Cast: Ronnie Lazaro, Yul Servo, Timothy Mabalot, Rhea Medina; Director: Tara Illenberger; Screenwriter: Tara Illenberger; Editor: Fiona Borres, Tara Illenberger; Genre: Drama; Distributor: Bonfire Productions/ Cinemalaya; Location: Mindoro; Running Time: 110 minutes;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Sina Adag (Timothy Mabalot) at Bayang (Rhea Medina) ay dalawang batang Mangyan na nagbalak bumaba ng bundok at pumunta sa bayan nang may kani-kaniyang dahilan. Gusto ni Adag na makabili ng gamot para sa kanyang nakababatang kapatid samantalang si Bayang naman ay balak hanapin ang nawawalang kuya na hindi na bumalik matapos magpaalam na pupunta ng bayan. Upang makalikom ng panggastos ay nag-brutus sila sa mga illegal loggers kung saan ay mambubulabog sila ng mga troso at ilalakbay sa ilog gamit lamang ang kanilang balsa. Sa kanilang paglalakbay ay aanurin ang kanilang balsa dahil sa sama ng panahon. Sa kanilang pagkakaligaw sa gitna ng gubat ay makikilala nila ang isang grupo ng mga sundalo sa pamumuno ng isang sarhento (Ronnie Lazaro) na aakalin nilang dadakip sa kanila. Bagama’t mapapalapit sa kanila si Sarhento ay tatakasan pa rin nila ito. Dito naman nila makikilala si Carlito (Yul Servo) na isa palang rebelde na pinaghahanap ng militar. Maiipit sa gitna ng laban ng militar at rebelde sina Adag at Bayang habang namumulat ang kanilang mata’t isipan sa maraming katotohanan sa kanilang paligid.
Payak ang pagkakagawa ng Brutus: Ang Paglalakbay. Ngunit sa kabila na kapayakan nito ay lumutang ang tunay na yaman at diwa at pelikula. Ang lahat ng nagsiganap ay mahuhusay. Ang dalawang batang hindi kilala ay nagbigay ng natural na pag-ganap, tuloy nagmukhang dokumentaryo ang pelikula. Ipinamamalas nito ang hindi na karaniwang napapanood ng mga tao: ang buhay ng mga katutubo. Naipakita rin sa pelikula ang matulaing bulubundukin at ilog ng Mindoro, kasama na ang mayamang kultura ng mga Mangyan. Maayos ang daloy ng kuwento na bagama’t may kabagalan sa simula ay nagawa namang bawiin sa gitna hanggang wakas. Malalim ang karakterisasyon at malinaw ang pinaghuhugutan ng bawat karakter. Sa kanilang paglalakbay ay maihahatid ang manonood sa isang mundong bihirang silipin at sa payak na pamumuhay na talaga namang hitik sa puso at damdamin.
Mayaman din sa mensahe ng kabutihang-asal ang pelikula. Ipinakita sa mata ng dalawang inosenteng bata kung paanong ang kalikasan at mga katutubo ay nilalapastangan. Pati ang walang hanggang suliranin ng digmaan at kapayapaan ay tinalakay din nang walang kinikilingan. Tunay ngang sinira na ng modernisasyon hindi lamang ang kalikasan kundi pati na ang mayayamang kultura ng ating mga kapatid na katutubo. Sa una’y nakabahala kung paanong ang mga bata ay natututong gumawa ng bagay na labag sa batas, ngunit malinaw ang mensahe ng pelikula na hindi ito tama. Dahil sa pelikula ay mamumulat ang kaisipan ng mga manonood kung gaanong kalalang problema ang idinudulot ng ilegal na pagto-troso. Ang pagsira sa likas na yaman ay pagsira na rin sa buhay ng mga tao. Hitik din sa puso ang pelikula ukol sa kasalukuyang kalagayan ng ating mga katutubo na pawang nawaglit na sa kamalayan ng gobyerno at lipunang abala sa pagpapayaman at pagpapayabong ng sariling interes. Sa usapin naman ng mga rebelde ay walang pinanigan ang pelikula. Ang sinumang nagkasala sa batas ay dapat maparusahan ngunit ipinakikita rin sa Brutus kung ano ang maaaring tunay na damdamin at saloobin ng mga rebelde. Tao rin silang nagmamalasakit sa kapwa bagama’t iba ang kanilang naging paraan. Sa gitna rin ng kanilang gulo ay maraming inosenteng buhay ang nadadamay. Higit sa lahat, malinaw ang mensahe ng pelikula ukol sa pagmamahal sa pamilya at kaibigan—ito ay hindi matatawaran at makakayang tumbasan ng kahit na anong yaman. Mawala man at malapastangan ang lahat ay mananatiling masaya ang buhay kung may pamilya at mga kaibigan na handang magmahal at magmalasakit.