Cast: Judy Ann Santos, Ogie Alcasid, Roderick Paulate, Carmi Martin, Manilyn Reynes, Nova Villa, John Prats, Jon Avila; Director: Dante Nico Garcia; Producer: Lily Monteverde; Screenwriters: Tanya Bautista, Dante Nico Garcia, Jose Garlitos, Raymond Lee; Music: Von de Guzman; Editor: Danny Anonuevo; Cinematography: Odyssey Flores; Distributor: Regal Films; Location: Philippines; Running Time: 105 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Isang malalim na pagkakaibigan ang nabuo sa mga ulilang sina Biboy (Ogie Alcacid) at Opao (Judy Ann Santos) noong sila ay magkasama sa bahay ampunan. Nang ampunin ng isang palaos nang artista (Carmi Martin) si Opao, ay hindi na ito muling nakita ni Biboy. Lilipas ang maraming taon pero hindi pa rin makalimutan ni Biboy si Opao. Buong buhay niya’y wala siyang ginawa kundi isipin si Opao at hanapin kung nasaan ito. Sa wakas ay kanyang matatanto na si Opao ay si Darling na ngayon – ang pinakasikat na artista ng kasalukuyang henerasyon. Palibhasa’y walang yaman o kasikatan na maipagmamalaki, mahihirapan si Biboy na magpakilala o makalapit man lang kay Darling. Minsang sinundan ni Biboy ang shooting ng ginagawang patalastas ni Darling ay nangailangan ng ekstra makakasama ni Darling. Ngunit ang hinahanap na ekstra ay dapat isang matandang babae. Sa tulong ni Bob (John Pratts), magbibihis at mag-aayos si Biboy na parang isang matandang babae. Makukuha si Biboy na ekstra sa patalastas ni Darling at magsisimula na siyang makalapit dito. Mas lalo pa siyang mapapalapit kay Darling nang mangailangan ito ng personal na alalay. Subalit gustuhin man ni Biboy na magpakilala kay Darling ay mahihirapan siya sapagkat ang pakikilala niya dito ay isa siyang babae. Magkaroon pa kaya siya ng lakas ng loob na aminin kay Opao/ Darling na siya si Biboy?
Sa biglang tingin ay aakalain na isang matinong katatawanan ang Oh My Girl dahil sa mga bigatin nitong mga artista at de-kalibreng mga manunulat at direktor na kinikilalang magagaling sa industriya. Ngunit isang malaking kabiguan ang pelikula. Nabigo itong magbigay ng bagong bihis sa isang lumang kuwento ng pagkakaibigan at pag-ibig. Bigo itong magbigay ng kilig dahil walang dating ang tambalan ng dalawang pangunahing tauhan. Lalo pa itong nabigong patawahin ang manonood dahil lumabas na pilit ang pagpapatawa at hilaw ang mga ginamit nitong pangkiliti. Sayang kahit pawang ginaya sa pelikulang banyaga ang konsepto ng Oh My Girl, ay mukhang maganda naman ang intensiyon nitong bigyan ng panibagong putahe ang Pinoy comedy ngunit ang kinalabasan ay parang minadali na lamang nila ang pelikula at hindi na gaanong pinagtuunan ng pansin ang kaledad. At higit na nasayang ang galing ng mga artistang nagsiganap. Anumang talino nila sa pag-arte ay hindi nagsagip sa malabis na kakulangan sa kuwento ng pelikula.
Isang kuwento ng wagas na pag-ibig ang Oh My Girl. Isang pag-iibigang nakaugat sa pagkakaibigan at hindi nagbago sa paglipas ng panahon. Maganda ang mensaheng ito ng pelikula ngunit dapat pagtunuunan ng pansin ang ilang naging paraan ng pangunahing tauhan na si Biboy upang makalapit kay Opao. Nagbihis at nagpanggap siyang babae para lamang mapalapit sa isang dating kababata. Nakakabahala ang ganitong pamamaraan ng pakikipaglaban alang-alang sa pag-ibig dahil bali-baligtaran man, isang matinding panloloko ito at pananamantala sa pagtitiwala ng isang tao. Naging malabis din ang isteryotipikal na paglalarawan sa mga matatanda, pangit, bakla, tomboy, mga alalay, starlets at bisaya. Sa mga aspetong ito, dapat gabayan ang mga batang manonood sapagkat maari nilang tularan ang kanilang mapapanood at maari nilang isiping ito ang tamang pagtrato sa mga taong pawang saliwa ang pagtingin ng lipunan. Nakakabahala rin na tila hindi man lamang nagkaron ng utang na loob ang dalawang pangunahing tauhan sa mga institusyong kumupkop at kumalinga sa kanila. Pinalalabas ba ng pelikula na ang mga bahay-ampunan sa halip na maging bahay-kalinga ay nagiging kulungan kung saan ang mga naririto'y walang ibang kaligtasan kundi ang pagtakas? Ipinakita pa naman nilang isa sa mga bahay-ampunan na ito ay pagmamay-ari ng isang relihiyosong kongregasyon. Masamang larawan ito para sa Simbahan na nagnanais lamang makagawa ng kabutihan sa lipunang labis ang kahirapan. Sa halip rin na pasasalamat ang isukli ni Opao/ Darling sa pagkupkop sa kanya, panay sama ng loob pa ang ibinubulalas nito sa tuwing mauungkat ang kanyang buhay.