Cast: Piolo Pascual, Rosanna Roces, Jay Manalo, Alesandra de Rossi, Angelica Panganiban, Jiro Manio, Anita Linda; Director: Adolfo Alix, Jr., Raya Martin; Screenwriters: Adolfo Alix, Jr., Raya Martin; Genre: Drama; Cinematography: ; Distributor: Star Cinema; Location: Manila; Running Time: 90 mins;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Dalawang kuwentong hango mula sa mga obra nina Ishmael Bernal at Lino Brocka, ang unang kuwento ay tungkol sa isang drug addict na si William (Piolo Pascual) na gagala-gala sa kalye ng Maynila, tila may kung anong hinahanap sa kawalan. Ito’y sa kabila ng pag-aalala ng ina niyang si Charito (Rosanna Roces) kung nasaan na siya. Sa kalye rin ng Maynila magsasanga-sanga ang ilan pang mga taong may kinalaman sa buhay ni William at sa pagkakalulong niya sa droga. Ang ikalawang kuwento naman ay tungkol sa isang bodyguard na si Philip (Piolo Pascual) na naninilbihan kay Barry (Jay Manalo) anak ng isang Congressman ng Maynila. Tapat ang paglilingkod ni Philip kay Barry sa pag-aakalang parang kapatid ang turing nito sa kanya. Ang katapatang ito ay masusubukan nang maka-enkuwentro ni Barry ang isang dating karibal. Makakapatay si Philip sa pagtatanggol kay Barry at dito niya mapatutunayan ang kawalang-saysay ng kanyang katapatan sa isang among tau-tauhan lamang ang turing sa kanya.
Masarap balikan ang ilang obra ng mga batikang Pilipinong direktor na naglagay sa Pilipinas sa mapa ng pandaigdigang sining. Ang mga pelikulang pinaghanguan ng Manila ay talaga namang maituturing na klasiko at nararapat lamang bigyan ng kaukulang paggalang. Maganda ang intensiyon ng Manila ngunit nagkulang ito sa akmang sinseridad na hinihinling ng kuwento. Sa halip na mapalutang pang lalo sa kasalukuyang panahon ang dalawang piling obra, ay lalo pang napalabo ang mensahe nito. Sayang at pawang magagaling pa naman ang mga nagsiganap. Maganda rin at mahusay ang kuha ng kamera pati na ang pag-iilaw. Hindi rin masyadong problema ang editing. Marahil ang tunay na problema ay ang kaiksian ng oras na inilaan nila para sa kabuuan ng pelikula. Pilit ipinagsiksikan sa iisang pelikula ang dalawang dapat sana’y malawak na istorya. Mahirap masundan ang emosyon sapagkat hindi malinaw ang pinanggagalingan ng bawat karakter. Sayang at malaki sana ang potensiyal ng pelikula na maihanay sa mga obrang pinaparangalan nito.
Isang masukal at malupit na gubat ang lungsod ng Maynila. Ito ang sinasabi ng pelikula. Ipinakita nito ang pinakamadidilim na kasuluksulukan ng Maynila. Ang dalawang magkaibang pangunahing tauhan ay sumisimbolo sa dalawang uri ng tao Maynila. Isang nagpakalunod sa masamang bisyo upang makalimutan ang mga realidad ng siyudad at isang humaharap dito nang buong katapatan sa pag-aakalang ito’y masusuklian ng kaginhawahan. Anu’t-anupaman, sina William at Philip ay larawan ng kadiliman at kawalang-pag-asa sa isang siyudad na siya sanang kakalinga sa mga tulad nila. Kung tutuusin ang kuwento ay nagpakita lamang ng isang parte ng mukha ng Maynila: ang kasamaan at kadiliman nito. Malinaw naman ang itensiyong ito ng pelikula. Hindi nga naman interesado ang mga manonood sa maganda, mapayapa at maaliwalas na buhay. Maaring tunay ang mga ipinakitang larawan ng Manila ngunit pawang hindi malinaw ang nais nitong iparating at kung anong klaseng imahe ng Maynila ang nais nilang ipakita sa ating mga kababayan at maging sa mga dayuhang manonood. Kung puros kawalan ng pag-asa at kabukutan ang ating makikita, ano nga ba ang nararapat na gawin? Marahil sinasabi rin ng pelikula na bawat isa sa atin ay may pananagutansa mga katulad nina William at Philip. Hindi lamang sila ang may kagagawan ng kung anong kapalaran nagkaroon sila. Malinaw na ang mismong lipunang kanilang ginagalawan ang nagtulak sa kanila sa maling landas. Dapat gabayan ang mga batang manonood upang maipaliwanag ito ng husto, kung hindi’y maitatanim sa kanilang isipan na ang Maynila ay isang malupit na siyudad sa mga mahihirap at walang lakas. Maaring ito nga ay totoong nangyayari ngunit dapat sana’y magpakita man lang ng kahit na isang kislap na pag-asa ang pelikula upang makapaghimok ng mga natutulog na damdaming makabayan.