Wednesday, July 30, 2014

She's dating the gangster


DIRECTOR:  Cathy Garcia-Molina  LEAD CAST:  Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Sofia Andres, Khalil Ramos, Pamu Pamorada, Richard Gomez, Dawn Zulueta  SCREENWRITER:  Bianca B. Bernardino (based on a novel) Carmi Raymundo  PRODUCER:  Malou Santos, Charo Santos-Concio  MUSIC: Jonathan Manalo  GENRE:  Romantic Comedy-Drama  DISTRIBUTOR:  Star Cinema  LOCATION:  Philippines RUNNING TIME:   105 minutes
Technical assessment:  3.5  Moral assessment: 3.5  
 MTRCB rating: PG  CINEMA rating: V14
Galit si Kenneth (Daniel Padilla) sa ama niyang si Kenji (Richard Gomez) dahil akala niya hindi siya minahal nito, at naging malungkot ang buhay ng kanyang yumaong ina. Pero nagkukumahog siya ngayong papunta sa Legaspi at umaasang nakaligtas ito sa isang airplane crash. Kasama niya si Kelay (Kathryn Bernardo) na gusto ring dalhin si Kenji sa kanyang tiyahing si Athena (Dawn Zulueta) na malapit nang mamamatay. Habang nagbibiyahe ay ikinuwento ni Kelay kay Kenneth ang dakilang pag-ibig ni Kenji at Athena. Noong high school pa sila, pinilit ni Kenji (Daniel Padilla) si Athena (Kathryn Bernardo) na magkunwaring kasintahan nito upang pagselosin ang ex-girlfriend niyang si Athena Abigail (Sofia Andres). Hindi nila inakalang sa pagkukunwaring ito magsisimula ang isang tunay na pag-ibig. Subalit ano nga ba ang tunay na pag-ibig?
Ang She’s Dating the Gangster ay halaw sa isang online nobelang isinulat ni Bianca B. Bernardino na inilathala sa Wattpad. Mahirap isapelikula ang isang nobela dahil madalas ay hindi maisalarawan ito nang sapat. Sa She’s Dating the Gangster, napakaraming pagbabago ang ginawa ng screenwriter na si Carmi Raymundo: mga katangian ng mga tauhan, balangkas ng kuwento, pati ang panahon, ang katapusan, atbp. Para itong pinaghalong Romeo and Juliet at The Fault in Our Stars pero hindi isang karaniwang romantic comedy ang She’s Dating the Gangster.  Karaniwang sinasabi, kapag naisapelikula ang isang nobela, na mas mainam ang libro kaysa sa pelikula. Taliwas ang nangyari sa pelikulang ito. Naging makulay at katuwa-tuwa ang paglipat sa dekada 90 ng kwento, pati na rin ang pagsasalarawan nito at mga kasuotan.  Kahit na halatang naka-wig si Bernardo ay magaling niyang naisakatuparan ang kanyang papel bilang Athena. Akma din at bagay kay Padilla ang pagiging gangster—na sa pelikula, maging sa nobela, ay nangangahulugang: “irritating, loud, and he’s not sweet! He’s weird, he smokes, he drinks, he goes clubbing on a weekday, and he fights and bullies a lot… He is very moody and a bit blunt.” Makatotohanan nilang naipamalas ang mundo ng mga kabataan sa panahong iyon, pati na ang mga problemang kinaharap nila. Dahil sa mahusay na pamamatnubay ng direktor na si Cathy Garcia-Molina, nabalanse ang mga eksenang nakakatawa at nakakakilig at mga eksenang ma-drama. May mga eksenang medyo pilit at masasabing imposibleng mangyari, pero dahil mahusay gumanap ang mga aktor ay pwede na itong palampasin. Ipinakita din sa pelikula ang marilag na bulkang Mayon, isa sa tinaguriang Seven Wonders of Nature sa buong mundo, at ang kagandahan ng karatig-pook. Nakatulong din ang angkop na musika ng dekada 90.
Natural ang pagrerebelde ng kabataan, pero sa kaso ni Kenji, tumindi ito dahil sa kawalan ng pagmamahal ng mga magulang. Uhaw sa pagmamahal, handa siyang gawin ang lahat magkabalikan lang sila ni Abigail, kahit na pilitin si Athena na magkunwaring kasintahan niya. Naipakita ng direktor ang “adolescent angst” at ang paglalim ng pagiging magkaibigan at pagmamahalan ni Kenji at Athena na hindi kinasangkapan ang sex. Sa pelikula, pinatunayan din ni Athena ang katapangan hindi lang sa kanyang pamumuhay ng normal sa kabila ng malalang karamdaman, kundi sa pagpaparaya alang-alang sa iba. Isang anggulo ng pagmamahal ang malakas na isinisigaw ng pelikula—walang pag-ibig na walang sakripisyo. At ang pinaka-malaking sakripisyo ay ang kalimutan ang sarili para sa minamahal. Pero hindi kailangang mabuhay sa takot. Sapagkat sabi nga ni Athena: “Pagmamahal at hindi takot ang nagbibigay-buhay.” Naalala ko tuloy ang isang awitin ni Barry Manilow na nagsasabing: “Letting go is just another way to say I'll always love you so.” Kay gandang makita sa pinilakang tabing na magagawa ng kabataan ang magmahal nang dakila at tapat, magparaya at magmalasakit, magpatawad at magpakatatag.
Sabi ng isang kabataang nakausap ko, “Parang hindi naman makatotohanan yung magpaparaya sila. Wala nang gumagawa ng ganun ngayon eh. Kapag in-love ka, siyempre gusto mo ikaw ang masaya, hindi ba?” Siguro, dahil bihirang makita ang pag-ibig na walang pag-iimbot sa telebisyon at pelikula, akala ng marami ay imposible at hindi totoo ito. Umabot na sa PhP130M ang kita sa box office ng pelikula sa unang linggo pa lamang. Hindi kaya pagpapatunay ito na maliban sa katanyagan ng mga nagsiganap, pinahahalagahan ng manonood ang panunumbalik ng genuine values sa pelikulang Pilipino?