CAST: Jean Garcia, Rocco Nacino, Paulo Avelino DIRECTOR: Alvin Yapan. SCREENPLAY: Alvin Yapan; GENRE: Drama; LOCATION: Manila; RUNNING TIME:100 minutes
Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 2.5
Rating: For Viewers 14 years and above
Si Marlon (Paulo Avelino) ay may lihim na pagtingin sa kanyang guro sa Literatura na si Karen (Jean Garcia). Nang minsang subukin niya ito, malalaman niyang si Karen pala ay nagtuturo rin ng sayaw sa isang maliit na dance studio. Sa kagustuhang mapansin ng kanyang guro (na hindi niya magawa sa klase dahil hindi niya lubos na nauunawaan ang mga pinag-uusapang tula sa klase), maiisipan niyang mag-enroll sa dance class ni Karen. Ngunit upang makapag-pakitang gilas pa, magpapaturo muna siya sa kaklaseng si Dennis (Rocco Nacino) na nagtatrabaho naman kay Karen bilang assistant choreographer. Dito magsisimulang mabuo ang masalimuot na relasyon ng tatlo sa saliw ng sining ng tula, musika at sayaw.
Isang matapang na produksiyon ang Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa sa pagsusubok nito na isapelikula at pag-isahin ang iba’t-ibang sining upang makabuo ng obra na tatangkilin ng masang manonood. Sa simula’y tila dinadala ang manonood sa silid-aralan upang aralin at pag-usapan ang layon at anumang nais ipahiwatig ng iba’t-ibang tula na hango sa mga panulat ng ilang kilalang babaeng makata. Matagumpay na naihatid ng pelikula ang mensahe, gaano man ito kalalim at ka-komplikado. Simple ang kuwento ngunit pinaigting ito ng pag-iisang dibdib ng tula, sayaw at arte. Lumutang din ang husay ng mga tauhan na bagama’t bilang ang dayalogo ay mas marami namang sinabi ang mga mata nila at galaw. Dahil sa kanilang kahusayan, naiparating ang mensahe sa gitna ng mga patlang at katahimikan. Sa pagnanais nitong pasayawin sa indayog ng kuwento ang mga manonood, nagawa nitong dalhin sila sa direksiyon na kung saan hindi lamang basta manonood ang mga manonood kundi mapag-iisip din.
Sa kabila ng masining na pagkakagawa ng pelikula ay hindi maitatangging ang kalakip na mensahe nito ay ang pagsasabing ang sining ay likas na “amoral” o walang kinikilalang moral o imoral. Nakatutok ito sa estitiko, sa emosyon at hindi naka-angkla sa kung ano pa mang pagpapahalaga bukod sa pagpapahalaga sa kinikilala nilang “sining”. Ngunit maari pa ring maituring na katanggap-tanggap ang pelikula dahil nagawa nitong ihain ang mensahe ng hindi kinikiliti ang sensibilidad ng manonood. Hindi rin nito minamaliit ang lawak ng pang-unawa ng madla. Hindi ito nagpakita ng anumang kalaswaan sa kabila ng tema ng sekswalidad na ninais nitong talakayin. Hindi rin pinalangoy ng pelikula sa pagkakasala ang mga tauhan, bagkus, ang mga ito’y ginawa pa ring mga tauhang nag-iisip, marunong magnilay at tulad sa tunay na buhay, itinatawid ang mga suliranin at sumasayaw ng naaayon sa tugtugin. Kung minsa’y kontra-tiyempo, ngunit nagagawa pa ring itama ang mali. Binigyang dignidad ng pelikula ang karangalan ng isang guro, pati na rin ng mga makata, mga artista at mga mananayaw…sayang nga lang at hindi malinaw ang lugar ng Diyos na siyang tunay na may likha ng lahat ng sining at Siyang nagbibigay ng talento na nararapat lamang gamitin sa kabutihan at sa ikakalaganap ng Kanyang pagmamahal.