob kay
Chino (Ramsey), isang spoiled brat na
playboy. Pero dahil sa isang
tunggalian sa anak ng maimpluwensyang mayor,
mapipilitan si Chino na magtago sa Amerika kaagad-agad. Pero buntis si Lani at
susubukan niyang humingi ng tulong kay Sammy (Estrada), matandang kapatid ni
Chino. Subalit malupit si Sammy at bubundulin si Lani na magiging sanhi ng pagkalaglag
ng kanyang dinadala. Sa labis na galit, gagawa si Lani ng paraan para iangat
ang sarili upang makapaghiganti sa magkapatid. Makakasalamuha niya ang mga
mayayaman at sa isang okasyon makakatagpo niya si Sammy na lubos na maaakit sa
kanya. Samantala, sa Amerika, mahuhulog ang loob ni Chino kay Gwen
(Evangelista) at papakasalan ito. Uuwi sa Pilipinas ang magkabiyak para
makilala ang bagong asawa ni Sammy at laking gulat ni Chino nang madatnan niya
ang labis na nagbagong Lani. Sa pagdaan ng araw, lahat ng paraan ay ginagawa ni
Lani para maakit si Chino sa kanya at masira ang relasyon nila ni Gwen habang
unti-unting nabubunyag ang mga nakatagong lihim at motibo.
May maganda sanang
balangkas ang Trophy Wife kung
naisulong lamang ang pagbuo ng kwento nito sa halip na binigyang-tuon ang
paghuhubad at mga eksena ng pagtatalik na wala namang naidagdag sa kwento.
Malaki ang pagkukulang ng direktor na maipalabas ang misteryo at poot sa likod
ng katauhan ni Lani dahil pinili nitong maya’t mayang itambad ang katawan ni
Reyes kaysa sa paghusayin ang pagkwekwento. Para tuloy isang pamamasyal sa
buwan ang pelikula—malubak at punong-puno ng butas: kaya naman pala ni Lani na
iangat ang saril, bakit hindi pa niya ginawa nuong una e ang tindi naman ng
ambisyon niya? Bakit bigla na lamang sumulpot sa eksena si Gwen gayon malapit
daw sila sa isa’t isa nuong mga bata pa sila? Papaano nagka-usap muli sina Lani
at Gwen? Kung iisa-isahin natin ang paglilinaw sa pagsasalaysay ay kukulangin
ang nakalaang puwang sa pagsusulat ng reaksyon. Ang walang kalatuy-latoy na mga
usapan ay lalo pang napasama ng walang kabuhay-buhay na pagganap ni Reyes at
Evangelista at mala-sarswelang atake ni Estrada. Tanging sina Tongi at Fabregas (gumanap na unang asawa at kaibigan ni Sammy) lamang ang
nagkaroon ng makatotohanang atake sa kanilang mga papel. Salat na salat si
Reyes sa kakayahang umarte. Iisa ang damdaming kayang ipahayag ng kanyang mukha
at kilos—isang babaeng nilalapastangan ng industriya. Kapag isinama pa ang kapabayaan sa produksyon tulad ng lulubog-lilitaw
na puntong Kapampangan ni JackieLou nang nagalit siya kay Lani, o ang di-mawaring
nagkulang na prosthetics sa kamay
nito (kamay ba iyon o maruya?) o ang patalun-talong pagdaloy ng eksena at paglipat
ng angulo, lalo lamang darami ang lubak at butas ng pelikula, hay naku!
Walang nahihita sa
paghihiganti gaano man kalaki ang atraso ng isang tao. Lagi, sa dulo, talo ang
nagtatanim ng matinding poot at nagpapanukala ng masalimuot na paraan para sa
ikababagsak ng kalaban. Ang mga pagsubok at dagok sa buhay ay dapat gamiting
paraan upang buuing muli ang nawasak at pira-pirasong sarili, palakasin ito at
ibangon hindi para sa nang-api kundi para maging kapaki-pakinabang ang buhay.
Ang tema ng paghihiganti at pagsisimulang muli ang siya sanang tuon ng Trophy Wife pero tulad nang nabanggit,
pinili na pahabain ang mga senswal na eksena. Marahas ang mga tema ng Trophy Wife: panlilinlang sa asawa,
paggamit ng katawan para maghiganti, sabwatan at pang-aakit para makasakit,
pagpatay at pagkasadista. Nakasama pang lalo na sa pagtatapos ng pelikula, ang
mga may sala pa ang dali-daling binigyan ng “happy ending” sa halip na
maipakita ang tunay na ibinunga ng kanilang maling pagpapasya. Ganito lamang bang katapusan ang
kailangan para makamtam ang rating na
R13 ng MTRCB? Walang matinong
magulang ang papayag na mapanood ng trese-anyos nilang anak ang mga eksenang
inihahain ng Trophy Wife. Hindi kaigaya-igaya ang pelikula
para sa bata man o matanda dahil sakit na nga sa ulo ang palpak nitong
produksyon at kuwento, negatibo pa ang mga dala-dala nitong mensahe.