LEAD
CAST: John
Lloyd Cruz, Sarah Geronimo, Isabelle Daza, Matet de Leon, Joross Gamboa, Guji
Lorenzana, Rowell Santiago, Gio Alvarez
DIRECTOR:
Cathy Garcia-Molina SCREENWRITER:
Carmi
Raymundo PRODUCER:
Charo Santos GENRE: Drama, Romance, Comedy RUNNING TIME: 120 minutes DISTRIBUTOR: Star Cinema & Viva Films LOCATION: Philippines
Technical
Assessment: 3.5
Moral
Assessment: 3.5
CINEMA
rating: V 14
MTRCB
rating: G
Malaki ang problema ni Miggy Montenegro (John
Lloyd Cruz), isang publisher ng kilalang magazine na nanganganib na masakop ng
ibang kumpanya kung hindi siya gagawa ng paraan. Ang tanging solusyon ay
hingin ang tulong ni Laida Magtalas (Sarah Geronimo), dati niyang kasintahan na
ngayo’y isa nang sophisticated at
mahusay na magazine editor sa New
York. Maaari ba silang magtrabaho nang magkasama ngayong ang bagong katipan si
Miggy na si Belle (Isabelle Diaz) ay makakasama din nila? Magtatagumpay ba
silang pagtulungan ang pagsalba sa magazine
ng mga Montenegro?
Ibinabalik ng It Takes a Man and a Woman ang tambalang Miggy Montenegro at Laida
Magtalas na nagpakilig sa maraming manonood noong 2008 sa pelikulang A Very Special Love at ang kasunod nitong You
Changed My Life noong 2009.
Parehong box office hits ang naturang
dalawang naunang pelikula at mukhang hindi pahuhuli ang final installment. Pagpapatunay na maganda ang ikot ng kuwento, kapani-paniwala
ang pagganap ng mga artista—lalu na ang mga kaibigan at kasama ni Laida sa
trabaho na tinaguriang Zoila and friends,
Hindi maitatatwa ang chemistry ng
dalawang nasa lead roles at dahil mga
characters na nakilala na ng mga
manonood sa naunang dalawang pelikula, madaling makapasok sa daloy ng kuwento.
Kuhang-kuha nila hindi lang ang kiliti ng manonood sa mga nakatutuwang eksena
kundi pati na rin ang simpatiya ng mga ito sa mga eksenang magpapatulo ng luha.
Mayroon ding mga one-liners na
siguradong uulit-ulitin ng mga nakapanood. Maayos din at angkop ang musika,
simple ang sinematograpiya, mahusay ang editing
at comedic timing. Sayang nga lang at
asiwa ang wig ni Laida at may ilang
dialogo na hindi maayos ang daloy—parang pilit at masyadong masalita. Maari
ding masabing may mga eksena na “corny” subalit ikinasiya naman ito ng ilan.
Ngunit higit sa mga teknikal na aspeto ng
pelikula, ipinapakita ng It Takes a Man
and a Woman na ang pagpapatawad
ay susi sa mabuting samahan hindi lang ng magkasintahan kundi sa pamilya at sa
trabaho din. Ito ang tunay na sukatan ng pagmamahalan. Ang dalawang
magkasintahan na nagkalayo ay natutong maging mabuti at ganap dahil sa pag-ako
sa pagkakamali, paghingi ng kapatawaran, at pagsisikap na magbago.
Kapuri-puri din ang pelikula dahil nagtagumpay
itong ipakita ang pagmamahalan ni Miggy at Laida nang hindi ginagamit ang pre-marital sex. Naipakita rin nito ang
tunay na sukatan ng tagumpay sa buhay. Dahil sa tema ng pelikula (na sa titulo
pa lang ay halata na) iminumungkahi ng CINEMA ang pelikula para sa mga manonood
na may edad 14-taon pataas.