Cast: Marco Alcaraz, Paloma, Victor Neri; Director: Gil Portes; Screenwriter: Eric Ramos; Genre: Drama; Distributor: ALV Entertainment; Location: Manila; Running Time: 100 minutes;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above
Si Angelo (Marco Alcaraz) ay isang stuntman sa mga pelikula ng kanyang idol na si FPJ. Simula ng mamatay ang huli, humina na ang kita ni Angelo dahil wala nang gumagawa ng pelikulang action. Hindi rin masyadong sinusuwerte si Angleo sa mga audition para sa pelikula kung kaya’t wala siyang maipangtustos sa kanyang asawang si Kara (Paloma) at isang anak na iniwan sa probinsiya. Minsang mangungutang siya sa isang Uncle na dating kasamahan ng kanyang tatay sa trabaho ay makakapulot si Angelo ng isang bag na puno ng pera na umaabot ng sampung milyon. Naisip niyang ito na ang kanyang swerte kung kaya’t dali-dali niyang inilipat ang pera sa kanyang bag. Malalaman niyang ang pera pala ay nahulog galing sa sasakyan ng mga nagnakaw sa isang bangko. Ang malaking pang problema ay naiwan niya ang kanyang wallet kung saan niya napulot ang pera. Nasa panganib ang buhay niya pero ipagsasaalang-alang kaya niya ito para sa inaakala niyang suwerte na babago sa buhay at kinabukasan ng kanyang pamilya?
Maganda sana ang kuwentong nais iparating ng Pitik Bulag. Maraming bagong elemento sa paglalahad ng istorya ang makikita sa pelikula. Kaiga-igaya ang paggamit ng pelikulang Pilipino bilang kalugaran ng kuwento. Maihahantulad nga naman ng buhay natin sa isang artista na pilit hinahanap ang kinang ng bituin. Ngunit malaking palpak ang napakarami ring butas sa kabuuan ng pelikula. Ang mga ginawang insidente ay pawang nakaugat sa katangahan. Maging ang maraming imposibleng eksena ay pawang kamangmangan pa rin ang inspirasyon. Wala rin gaanong mararamdaman sa pag-arte ng mga tauhan. May ibubuga pa sana sila kung nabigyan pa ng mas malaman na kuwento at diyalogo. May ilang parte naman sa pelikula at ilang linya na nakakaaliw pero sa kabuuan ay nakakabagot ang malabis na kapalpakan. Maging ang ilang eksena ng paghuhubad ay pawang mga hindi kailangan sa kuwento at nakasira lamang sa kabuuan nito.
Ano nga ba ang gagawin mo sakaling makapulot ka ng malaking pera na maaring bumago sa buhay mo at ng pamilya mo? Ito ang nagsusumigaw na tanong sa Pitik Bulag. Kailan nga ba nagiging tunay na marumi ang pera? Kapag ito’y ninakaw lamang? Paano kung ito ay kusang dumating sa iyo ng hindi mo inaasahan? Sa kabilang banda, pinag-isip ng pelikula ang mga manonood kung ano nga ba ang nararapat gawin sakaling maharap sa ganitong uri ng sitwasyon. Dalisay ang puso ni Kara na ninais ipamahagi ang pera sa iba lalo na sa mga pamilya ng biktima ng pamamaslang ng mga magnanakaw ng pera. Si Kara rin ang nagsilbing kunsensiya ni Angelo sa kung ano ang tama at hindi tamang gawin sa perang napulot nito. Nalagay rin sa alanganin ang buhay nila Angelo dahil sa pag-angkin nila sa pera. Tunay na hindi dapat angkinin ang anumang hndi sa atin lalo ang perang hindi pinaghirapan at galing sa masama. Pero nakababahala pa ring palabasing isang bayani ang isang taong madaling masilaw ng salapi. Si Angelo ay kitang likas rin ang katamaran na umaasa lamang sa suwerte. Ang ituring na kabayanihan ang kanyang ginawa ay tunay na nakababahala. Higit sa lahat, nakababahala ang maraming eksena ng hubaran sa pelikula. Nariyan pa ang lesbianismo at homosekwalidad na pawang walang kinalaman sa kuwento at halatang inilagay lamang para maging kontrobersiyal ang pelikula. May ilang karahasan din sa pelikula na nararapat lamang sa mga manonood 18 gulang pataas.