DIRECTOR: Francis “Jun” Posadas LEAD CAST: Jeorge Estregan (aka ER Ejercito), Sam Pinto PRODUCER: Jeorge Estregan STUDIOS: Scenema Concept International, Viva Films VISUAL EFFECTS: Erick Torrente CHOREORAPHER: Seng Ka Wee CINEMATOGRAPHER: Francis Ricardo Buhay III GENRE: Action LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 130 minutes
Technical assessment: 3 Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: V14
Si Lt. Jamal Razul (Jeorge Estregan Jr.) ay itatalaga
bilang undercover
agent na siyang mag-iimbestiga sa
sindikatong nasa likod ng pagdukot kay Ameerah (Sam Pinto), anak ng isang
maimpluwensiyang angkan na Muslim. Mailigligtas niya si Ameera mula sa
pagkakakidnap dito ngunit mapag-aalaman niyang hindi lang ito isang simpleng
kaso ng pagkidnap. May isang sindikato sa likod nito na may kinalaman din sa
away ng mga angkan ng mga Muslim. Sa likod din nito’y madidiskubre niyang may
kinalaman din ang ilang matataas na opisyal na kasama niya sa puwersang pulis
at militar na nagpapalaganap ng illegal
na pangangalakal ng armas upang magpatuloy ang kaguluhan sa Mindanao. At sa
gitna ng lahat ng ito ay nakasalalay ang buhay at kaligtasan ni Ameerah. Sino
ang maaring mapagkatiwalaan ni Razul upang tumulong sa kanila kung ang mismong
mga kasamahan niya ang siyang tunay na kalaban?
Ang
pelikula ay remake ng
dating pelikulang pinangunahan noon ng hari ng pelikulang Pilipino na si
Fernando Poe, Jr. Makabuluhan pa rin naman ang tema magpasahanggang ngayon ng Muslim
Magnum .357 at tunay namang malaking usapin
ang kapayapaan sa ating bansa lalo na kung nariyan ang usapin sa Mindanao at
mga kababayan nating Muslim. Sinubukan ng pelikula na muling buhayin ang nauna
nitong karisma at kakikitaan naman ang pelikula ng ambisyon. Maayos ang mga
kuha at maganda ang pag-iilaw. Si Estregan Jr. ay mahusay sa kanyang papel pati
na rin ang ilang mga batikan na tulad ni John Regala at Roi Vinzon. Ngunit
sadyang hindi maitatanggi ang maraming kahinaan ng pelikula lalo na sa
paglalahad ng kwento at pag-arte ng ilang pangunahing tauhan. Malamlam pa si
Pinto sa maraming aspeto maging ang ilang tauhan na gumanap sa iba’t-ibang
pangunahing papel. Marami ring tanong at butas sa kuwento tulad na lamang ng
maling pagsugod ng grupo ni Lt. Razul sa maling kalaban. Hindi rin maayos ang
hagod at daloy ng damdamin kung kaya’t walang epekto sa manonood ang mga
eksena. Masyadong mahahaba ang ilang eksenang hindi naman gasinong mahalaga sa
daloy ng kwento.
Ang
pelikula ay tumatalakay sa minimithing kapayapaan sa bansa lalo na’t mga
usaping may kinalaman sa mga Muslim. Sinubukan
din ng pelikula na ipakita sa
manonood ang ilang aspeto ng kulturang
Muslim. Sa ilang bagay ay matagumpay
ang pelikula, sa isang banda naman ay nariyan ang kukulangan at kalituhan.
Sa usapin ng kapayapaan, mas lumutang ang sigalot sa pagitan ng mga angkang
Muslim. Sila-sila ay mga malalang hidwaan. Walang ipinakitang malinaw na
argumento kung may pinag-uugatan ang usaping kapayapaan sa pagitan ng Muslim at
Kristiyano. Nababangit ito sa malawak na pamamaraan tulad ng pagsasabi ni Razul
na silang mga Muslim ay ganito at ang mga Kristiyano ay ganyan. Pawang mga
paratang na walang sapat na basehan. Sayang at hindi gaanong napalalim ang
sustansiyang ito ng pelikula. Nariyan ding magpatayan ang mga kapwa Muslim ng
ganun-ganun na lang
at sa bandang huli’y malalaman na isa itong pagkakamali. Wala man lamang
pagpaumanhin na naganap. Sa kabila nito’y malinaw pa rin naman ang
pinaka-mensahe ng pelikula ukol sa pagiging masama ng mga sindikato, ng
pangingidnap, ng pagpatay, pamumuslit ng armas, at pagkakanulo sa sinumpaang
tungkulin. Ang tema ng hidwaan ng mga angkan
at mga patayan ay labis na mabigat para sa mga bata ng wala pang
14-taong-gulang.