Thursday, August 7, 2014

Trophy wife


Lead cast: Cristine Reyes, Heart Evangelista, Derek Ramsay, John Estrada; Direction: Andoy Ranay; Screenplay: Keiko Aquino; Editing: GeorgeJarlego; Cinematography: Lee Briones-Meily Producer: Vic del Rosario III; Music: Teresa Barronzo; Location: Metro Manila; Genre: Drama-Suspense Distributor: Viva Films

Technical Assessment:  2 Moral Assessment: 1.5
MTRCB rating: R13     CINEMA rating:  V18

       Ang tanging ambisyon ni Lani (Reyes) ay makatuntong sa Amerika at makilala ang kanyang sundalong ama at magkaroon ng mas magandang buhay. Kaya lahat ng paraan ay kanyang ginagawa, pati ang pakikipagmabutihan sa mga lalaking may kakayahang dalhin siya sa ibang bansa. Kaya naman napakadaling nahulog ng kanyang loob kay Chino (Ramsey), isang spoiled brat na playboy. Pero dahil sa isang tunggalian sa anak ng maimpluwensyang mayor, mapipilitan si Chino na magtago sa Amerika kaagad-agad. Pero buntis si Lani at susubukan niyang humingi ng tulong kay Sammy (Estrada), matandang kapatid ni Chino. Subalit malupit si Sammy at bubundulin si Lani na magiging sanhi ng pagkalaglag ng kanyang dinadala. Sa labis na galit, gagawa si Lani ng paraan para iangat ang sarili upang makapaghiganti sa magkapatid. Makakasalamuha niya ang mga mayayaman at sa isang okasyon makakatagpo niya si Sammy na lubos na maaakit sa kanya. Samantala, sa Amerika, mahuhulog ang loob ni Chino kay Gwen (Evangelista) at papakasalan ito. Uuwi sa Pilipinas ang magkabiyak para makilala ang bagong asawa ni Sammy at laking gulat ni Chino nang madatnan niya ang labis na nagbagong Lani. Sa pagdaan ng araw, lahat ng paraan ay ginagawa ni Lani para maakit si Chino sa kanya at masira ang relasyon nila ni Gwen habang unti-unting nabubunyag ang mga nakatagong lihim at motibo.
       May maganda sanang balangkas ang Trophy Wife kung naisulong lamang ang pagbuo ng kwento nito sa halip na binigyang-tuon ang paghuhubad at mga eksena ng pagtatalik na wala namang naidagdag sa kwento. Malaki ang pagkukulang ng direktor na maipalabas ang misteryo at poot sa likod ng katauhan ni Lani dahil pinili nitong maya’t mayang itambad ang katawan ni Reyes kaysa sa paghusayin ang pagkwekwento. Para tuloy isang pamamasyal sa buwan ang pelikula—malubak at punong-puno ng butas: kaya naman pala ni Lani na iangat ang saril, bakit hindi pa niya ginawa nuong una e ang tindi naman ng ambisyon niya? Bakit bigla na lamang sumulpot sa eksena si Gwen gayon malapit daw sila sa isa’t isa nuong mga bata pa sila? Papaano nagka-usap muli sina Lani at Gwen? Kung iisa-isahin natin ang paglilinaw sa pagsasalaysay ay kukulangin ang nakalaang puwang sa pagsusulat ng reaksyon. Ang walang kalatuy-latoy na mga usapan ay lalo pang napasama ng walang kabuhay-buhay na pagganap ni Reyes at Evangelista at mala-sarswelang atake ni Estrada.  Tanging sina Tongi at Fabregas  (gumanap na unang asawa at kaibigan ni Sammy) lamang ang nagkaroon ng makatotohanang atake sa kanilang mga papel. Salat na salat si Reyes sa kakayahang umarte. Iisa ang damdaming kayang ipahayag ng kanyang mukha at kilos—isang babaeng nilalapastangan ng industriya.  Kapag isinama pa ang kapabayaan sa produksyon tulad ng lulubog-lilitaw na puntong Kapampangan ni JackieLou nang nagalit siya kay Lani, o ang di-mawaring nagkulang na prosthetics sa kamay nito (kamay ba iyon o maruya?) o ang patalun-talong pagdaloy ng eksena at paglipat ng angulo, lalo lamang darami ang lubak at butas ng pelikula, hay naku!
       Walang nahihita sa paghihiganti gaano man kalaki ang atraso ng isang tao. Lagi, sa dulo, talo ang nagtatanim ng matinding poot at nagpapanukala ng masalimuot na paraan para sa ikababagsak ng kalaban. Ang mga pagsubok at dagok sa buhay ay dapat gamiting paraan upang buuing muli ang nawasak at pira-pirasong sarili, palakasin ito at ibangon hindi para sa nang-api kundi para maging kapaki-pakinabang ang buhay. Ang tema ng paghihiganti at pagsisimulang muli ang siya sanang tuon ng Trophy Wife pero tulad nang nabanggit, pinili na pahabain ang mga senswal na eksena. Marahas ang mga tema ng Trophy Wife: panlilinlang sa asawa, paggamit ng katawan para maghiganti, sabwatan at pang-aakit para makasakit, pagpatay at pagkasadista. Nakasama pang lalo na sa pagtatapos ng pelikula, ang mga may sala pa ang dali-daling binigyan ng “happy ending” sa halip na maipakita ang tunay na ibinunga ng kanilang maling pagpapasya.  Ganito lamang bang katapusan ang kailangan para makamtam ang rating na R13 ng MTRCB?  Walang matinong magulang ang papayag na mapanood ng trese-anyos nilang anak ang mga eksenang inihahain ng Trophy Wife.  Hindi kaigaya-igaya ang pelikula para sa bata man o matanda dahil sakit na nga sa ulo ang palpak nitong produksyon at kuwento, negatibo pa ang mga dala-dala nitong mensahe.