LEAD CAST: Zanjoe Marudo, Cristine Reyes, Arlene Muhlach, Nikki Valdez, Boom Labrusca, Manuel Chua, Joey Paras, Lassy Marquez DIRECTOR: Wenn Deramas PRODUCER: Star Cinema GENRE: Comedy RUNNING TIME: 110 minutes DISTRIBUTOR: Star Cinema & Skylight Films LOCATION: Philippines
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
MTRCB Rating: PG13
CINEMA Rating: V14
Simula
pagkabata ay hindi na tanggap ni Brando (Zanjoe Marudo) na bakla ang kakambal
niya na si Brandy (Zanjoe Marudo). Naging mahirap kay Brando ang pagiging ‘identical twin” nila
lalo na kapag siya ang napagkakamalan na binabae o di kaya naman ay
pagbintangan sya na nagpapanggap na bakla at makapagsamantala sa mga babae na
siyang madalas ay nagiging dahilan upang mapasubo siya sa gulo. Lumaki
siya na sinisisi ang kapatid sa lahat ng di magagandang nangyayari sa kanya
maliban sa pagiging daan nito upang makilala niya si Lisa (Christine Reyes).
Subalit magkakahiwalay din sila nito dahil sa mabagal na asenso ng buhay ni
Brando. Dahil dito ay magpapasya siyang magsarili at tuluyang lalayo sa
pamilya. Si Brandy (Zanjoe Marudo) naman ay magsisikap sa pag-aaral
at magiging isang matagumpay na “interior designer”. Lalaki siya na may tampo sa kakambal. Batid ito ng kanilang
ina kaya ng malaman niya ang kinaroroonan ni Brando ay papakiusapan niya si
Brandy na makipagkasundo siya at yayayain na ang kapatid upang mabuo uli ang pamilya
nila. Malalaman nila na nabaon sa utang si Brando at hirap sa negosyong “repair
shop” na itinayo nito. Hindi naman bibiguin ni Brandy ang ina. Pupuntahan at makikipagkasundo siya
rito, subalit tatanggihan ni Brando ang alok niya. Sa gitna ng tagpong ito ay sinamaang-palad na mahahagip ng
rumaragasang sasakyan si Brandy at magiging “comatose”. Pero bago tuluyang mawalan ng ulirat ay
makikiusap at magbibilin siya kay Brando na ipagpatuloy nya muna ang mga ginagawa
niya sa negosyo at sa pamilya hanggang sa gumaling siya. At magagampanan niya
lamang ito kung magpapanggap muna siya na Brandy. Sa delikadong sitwasyon
ni Brandy ay mananaig kay Brando ang pagiging kapatid kaya papayag siya. Pero
paano niya ito gagawin gayong maliban sa kanilang hitsura ay magkaiba na ang
lahat sa kanila ni Brandy?
Bakla
at nagpapanggap na bakla ang mga bida sa pelikulang Bromance, pero hindi tungkol sa kabaklaan ang tema nito. Kapansin-pansin ang naging trato na ito
ng direktor dahil lumutang ang mas seryosong tema ng pamilya at relasyon ng
magkapatid. Mahusay ang direksyon
sa paghahatid ng mensahe ng pelikula sa pinaghalong drama at pagpapatawa.
Tama lamang ang mga pag-arte ng mga nagsiganap. Nakitaan ng pagsisikap si Marudo na ibigay ang hinihingi ng
dalawang karakter na ginampanan niya lalo na bilang Brandy. Nakakaaliw ding
panoorin ang mga gumanap na batang Brandy. Nakatulong ang suporta na mga
totoong bakla sa cast lalo na sa
pagpapatawa. Epektibo ang mga “close-up shots” kay Marudo para ilapit ang
dalawang karakter sa mga manonood. Maayos ang “editing” at malinis na naihatid
ang mga sabay na eksena ng kambal. Akma lamang ang mga inilapat na musika at
tunog.
Ang
pamilya ay pangunahing sandigan ng isang tao kaya dapat pahalagahan ang
pagtanggap sa isa’t isa ng mga kasapi nito. Dito muntik na sumablay ang
karakter ni Brando na ginampanan ni Marudo. Sa halip na pang-unawa at
pagmamahal ang iniukol niya sa kakambal na binabae ay naging sarado siya sa
pagtanggap sa kalagayan nito. Napuno ng hinanakit at panibugho ang puso niya,
bagay na nagtulak sa kanya upang lumayo at tumalikod sa pamilya. Naging daan
ang ina sa pagkakasundo ng magkapatid. Kaligayahan ng sinumang magulang ang
makitang nagkakasundo ang mga anak. Samantala mga matatapat na kaibigan ang pinakita sa pelikula;
nakitaan sila ng malasakit, sakripisyo at suporta sa anumang sitwasyon meron
sila. Bihira ang mga ganitong
kaibigan na maituturing na yaman sa bahay. Sa kabuuan ay tumalakay ng magagandang aral sa buhay ang
pelikula katulad ng pagmamahalan sa pamilya, pagpapalago ng sarili upang
magtagumpay, pagtanggap sa pagkakamali at pagpapatawad, matapat na
pakikipagkaibigan, sakripisyo at pagmamahal.