Friday, May 24, 2013

Bromance


LEAD CAST: Zanjoe Marudo, Cristine Reyes, Arlene Muhlach, Nikki Valdez, Boom Labrusca, Manuel Chua, Joey Paras, Lassy Marquez DIRECTOR:  Wenn Deramas  PRODUCER:  Star Cinema  GENRE:  Comedy  RUNNING TIME: 110 minutes DISTRIBUTOR:  Star Cinema & Skylight Films  LOCATION:  Philippines

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
MTRCB Rating: PG13 
CINEMA Rating: V14

Simula pagkabata ay hindi na tanggap ni Brando (Zanjoe Marudo) na bakla ang kakambal niya na si Brandy (Zanjoe Marudo).  Naging mahirap kay Brando ang pagiging ‘identical twin” nila lalo na kapag siya ang napagkakamalan na binabae o di kaya naman ay pagbintangan sya na nagpapanggap na bakla at makapagsamantala sa mga babae na siyang madalas ay nagiging dahilan upang mapasubo siya sa gulo.  Lumaki siya na sinisisi ang kapatid sa lahat ng di magagandang nangyayari sa kanya maliban sa pagiging daan nito upang makilala niya si Lisa (Christine Reyes). Subalit magkakahiwalay din sila nito dahil sa mabagal na asenso ng buhay ni Brando.  Dahil dito ay magpapasya siyang magsarili at tuluyang lalayo sa pamilya.  Si Brandy (Zanjoe Marudo)  naman ay magsisikap sa pag-aaral at magiging isang matagumpay na “interior designer”.  Lalaki siya na may tampo sa kakambal. Batid ito ng kanilang ina kaya ng malaman niya ang kinaroroonan ni Brando ay papakiusapan niya si Brandy na makipagkasundo siya at yayayain na ang kapatid upang mabuo uli ang pamilya nila. Malalaman nila na nabaon sa utang si Brando at hirap sa negosyong “repair shop” na itinayo nito. Hindi naman bibiguin ni Brandy ang ina.  Pupuntahan at makikipagkasundo siya rito, subalit tatanggihan ni Brando ang alok niya.  Sa gitna ng tagpong ito ay sinamaang-palad na mahahagip ng rumaragasang sasakyan si Brandy at magiging “comatose”.  Pero bago tuluyang mawalan ng ulirat ay makikiusap at magbibilin siya kay Brando na ipagpatuloy nya muna ang mga ginagawa niya sa negosyo at sa pamilya hanggang sa gumaling siya. At magagampanan niya lamang ito kung magpapanggap muna siya na Brandy.  Sa delikadong sitwasyon ni Brandy ay mananaig kay Brando ang pagiging kapatid kaya papayag siya. Pero paano niya ito gagawin gayong maliban sa kanilang hitsura ay magkaiba na ang lahat sa kanila ni Brandy?

Bakla at nagpapanggap na bakla ang mga bida sa pelikulang Bromance, pero hindi tungkol sa kabaklaan ang tema nito.  Kapansin-pansin ang naging trato na ito ng direktor dahil lumutang ang mas seryosong tema ng pamilya at relasyon ng magkapatid.  Mahusay ang direksyon sa paghahatid ng mensahe ng pelikula sa pinaghalong drama at pagpapatawa.  Tama lamang ang mga pag-arte ng mga nagsiganap.  Nakitaan ng pagsisikap si Marudo na ibigay ang hinihingi ng dalawang karakter na ginampanan niya lalo na bilang Brandy. Nakakaaliw ding panoorin ang mga gumanap na batang Brandy. Nakatulong ang suporta na mga totoong bakla sa cast lalo na sa pagpapatawa. Epektibo ang mga “close-up shots” kay Marudo para ilapit ang dalawang karakter sa mga manonood. Maayos ang “editing” at malinis na naihatid ang mga sabay na eksena ng kambal. Akma lamang ang mga inilapat na musika at tunog.

Ang pamilya ay pangunahing sandigan ng isang tao kaya dapat pahalagahan ang pagtanggap sa isa’t isa ng mga kasapi nito. Dito muntik na sumablay ang karakter ni Brando na ginampanan ni Marudo. Sa halip na pang-unawa at pagmamahal ang iniukol niya sa kakambal na binabae ay naging sarado siya sa pagtanggap sa kalagayan nito. Napuno ng hinanakit at panibugho ang puso niya, bagay na nagtulak sa kanya upang lumayo at tumalikod sa pamilya. Naging daan ang ina sa pagkakasundo ng magkapatid. Kaligayahan ng sinumang magulang ang makitang nagkakasundo ang mga anak.  Samantala mga matatapat na kaibigan ang pinakita sa pelikula; nakitaan sila ng malasakit, sakripisyo at suporta sa anumang sitwasyon meron sila.  Bihira ang mga ganitong kaibigan na maituturing na yaman sa bahay.  Sa kabuuan ay tumalakay ng magagandang aral sa buhay ang pelikula katulad ng pagmamahalan sa pamilya, pagpapalago ng sarili upang magtagumpay, pagtanggap sa pagkakamali at pagpapatawad, matapat na pakikipagkaibigan, sakripisyo at pagmamahal.