Cast: Jinggoy Estrada, Richard Gomez, Iza Calzado, Ryan Eigenmann, Alfred Gatchialian, Glaiza de Castro, Snooky Serna, Emilio Garcia; Director: Mel Chionglo; Producer: APT Productions; Screenwriter: Ricky Lee; Location: Manila; Running Time: 100 min.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Si Arnie (Jinggoy Estrada) ay isang batikang komentarista sa radyo na laging pinupunterya ng batikos ang Mayor (Emilio Garcia) na dati niyang kababata. Dahil dito, ipinag-utos ng Mayor na bantayan ang bawat kilos ni Arnie at inatasan niya ang mga tauhan niyang sina Ramon (Richard Gomez) at Caloy (Ryan Eigenmann) na gawin ito. Ngunit si Ramon ay may matinding pinagdaraanan – duda siyang may ibang lalaki ang kanyang asawa (Iza Calzado) at nais niyang malaman kung tama ang kanyang kutob. Habang sinusundan nila si Arnie ay mamatyagan din niya ang kanyang asawa. Sa kabilang dako naman ay sinusundan ng ibang grupo ang isang student leader na aktibista (Alfred Gatchialian) na malapit nang malaman ang susi sa pagkawala ng ilang aktibista at saksi sa anomalya. Higit na magpapalala pa sa kanyang sitwasyon ay pagbubuntis ng kanyang nobya (Glaiza de Castro) ngayong nakakatanggap siya ng maraming banta sa kanyang buhay. Paano nga ba mabubuhay ng payapa at tahimik sa isang lipunang kayang matyagan ng ibang tao ang bawat mong kilos at galaw?
Isang mapangahas na pelikula ang Bente. Tumatalakay ito ng isang matinding isyung panlipunan: ang kawalang hustisya sa pagkawala at pagkamatay ng mga taong kumakalaban sa gobyerno at ipinaglalaban ang katarungan at karapatan ng mahihina sa lipunan. Sa kabila ng maraming tauhan, nagawa ng pelikulang paigtingin ang mensahe nito ukol sa lumalalang karahasan. Mahusay ang pagkakasulat at ang direksyon. Maging ang pag-arte ng mga tauhan ay tamang-tama rin. Sayang nga lang at maraming bagay ang hindi malinaw sa kuwento, gaya ng kanino ba talaga ang kabuuan ng istorya? At sa bandang huli’y hindi malaman kung ano na nga ba ang patutunguhan ng isang lipunang namamayani ang kawalang-katarungan? Wala ring malinaw na solusyon na inihain at pawang naubos ang oras ng pelikula sa napakahabang habulan na maari namang mapaikli at nagdagdag pa sana ng mas maliwanag na resolusyon. Resulta tuloy ay walang masyadong bigat ng damdamin na mararamdaman ang manonood na siya na sanang magpapasiklab at gigising sa natutulog sa diwa at kamalayan para sa bayan.
Bente pesos na nga lang ba ang halaga ng buhay ng tao ngayon? Ito ang mensaheng nais iparating ng pelikula. Gaano pa nga ba kahalaga ang buhay ng isang tao at saan at paano nga ba ito nasusukat? Wala sa haba ng buhay kundi sa kung paano ka nabuhay at kung paano mo ipinaglaban ang iyong mga prinsipyo. Hindi kailanman magiging tama ang karahasan at hindi rin ito ang solusyon sa anumang problema, maging sa pamilya man o panlipunan. Ito ang nais iparating ng kabuuan ng pelikula. Ang nabubuhay sa bala ay sa bala rin mamamatay. Nakakabahala nga lang na wala ng kapayapaan ang buhay ng mga tao ngayon at ang kalayaan sa pamamahayag ay lagi na lamang may kaakibat na panganib. Yun nga lang, pawang hindi napahalagahan sa pelikula ang buhay ispritwal kahit pa hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan kung gaano katindi ang suporta ng simbahan sa mga usapin ng lipunan tulad ng kawalang katarungan at karahasan. Nakababahala rin kung paanong naging katanggap-tanggap na ang pagbubuntis sa labas ng kasal. Sa aspetong ito, dapat gabayan ang mga batang manonood. Ang pakikiapid naman ay inilagay sa konteksto ng karahasan kung kaya’t maliwanag na hindi ito kinukunsinte. Sadyang wala lang mapuntahan ang karakter na nakiapid at hindi siya basta makatakas sa kanyang sitwasyon. Sa huli nama’y walang nananalo sa karahasan at kasamaan.