Cast: Geoff Eigenmann, Jake Cuenca, Maja Salvador, Shaina Magdayao; Director: Rico Maria Ilarde; Producer: Marizel Samson-Martinez; Screenwriters: Joel Mercado, Rico Maria Ilarde, Adolfo Alix, Jr., John Paul Abellera; Music: Malek Lopez; Editor: Renewin Alano; Genre: Horror; Distributor: Star Cinema; Location: Manila, Batangas; Running Time: 90 min;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Napadpad ang magkakabata at dating magkasintahan na sina Anna (Shaina) at Alex (Jake) sa Villa Estrella, isang lumang resort na pag-aari ng pamilya nina Anna at pinag-iisipan na i-renovate upang muling pagkakitaan. Labag sa kalooban ni Anna ang pagsama kay Alex dahil may bago na siyang kasintahan, pero kagustuhan ng kanyang ama na sumama siya at ayaw niya itong suwayin. Kinailangan nilang manatili ng isang gabi para matapos ang mga dapat asikasuhin at makapag-usap sina Anna at Alex upang maibalik ang relasyon katulad ng nais ng kanilang mga magulang. Samantala si Anna ay matagal ng binabagabag ng masamang panaginip tungkol sa babaeng nalulunod sa swimming pool at tumindi ang epekto nito sa kanya sa pananatili niya sa lumang resort. Maliban kay Alex ay nakapagpayapa naman kay Anna ang ibang tao na nadatnan niya sa Villa kasama na si Giselle or Andrea (Maja) na isa palang multo at siya lang ang nakakita. Ang sandaling pananatili ni Anna sa Villa ay napuno ng takot dahil sa mga kakaibang kaganapan na nakakabagabag kaya nagpasundo siya sa kanyang nobyo na si Dennis (Geoff). Ano ang kaugnayan ng multong si Andrea sa mga nangyayari at ano ang pakay niya kay Anna?
Hilaw ang kuwento at puno ng katanungan kung paano nagkaroon ng mga kaganapan na ipinakita sa pelikula. Sinabayan pa ng hilaw na pag-arte ng mga pangunahing tauhan. Subalit bumawi ang mahinang kuwento at pag-arte ng mahusay na paglalapat na tunog, musika, pangkalahatang disensyo ng produksyon at ilang special effects lalo na ang make-up ng batang nagmumulto. Malaki ang naitulong ng mga nasabing teknikal na aspeto ng pelikula upang magkaroon ito ng saysay. Walang tipikal na sigawan ng takot subalit tagumpay ang direktor sa paghahatid ng mga eksenang nakakagulat tulad ng paglitaw ng mga imahe ng multo bagamat madaling malaman ng manonood kung kelan ito mangyayari. Sa kabuuan ay nakitaan ng pagsisikap ang gumawa ng pelikula na tutukan ang aspetong teknikal. Ganon pa man ay nakakahinayang na hindi masyadong tinutukan ang pag-aayos ng daloy ng kwento na sa kalaunan ay siyang higit na tumitimo at nagmamarka sa isipan ng manonood.
Higit sa lahat, ang buhay ng tao ay mahalaga at dapat proteksyunan. Hindi naging sensitibo ang pelikulang "Villa Estrella" sa pagpapahalagang ito. Sa halip ay ipinakita nito na isang mapaniil na ama ang pinagtiisang pakisamahan at sundin ng anak dahil sa habilin ng namayapang ina. Isang anak na nagpakabulag sa katotohanan ay umayon na ibaon sa limot at itikom ang bibig tungkol sa nasaksihan krimen na ginawa ng ama. Nagwakas ang pelikula na matagumpay sa paghihiganti ang mga ligalig na kaluluwa at pare-parehong nagbuwis ng buhay ang mga inosente at responsableng tao sa krimen. Maliban sa saglit na eksena ng paghingi ng tawad ng ama bago malagutan ng hininga na halos di napansin ay wala ng kaliwanagan o inspirasyon man lamang na inihatid ang pelikula. Sa kabuuan ay nakababahala ang naging wakas ng pelikula dahil di naging payapa ang kaluluwa sa kabila ng mga buhay na nawala.