Wednesday, May 8, 2013

The bride and the lover


Cast:   Lovi Poe, Jennilyn Mercado, Paulo Avelino  Director: Joel Lamangan  Genre:  Sex, Drama-Comedy  Location: Philippines

Technical Assessment:  3
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating:  V18
MTRCB Rating:  R-13

Umatras sa bonggang kasalan ang ‘bride’ na si Vivian (Lovi Poe) kasabay ng pagbubunyag niya ng iskandalo na kinasangkutan ng “groom” na si Philip (Paulo Avelino) at matalik na kaibigan na si Sheila (Jennilyn). Sa gitna ng sakit at kahihiyan ay hiwa-hiwalay na magbabyahe ang tatlo upang pansamantalang takasan ang sitwasyon at iiwanan sa kanilang pamilya at mga kaibigan ang pagharap sa publiko. Sa kanilang pagbabalik ay sisikapin nila na magpatuloy sa kani-kaniyang buhay ang tatlo. Maantala naman ng konti ang pagpapatuloy ni Philip dahil kinailangan niyang magpagaling ng  kanyang napilay na paa. Magpiprisinta si Sheila na alagaan si Philip at upang mabigyan na rin ng pagkakataon ang sarili na maipadama ng lubusan ang damdamin niya rito. Sa panahon ng pagpapagaling ni Philip sa piling ni Sheila ay tuluyan silang magsasama. Samantala nagulat ang lahat sa pagbabalik ni Vivian. Lubusang magbabago ang pagkatao nito—sa pananaw at pisikal na anyo. Mula sa simple ay magiging moderno at liberal sa pananalita at kilos na malayung-malayo sa dating Vivian na tumalikod sa kasal. Buong tapang niyang pananagutan ang mataas na posisyon sa kumpanya na pag-aari ng pamilya kasunod ng pagreretiro ng kanyang ama. Kasabay ng mga pangyayaring ito sa buhay ni Vivian ay kusa siyang makikipagbati kay Sheila sa pamamagitan ng pagtataguyod bilang sponsor sa magazine kung saan editor-in-chief ang matalik na kaibigan. Labis itong ikakatuwa ni Sheila sa kabila ng kundisyon ni Vivian na panatilihing lihim kay Philip ang pagbabati nila.  Sa parehong kundisyon na maglihim naman kay Sheila ay nakipagkasundo din si Vivian kay Philip. Sa kanilang pagbabati ay magpapahayag ng mga totoong damdamin at panghihinayang sa naputol na relasyon. Kasabay nito ay ang pagbibigay laya sa nararamdaman na pananabik sa isa’t isa. Hanggang saan naman kaya hahantong ang mga plano ni Vivian at ang pakikipagsabwatan nina Sheila at Philip na maglihiman tungkol sa nagbalik na ugnayan nila kay Vivian.
            Gasgas na kwento ng pag-aagawan sa lalaki ang pelikulang “The Bride and the Lover” na nilagyan ng magkahalong drama at pagpapatawa. Mahusay ang pag-arte ng mga nagsiganap lalo na si Poe at mga suportang artista.  Komportable sa mga eksena ng pagtatalik sina Poe, Mercado at Avelino. Gayundin ang nakakalibang na palitan ng mga linya lalo na ang voice over nina Poe at Mercado habang nagpapambuno bago matapos ang pelikula. Mainam ang ginawang motibasyon ng director sa pagpapalabas ng emosyon na hinihingi ng eksena. Naging maingat ang kuha ng camera sa madalas na mga maseselang eksena ng pagtatalik. Subalit kapuna-puna na may kahabaan ang mga eksenang sex na di naman kailangan. Maganda ang disenyo ng produksyon. Nakalilibang ang pagpapakita ng detalye ng mga okasyon tulad ng kasalan, mga tampok na parte at pag-aayos ng marangyang bahay, at mga tagpo sa mundo ng korporasyon. Tama lamang ang ginamit na ilaw at paglalapat ng tunog at musika. Nakatulong ito sa mga transisyon ng seryosong drama at patawa. Sa kabuuan ay kinakitaan ng pagsisikap ang produksyon na ayusin ang ibang teknikal na aspeto ng pelikula.
            Nakababahala ang mga isyung moral na tinalakay sa pelikula.  Ang seremonya ng kasal na sagrado at seryosong yugto sa buhay ng isang tao ay hindi iginalang. Kaydali itong talikuran, hilingin, iskandaluhin, muling talikuran na parang walang leksyon na natutunan. Pinakita sa pelikula na kung paano paglaruan ang mga damdamin. Parang mga walang isip na nakikipag-sex dahil gustong bigyang laya ang nararamdaman may pag-ibig man o wala. Kaswal lang ang paggamit ng droga o 'ecstasy' kahit alam nila ang dulot nito sa kanila na pwede silang mawala sa sarili. Sa kabila ng iskandalo ay parang balewala lang na magsama nang walang kasal ang mga kasangkot at di man lang kinumusta ang taong nasaktan nila.  Pawang mga propesyonal ang mga tauhan sa kuwento pero di ginamit ang mga isip para maging responsable sa mga kilos nila at itaas ang dignidad.  Kung yayakapin ng isang tao ang pagbabago, mainam na tungo ito sa pagtutuwid at lalong pagbibigay dignidad sa sarili, pero sa kaso ng tauhan ni Vivian sa pelikula ay naging matatag nga siya sa pagharap sa buhay pero naging mapaghiganti, mapaglaro at higit sa lahat naging parang bayarang babae na nakikipag-sex sa sinumang matipuhan niya.  Naging napakahirap ang magpatawad sa mga nagkamali at halos mabalewala na ang paghingi ng tawad. Sa bandang huli ay mananaig ng tatag ng pagkakaibigan subalit saglit lamang ito at tila kailangan lang tapusin ang istorya sa ganitong tagpo. Ang mas mahabang bahagi ng pelikula ay nagpapakita ng kaswal na pakikipagtalik, droga, paglalaro ng damdamin, paglilihim, paghihiganti gamit ang negosyo, at may agaw-eksena pang pagnanasa ng bakla sa kapwa lalaki. May maliit na eksena ng pagbibigay payo ng magulang pero di naman sinusunod ng mga anak.  Kung may aral man na inihahain ang pelikula ito ay hinog na isipan lamang ang makakakita.