Thursday, February 19, 2015

Wild

--> DIRECTOR: Jean-Marc Vallee   LEAD CAST: Reese Witherspoon, Laura Dern, Thomas Sadoski, Michiel Huisman, Gaby Hoffman   SCREENWRITER:  Nick Hornby based on Cheryl Strayed’s memoir  PRODUCER:  Bruna Papandrea, Bill Pohlad, Reese Witherspoon  EDITOR:  John Mac McMurphy, Martin Pensa  MUSICAL DIRECTOR:  Clint Mansell  GENRE: Biographical Drama  CINEMATOGRAPHER:  Yves Belanger  DISTRIBUTOR: Fox Searchlight Pictures  LOCATION:  United States  RUNNING TIME:  115 minutes 

Technical assessment: 4
Moral assessment:  3
MTRCB rating: R 16
CINEMA rating: V 18

Wild is the story of Cheryl Strayed, based on her best-selling memoir, Wild: From Lost to Found on the Pacific Crest Trail. Reese Witherspoon (of Legally Blonde fame) brings her to life as one who “had diverged, digressed, wandered, and become wild.” Devastated by her mother Bobbi’s (Laura Dern) untimely death due to cancer, Cheryl spirals into self-destructive behavior (read infidelity, carefree sex, drugs, an abortion), and divorces her loving husband Paul (Thomas Sadoski). Coming to her senses, she embarks on the Pacific Crest Trail in order to find, in her own words: “the lost vision of the woman my mom raised me to be.”
       Strayed takes us with her on the 1,100-mile-journey (from the California-Mexico border to Canada) as she struggles to carry a humongous backpack, Monster, faces all types of danger from animals, the changing seasons, the rugged terrain, hunger, and other hikers. Through impressive cinematography Wild does not present a woman-against-nature journey. Instead it shows the terror of a solo woman hiker for 94 days: taking one step after another in the most gruelling trek, facing one’s demons, accepting one’s savage nature and finding one’s place in the wilderness of our complex world. We see an amateur Strayed struggling with her pack, her boots, her lack of food and just about everything, but she never gives up in spite of her fears. Slowly, her past life unravels through well-placed flashbacks. Witherspoon, sans hairdo and makeup, captivates in her gritty performance, thanks to Jean-Marc Vallee’s direction. Laura Dern authors Bobbi’s all-encompassing love and optimism with passion and joie de vivre. The music adds to the adventure, and although there’s more to be desired in the conclusion, the entire movie effectively shows Strayed’s monumental journey.
       Wild is the story of a woman who literally walks out of her life, takes even a new name, and journeys into the unknown, totally unprepared and afraid. It shows how complicated life is for a woman and how she must find a way around it. Confronting the wounds of the past, she understands what it means to be human, to love, to grieve, to struggle, and to forgive. And although she experiences the graciousness and decency of people along the way, aside from a threatening few, what saves Strayed is not money, her parents, someone or something.  With dogged determination she undergoes both a physical and spiritual odyssey replete with sacrifices and pain, and discovers the beauty in the wild places of her life. In Christian terms, Strayed went on a pilgrimage, not so much to an external holy site, but to the wilderness of her soul and listened to her heart. And somehow she finds peace as she reaches “The Bridge of the Gods.”
       Wild is a powerful movie that invites the viewer to honestly look inside his/her own life. We wander, we lose our way, we make mistakes and we suffer, regretting many of the choices we make. The movie shows that the wild places belong to all of us and life’s greatest secret is having the courage to find the best you can be.

Wednesday, February 18, 2015

That thing called 'tadhana'

--> DIRECTOR: Antoinette Jadaone   LEAD CAST:  Angelica Panganiban, J M de Guzman  SCREENWRITER: Antoinette Jadaone  PRODUCER:  Bianca Balbuena, Dan Villegas, Ronald Arguelles  EDITOR: Benjamin Gonzales Tolentino  MUSICAL DIRECTOR:  Emerzon Texon  GENRE: Romantic Comedy   CINEMATOGRAPHER:  Sasha Palomares  DISTRIBUTOR:  Star Cinema Productions  LOCATION:  Baguio, Sagada  RUNNING TIME: 90 minutes
Technical assessment:  3.5
Moral assessment:  3
MTRCB rating:   PG-13
CINEMA rating:  V14
            Sawi sa pag-ibig si Mace (Angelica Panganiban). Matapos ang walong taong paniniwala niyang “sila na” ng katipan, matutuklasan niya ang pagtataksil nito sa ibang bansa at magpapasya siyang putulin na ang relasyon.  Matatagpuan siya ni Anthony (JM de Guzman) sa departure area na isang airport sa Italy, na namomroblema sa excess luggage niyang pauwi.  Aalukin siya ni Anthony na ilagay na lamang ang sobra niyang dalahin sa maleta nito para wala na siyang bayaran pa.  Hindi mapipigilan ni Mace and paghihimutok at ihihinga kay Anthony ang sinapit ng lovelife niya.  Matiyaga namang makikinig ang binata, na tila naaaliw sa kakuwanan ng dalagang iyakin.  Pagkat pareho naman silang may panahon, at hindi naman nagmamadaling magsiuwi pagdating sa Pilipinas, ipagpapatuloy nila ang paghuhuntahan nila hanggang makaabot sila sa Baguio at Sagada.  Saan hahantong ang kanilang pagsisiwalat ng kani-kaniyang buhay sa isa’t isa?
            Habang pinanonood namin ang That thing called ‘tadhana’, naaalala namin ang pelikulang Before Midnight kung saan ang buong pelikula ay naisulong ng dalawang artista lamang (Ethan Hawke at Julie Delpy) na nagkukuwentuhan, nag-uusap, at nagtatalo habang tumatakbo ang araw.  Ang tagumpay ng ganitong uri ng pelikula ay nakasalalay sa isang interesanteng kuwento, intelihenteng script, at kaiga-igayang pagganap ng mga tauhan.  Meron lahat nito sa That thing called ‘tadhana’.  Hindi nakakabagot bagama’t halos dalawang tao lang ang mapapanood mo sa loob buong haba ng pelikula.  Ibinibigay ni Panganiban ang hinihingi ng karakter niyang si Mace—kayang-kaya niya ito pagka’t hindi naman napakalaking hamon ang gampanan ang papel niya, lalo na’t bihasa na siya sa pagpapatawa sa telebisyon.  Si de Guzman din ay kahanga-hanga sa kanyang pagganap bilang isang “sob brother” ni Mace.  Magaling ang chemistry ng dalawa, at kitang-kita sa mga closeup shots nila ang sinseridad sa paglalahad ng kani-kaniyang tauhan.
            Nakuha ng pelikulang “pasakayin” ang manonood sa mga pangyayaring namamagitan kay Mace at Anthony.  Nakasama rin ang manonood sa paglalakbay, at natuklasan din nila tulad ng dalawang bida ang mga lugar na pinuntahan nito.  Iyon ang pinaka-kaakit-akit sa pelikulang ito: isa siyang kuwento ng pagmamalasakit at pakikisama nang walang bahid ng pagka-makasarili kahit na nga halos ay puro sarili nilang karanasan ang pinag-uusapan nila.  At sa dulo, maliwanag na ang mga pinakamahalagang bagay sa pagkikipag-ugnayan ng isang babae at isang lalaki ay hindi lamang physical attraction o natural na makasariling hangarin.  Higit na mahalaga ang pakikinig, pakikiramay, at pang-unawa sa kapwang nagdadalamhati. 

Friday, January 23, 2015

The amazing Praybeyt Benjamin 2

Direction: Wenn Deramas;  Lead cast: Vice Ganda, Richard Yap, Bimby Aquino, Tom Rodriguez; Screenplay: Keiko Aquino, Wenn Deramas;  Editing:; Producer: Vic del Rosario; Music: Vicente de Jesus; Location: Metro Manila; Genre: Comedy; Distributor: Star Cinema, VIVA Films
Technical assessment: 2.5  
Moral assessment:  2.5
MTRCB rating: GP    CINEMA rating: PG13
        Pagkatapos masugpo ang teroristang si Billy Aladdin nuong naunang serye, di na mapigilan ang pagsikat ni Benjamin Santos (Ganda) hanggang umabot na sa ulo niya ang tagumpay at mapabayaan na niya ang kanyang tungkulin. Bilang parusa ay gagawin siyang tagapagbantay ng anak ni General Wilson Chua (Richard Yap) na si Bimby (Aquino). Kasama sa misyon ni Private Benjie ang hulihin ang kalooban ng bata dahil siya  ang nakaaalam ng kinalalagyan ng mga itinanim na bomba ng mga terorista sa Pilipinas.
      Kahit saang aspeto tingnan ay walang ikinaganda ang pelikulang THE AMAZING PRAYBEYT BENJAMIN maliban sa pagtumbok nito sa hangarin magkaroon ng pinakamalaking kita nitong nakaraang Film Festival. Walang intensyong tahiin ang mga eksaheradong eksena sa malinaw na naratibo at matibay na istorya. Sa halip ay ginawang tagpi-tagping patawa at patutsada sa kung ano ang uso sa panahon. Ang masakit ay ni walang pagsusumikap na makabawi at malagyan ng kaunting bahid ng saysay ang pelikula. Ang komedya ay hindi lamang ang kakayahang magbitaw ng maanghang na patama sa sarili. Dapat ay may kahit kaunting talino mula sa konsepto ng katatawanan at sa mismong pagsasapelikula nito. Sayang ang galing ni Vice dahil para pa ring nasa “set” ng Gandang Gabi Vice at Showtime ang kanyang atake. Nakakasawa na rin naman ang istilong ito kung tutuusin. Isa lang ang sagot ko kung bakit patuloy na tinatangkilik ng milyong-milyong Pinoy ang ganitong uri ng palabas kahit alam naman natin na may sapat silang talino para manuri at manimbang—mas mura kasi ang bayad sa tiket sa sine kaysa Comedy Bar, pareho din lang naman ang uri ng katatawanang hatid ng pelikula.
    Nais ipaalala ng pelikula ang dalawang bagay. Una, gaano mang kalaki ang tagumpay na natamo, hindi ito dapat ipagmalaki at gawing dahilan para pabayaan ang tungkulin. Ikalawa,  ang pagmamahal ng isang magulang ay hindi nasusukat sa tagumpay, sa dami ng kayang ibigay na materyal na bagay, at sa kasaganahan ng buhay. Mas matimbang ang presensya ng magulang, pagdamay, at pagsuporta nito para sa isang bata dahil sa pamamagitan ng mga ito nararamdaman nila ang pagmamahal at pagtanggap na siya namang huhubog sa kanilang pagkatao at kabutihang asal. Salat si Bimby sa atensyon at pagmamahal ng ama, na napunan naman kahit kaunti ng presensya ni Benjie. Sayang nga lamang at hindi ito binigyang diin at katapusan ng kwento. Matatawag na malinis ang komedya dahil wala namang kabastusan o karahasang ipinakita, ngunit hindi rin ito tamang ipapanuod sa mga bata dahil wala rin namang katuturan ang kwento nito. Kung hindi sila masasamahan at magagabayan ng responsable at marunong na nakatatanda sa panonood, mabuti pang maglaro na lamang ang mga bata ng patintero sa bahay.

Tuesday, January 13, 2015

Shake, Rattle & Roll XV


DIRECTORS: Percy Intalan, Dondon Santos, Jerrold Tarog   LEAD CAST:  Carla Abellana, Kim Atienza, Melai Cantiveros, Kiray Celis, JC De Vera, Erich Gonzales, Matteo Guidicelli, John Lapus, Daniel Matsunaga, Lovi Poe, Chanda Romero, Dennis Trillo  SCREENWRITER: Rody Vera  PRODUCERS:  Lily Monteverde, Roselle Monteverde  MUSICAL DIRECTOR: Cesar Francis Concio, Jerrold Tarog, Von De Guzman CINEMATOGRAPHER: Mackie Galvez  EDITING: Benjamin Tolentino  GENRE:  Horror  LOCATION:  Philippines  DISTRIBUTOR:  Regal Films  RUNNING TIME: 130 minutes
Technical assessment:  3 Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V14  MTRCB rating: PG 13
            Sa unang episode na  pinamagatang Ahas ay isang mayamang tagapagmana ng Alegria Shopping Mall ang magandang dalaga na si Sandra/Sarah (Erich Gonzales). Kakambal niya si Sarah na maganda rin katulad niya subalit kalahati ng katawan nito ay ahas. Pinaniniwalaan ng pamilya na naghahatid si Sarah ng swerte sa patuloy na pagyaman ng pamilya, pero dahil sa kalagayang ito ay itinatago siya sa publiko. Lingid sa kaalaman ng pamilya ay nakakalabas ito sa kulungang pinagtataguan sa kanya at nakakapambibiktima sa loob ng shopping mall. Makikita rin niya at magugustuhan ang nobyo ni Sandra na si Troy (JC De Castro) na siya namang makakatulong upang malutas ang mga misteryong pagpaslang sa mga inosenteng tao sa shopping mall.  Sa ikalawang kuwento, Ulam, ay mabibiktima ang pamilya ng mag-asawang Henry (Dennis Trillo) at Aimee (Carla Abellana) ng naghihiganting Yaya (Chanda Romero). Hahainan sila nito ng masasarap na ulam na sa simula ay ikakasiya nila pero sa kalaunan ay mapapagtanto nila na may sangkap ito na magiging mga halimaw sila sang-ayon sa kani-kaniyang Zodiac signs. Gagawin nila ang lahat para makawala sa sinapit na ito ng kanilang pamilya.  Sa ikatlong episode na may pamagat na Flight 666, maayos na papasahimpapawid ang eroplano na mayroon palang sakay na mga hijacker at maghahasik ng terorismo sa mga pasahero at flight crew. Sa gitna ng kaguluhan ay mapapaanak ang isang pasahero na kamalasan ay isa palang tyanak. Higit  na nakahihindik ang idudulot na lagim ng demonyong bata kaysa sa mga hijacker. Ang flight stewardess na si Karen (Lovi Poe), nobyong si Dave (Mateo Guidicelli) at pilotong si Bryan (Daniel Matsunaga) ay magtutulong-tulong sa paggawa ng paraan para sa kaligtasan ng lahat.
            Sinikap na makapaghatid ng iba’t ibang trato ng katatakutan ang pinakahuling horror trilogy na Shake Rattle and Roll. Nilagyan ng mga sangkap na love romance, comedy, at adventure ang kwento. Maliban sa episode na Ahas, kung saan gumamit na gasgas na subject  ng kambal halimaw o hayup, ay nakitaan ng pagsisikap ang produksyon na makapaghain ng bagong tema katulad ng kombinasyong terorismo at katatakutan sa eroplano, at paglitaw ng mga halimaw kaugnay sa Zodiac signs. Bagamat madalas na ginamit na panakot sa pelikulang katatakutan ng pinoy ang tyanak, medyo kakaiba na nakarating ang munting halimaw na ito sa byahe ng eroplano at makipagsabayan sa hijacker.  Nabigyan ng laya ang mga computer effects at sining ng aesthetic make-up sa pelikula. Maganda din ang mga kuha ng camera at komposisyon. Akma at epektibo ang mga inilapat na tunog at musika Tama lamang ang pag-iilaw at naipalabas ang hinihingi na tema ng pagkakasunod-sunod na mga eksena.  Nakatulong ang mga ito para magkaroon ng ibayong saysay ang kahinaan ng plot development. Limitado din ang pinakita sa pagganap ng mga pangunahing aktor kahit na ang mga kilala na sa kanilang husay na sina Poe at Trillo. Sa kabila ng mga sablay sa pelikula, masasabing sa kabuuan ay maayos ang mga teknikal na aspeto nito.
            Ang masidhing paniniwala sa paghahanap ng mga pampaswerte sa buhay ay madalas mas naghahatid ng kapahamakan at maaring maikompromiso ang kapakanan ng mahal sa buhay, katulad ng ipinakita sa episode na Ahas. Ang inakala nilang swerte na hatid ng pagkakaroon ng kakaibang anyo ng miyembro ng pamily ay lalong nagdulot ng pinsala sa mas nakararami kabilang na ang mga inosente na walang kinalaman sa kanilang paniniwala. Dapat ay isinasaalang at binibigyan dignidad ang katauhan, miyembro man ng pamilya o hindi. Samantala, sinisira ng pagtataksil sa asawa di lamang ang pagsasama nila kundi pati mga inosenteng tao sa paligid nila, lalo na ang mga anak. At maari itong lumikha ng tanikala na mararamdaman hanggang mga sumusunod na henerasyon kapag hindi naampat at makapagpatawaran. Ang mga anak na bantad sa panlilinlang, kapabayaan, at pagkamasarili ng mga nakatatanda, lalo na mga magulang ng walang paggabay o pagpapaunawa ng situwasyon, ay maaring maapektuhan sa kanilang pagtingin sa sarili at sa kapwa sa negatibong paraan. Ang Diyos ang nagbubuklod sa mga mag-asawa na ikinasal sa harap Niya ay pinagkakalooban ng biyaya na manatili ang maayos na pagsasama. Ipinakita sa pelikula ang mga imahen ng  Mother and Child at ni St. Therese subalit bilang mga anting-anting at simbolo ng kababawan at maling pananalig.  Madalas ang mga eksenang marahas at pagwawalang-halaga sa buhay. Mataas din ang tinatawag na emotional stress.

Friday, January 9, 2015

Muslim Magnum .357


DIRECTOR:  Francis “Jun” Posadas  LEAD CAST: Jeorge Estregan (aka ER Ejercito), Sam Pinto PRODUCER: Jeorge Estregan  STUDIOS: Scenema Concept International, Viva Films  VISUAL EFFECTS: Erick Torrente  CHOREORAPHER: Seng Ka Wee  CINEMATOGRAPHER: Francis Ricardo Buhay III  GENRE:  Action  LOCATION: Philippines RUNNING TIME:  130 minutes

Technical assessment: 3   Moral Assessment: 3
CINEMA Rating:  V14
            Si Lt. Jamal Razul (Jeorge Estregan Jr.) ay itatalaga bilang undercover agent na siyang mag-iimbestiga sa sindikatong nasa likod ng pagdukot kay Ameerah (Sam Pinto), anak ng isang maimpluwensiyang angkan na Muslim. Mailigligtas niya si Ameera mula sa pagkakakidnap dito ngunit mapag-aalaman niyang hindi lang ito isang simpleng kaso ng pagkidnap. May isang sindikato sa likod nito na may kinalaman din sa away ng mga angkan ng mga Muslim. Sa likod din nito’y madidiskubre niyang may kinalaman din ang ilang matataas na opisyal na kasama niya sa puwersang pulis at militar na nagpapalaganap ng illegal na pangangalakal ng armas upang magpatuloy ang kaguluhan sa Mindanao. At sa gitna ng lahat ng ito ay nakasalalay ang buhay at kaligtasan ni Ameerah. Sino ang maaring mapagkatiwalaan ni Razul upang tumulong sa kanila kung ang mismong mga kasamahan niya ang siyang tunay na kalaban?
            Ang pelikula ay remake ng dating pelikulang pinangunahan noon ng hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. Makabuluhan pa rin naman ang tema magpasahanggang ngayon ng Muslim Magnum .357 at tunay namang malaking usapin ang kapayapaan sa ating bansa lalo na kung nariyan ang usapin sa Mindanao at mga kababayan nating Muslim. Sinubukan ng pelikula na muling buhayin ang nauna nitong karisma at kakikitaan naman ang pelikula ng ambisyon. Maayos ang mga kuha at maganda ang pag-iilaw. Si Estregan Jr. ay mahusay sa kanyang papel pati na rin ang ilang mga batikan na tulad ni John Regala at Roi Vinzon. Ngunit sadyang hindi maitatanggi ang maraming kahinaan ng pelikula lalo na sa paglalahad ng kwento at pag-arte ng ilang pangunahing tauhan. Malamlam pa si Pinto sa maraming aspeto maging ang ilang tauhan na gumanap sa iba’t-ibang pangunahing papel. Marami ring tanong at butas sa kuwento tulad na lamang ng maling pagsugod ng grupo ni Lt. Razul sa maling kalaban. Hindi rin maayos ang hagod at daloy ng damdamin kung kaya’t walang epekto sa manonood ang mga eksena. Masyadong mahahaba ang ilang eksenang hindi naman gasinong mahalaga sa daloy ng kwento.
            Ang pelikula ay tumatalakay sa minimithing kapayapaan sa bansa lalo na’t mga usaping may kinalaman sa mga Muslim. Sinubukan din ng pelikula na ipakita sa manonood ang ilang aspeto ng kulturang Muslim. Sa ilang bagay ay matagumpay ang pelikula, sa isang banda naman ay nariyan ang kukulangan at kalituhan. Sa usapin ng kapayapaan, mas lumutang ang sigalot sa pagitan ng mga angkang Muslim. Sila-sila ay mga malalang hidwaan. Walang ipinakitang malinaw na argumento kung may pinag-uugatan ang usaping kapayapaan sa pagitan ng Muslim at Kristiyano. Nababangit ito sa malawak na pamamaraan tulad ng pagsasabi ni Razul na silang mga Muslim ay ganito at ang mga Kristiyano ay ganyan. Pawang mga paratang na walang sapat na basehan. Sayang at hindi gaanong napalalim ang sustansiyang ito ng pelikula. Nariyan ding magpatayan ang mga kapwa Muslim ng ganun-ganun na lang at sa bandang huli’y malalaman na isa itong pagkakamali. Wala man lamang pagpaumanhin na naganap. Sa kabila nito’y malinaw pa rin naman ang pinaka-mensahe ng pelikula ukol sa pagiging masama ng mga sindikato, ng pangingidnap, ng pagpatay, pamumuslit ng armas, at pagkakanulo sa sinumpaang tungkulin. Ang tema ng hidwaan ng mga angkan at mga patayan ay labis na mabigat para sa mga bata ng wala pang 14-taong-gulang.

Wednesday, January 7, 2015

Feng Shui 2



DIRECTOR: Chito S. Roño  LEAD CAST: Kris Aquino, Coco Martin, Cherry Pie Picache, Carmi Martin, Ian Veneracion  SCREENWRITER: Roy Iglesias, Chito S. Roño  PRODUCER: Star Cinema/K Production EDITOR: Carlo Francisco Manatad  MUSICAL DIRECTOR: Carmina Cuya  GENRE: Horror  CINEMATOGRAPHER:  Neil Daza  DISTRIBUTOR: Star Cinema  LOCATION:  Philippines  RUNNING TIME:  1 hr. 40 mins
Technical assessment:  3  Moral assessment:  2  CINEMA rating:  V14
Ang Feng Shui 2 ay ang pagpapatuloy ng salaysay tungkol sa isang “bagua” na sinimulan ng naunang pelikula noong 2004.  Bayarang magnanakaw si Lester (Coco Martin), at para kumita nang malaki, ninakaw niya ang bagua sa isang Buddhist temple para sa isang kliyenteng intsik.  Naganap naman ang gawain niya pero bumabalik sa kanya ang mahiwagang bagua.  May “malas” at “suwerte” na kalakip ang bagua na dumarating sa mga nagmamay-ari nito.  Hindi maniniwala si Lester na may kinalaman ang bagua sa mga pangyayari sa buhay niya, kahit na payuhan pa siya na kailangan nilang wasakin ang bagua kasama ni Joy (Kris Aquino) at Lily (Cherry Pie Picache) para maputol ang sumpang kaakibat nito.
            Magaling ang pagkakagawa ng simula ng pelikula, lalo na’t ang setting nito—ang lugar na tinitirahan ni Lester at ng kanyang lasenggang ina (Carmi Martin)—ay sumasalamin sa karukhaan ng mga Pilipino, isang lugar na pinagpupugaran ng mga tigasin at kriminal.  Malinaw din ang daloy na kuwento hanggang sa dumating ang dalawang babaeng dating mga may-ari ng bagua: dito medyo nagka-sanga-sanga na ang mga paliwanang tungkol sa maitim na kapangyarihang bumabalot sa bagua, at pati Chinese zodiac ay nadawit na rin, sa tangka marahil ng director na ipakitang ganoong katindi ang kapit ng bagua sa buhay ng mga nag-may ari nito, lalo pa’t kung titingnan ang salamin na nasa gitna ng bagua.
            Ang mga pelikulang tulad ng Feng Shui 2 ay mauunawaan nang lubusan at sa tamang paraan ng mga taong may matibay nang pananalig sa Diyos, sa kabutihan Niya, at sa pagaaruga Niya sa ating Kanyang mga nilikha.  Kapag ang paniniwala ng isang tao ay “naka-angkla” sa isang madilim na kapangyarihang nagdudulot ng “swerte” o “malas” sa kanyang buhay, hinihila siya nito tulad ng isang mabigat na angkla, papalubog sa pusod ng dagat kung saan walang liwanag at hangin na bumubuhay sa kanya.  Pansinin natin na alipin ng takot at pagkaganid ang dalawang babae: ang isa ay hindi pa makalimot sa mga yumaong anak, at ang ikalawa naman ay walang katapusan ang paghahangad ng kayamanan.  Sa mundo ng Feng Shui 2, walang nakakaalala sa kay Kristo at sa landas ng liwanag na binuksan ng Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.  Gusto ba ninyo ng ganoong makulimlim na mundo—laging takot mawalan ng minamahal at ninanasang kamunduhan?  

Tuesday, January 6, 2015

My Big Bossing

--> DIRECTION: Joyce Bernal, Tony Y. Reyes, Marlon Rivera  LEAD CAST:  Ryzza Mae Dizon, Vic Sotto, Wally Bayola, Sef Cadayona, Nikki Gil, Pauleen Luna, Jose Manalo, Alonzo Muhlach, Nino Muhlach, Manilyn Reynes, Marian Rivera, Ruby Rodriguez  MUSICAL DIRECTOR: Albert Michael CINEMATOGRAPHER  Lee Meily, Lito Mempin  GENRE:  Comedy/Fantasy  LOCATION:  Philippines  DISTRIBUTOR:  OctoArts RUNNING TIME:   125 minutes
Technical assessment:  3  Moral assessment: 3.5   MTRCB rating: G  CINEMA rating: PG 13 (For viewers 13 years old and below with parental guidance)
            Tatlong maiikling kuwento ang bumubuo ng mga adventures sa pelikula. Una: Sirena.  Pangarap ng tabachingching na si Jessa (Ryzza Mae Dizon) na maging isang sirena.  Sinamantala ito ng huklubang si Tandang Wishy (Pauleen Luna) na nangako sa bata na matutupad ang kanyang hiling.  Natupad nga ito at pilit na itinatago ng pamilya ni Jessa, sa tulong ng kanyang ninong na si Bossing (Vic Sotto).  Lingid sa kaalaman ni Jessa, masama ang tangka ni Wishy sa pagkakapaunlak nito sa pantasiya niya; nalaman na lamang niya nang siya ay habul-habulin ng mga pusang gusto siyang papakin.  Ikalawa: Taktak.  Sa buyo ng kanyang tiyuhin, nagpapanggap na “medium” si Angel (Dizon), na diumano’y may kapangyarihang makipag-usap sa mga namatay na.  Ihahantad ang panglolokong ito ni Vince (Sotto), ang tv host ng “Instigador.”  Ikatlo: Prinsesa.  Ipinanganak na pangit ang isang prinsesa (Dizon).  Lingid sa kaalaman ng hair at reyna, ipinalit ng kapatid ng reyna at ng asawa nito ang kanilang lalaking sanggol na anak sa prinsesa upang lumaking prinsipe at isang araw ay siyang maging hari.  Lumaki ang pangit na prinsesa sa piling ng mga baboy kaya’t inakala niyang siya’y isang biik; sa katunayan, pinangalanan nga siyang “Biiktoria.”
            Kung ihahambing sa My Little Bossing nung nakaraang taon, mukhang sinikap ng pelikula na bawas-bawasan ang kababawan ng mga kuwento ng My Big Bossing.  Gawa na rin ng likas na husay ni Ryzza Mae sa pagganap, kaiga-igayang sundan ang mga misadventures ng tambalang Dizon at Sotto, at maayos din naman ang daloy ng mga kwento.  Pero tulad ng dati, tila walang ambisyon ang pelikula na maging katangi-tangi o maging isang quality movie—sapat na sa kanyang magpaligaya siya sa mga nanonood, kaya’t huwag na tayong maghanap ng pulidong screenplay o kaya’y dibdibang pag-arte.  Nabawasan, pero hindi rin lubusang matanggal ang garapalang product placement nito; tiyak na kumikita rin ang pelikula mula sa pagsingit sa script ng mga slogan na kilalang nagbebenta ng produkto. 
            Pero meron din namang iniiwang mga mahalagang kabuluhan ang pelikula.  Sa Sirena, malinaw na malinaw ang aral: masiyahan sa sariling kaloob ng Diyos at huwag nang hangaring baguhin ito.  Sa Taktak: isang malaking kasamaan ang manglinlang ng kapwa, lalo na’t pinagsasamantalahan mo ang pagluluksa nito at pagkasabik sa yumaong minamahal.  Sa Prinsesa: Ang mga anak ay dapat mahalin, ano pa man ang itsura ng mga ito; at ang mga paslit ay may busilak na puso na dapat arugain pagkat “sinisipsip” nito ang anumang impluwensiya sa kanilang kapaligiran.

Kubot: Aswang Chronicles 2


Direction: Erik Matti; Lead cast: Dingdong Dantes, Joey Marquez, Lotlot de Leon, Isabelle Daza, Elizabeth Oropesa, KC Montero; Screenplay: Michiko Yamamoto, Visual Effects: David Yu; Editing: Vito Cajili; CDirector of Photography; Shing Fung Cheung; Production Design: Ericson Navaroo; Producer: Jose Mari Abacan, Trina Dantes-Quema, Erik Matti; Music: Erwin Romulo; Location: Manila; Genre: Fantasy-Adventure; Distributor: GMA Films
Technical Assessment            : 3  Moral sssessment: 2.5   MTRCB Rating: PG13  CINEMA Rating: V14
            Pagkatapos na pagkatapos ng sagupaan ng pamilya nina Makoy (Dingdong Dantes) at Sonia (Hannah Ledesma) sa mga Tiktik ng Pulupandan ay tatakas sila kasama ang mga nakaligtas patungong Maynila. Kaya nga lamang ay lulusubin sila ng mga kubot, sa pangunguna ni Veron (Oropesa), bilang paghihiganti sa pagkakapatay nina Makoy sa lahi ng mga Tiktik. Tanging sina Makoy at Nestor (Joey Marquez) ang makaliligtas. Lilipas ang dalawang taon at makikita sina Nestor at Makoy, na ngayon ay putol na ang kanang kamay, na nakikitira sa kapatid nito na si Nieves (Lotlot de Leon).  Si Nieves ay mapaghinalang sekretarya ng ob-gyne na si Alessandra (Daza), isang aswang na natutong gumalang at mamuhay kasama ng mga ordinaryong tao. Hinahanap ng doktora ang may pakana ng di maipaliwanag na pagbabangong-anyo ng mga tao pagkatapos kumain ng Dom’s Hotdog.  Samantala, si Dom (KC Montero), may ari ng pagawaan ng hotdog, ay isang aswang na nagbabalak na sakupin ang mundo sa pamamagitan ng paghahalo ng karne ng tao sa kanyang hotdog upang maging aswang ang sinumang kumain nito. Plano ni Dom na pakaiinin ang isang buong bayan ng kanyang mga hotdog sa ilalim ng pagkukunwari ng isang libreng konsyerto. Papatayin ni Dom ang matatandang aswang na kukumpronta sa kanyang gawain. Tanging si Veron ang matitirang matandang aswang. Bantulot na magkakatulungan sina Veron at Makoy para pigilan ang planong ito at tuluyang sugpuin si Dom at kanyang mga kampon.
            Tinangka na lagpasan ng Kubot ang tagumpay ng Tiktik sa larangang biswal at teknikal. Nagawa naman ito kung pagbabasehan ang hinakot na tropeo ng pelikula sa nakaraang MMFF. Mahusay ang mga special effects na ginamit lalo sa ilang eksena na labanan nina Makoy at mga aswang. Kung ito lamang ang basehan, totoo naman nakakaaliw at sulit ang oras at pera na panuorin ang Kubot.  Kaya nga lamang, dapat ang isang pelikula ay higit pa sa mga pampabilib na visual effects—kung hindi ay maglaro ka na lamang ng computer games. At ito ang isa sa pinakamalaking kahinaan ng pelikula. Ano ba ng sentro? Ang galit ba ni Makoy? Ang pahihiganti ba ng mga kubot Ang plano ba ni Dom? Ang malasakit ba ni Alesandra? O ang kabayanihan ng angkan nina Nieves? Pwede namang paghalu-haluin. At ito nga ang nangyari… halo-halong maliit na kwento na pinagtagni-tagni ng kaunti patawa rito at aksyon duon. Nakakaaliw pero kailangang habulin mo pa ang katuturan. Dagdag pa ang mala-tuod na pagganap ni Daza, ang OA na atake ni Dantes at ang mala-karikaturang interpretasyon ni Montero sa kani-kanilang katauhan. Mabuti na lamang at nasalo sila nina de Leon at Marquez na magaling ang tyempo ng komedya. Isa pang palpak ay ang pagkakalapat ng musika. Parang langis at tubig ang eksena at musika na ayaw magtagpo at matimpla. Sa larangang biswal, totoong maganda naman ito pero malayo sa sinundan nitong Tiktik na animo’y pahina ng komiks ang buong eksena.
            Ang kabayanihan ay hindi ang walang wawang tapang at pagsabak sa panganib. Nagmumula ito sa malasakit sa kapwa at kagustuhang gawin ang tama para sa ikabubuti ng lahat. Madalas sabihin ni Nieves na lahi nila ang bayani at matatapang kaya’t sugod siya ng sugod kahit alanganin ang sitwasyon. Pero kung babasahin mo ang pagkatao ni Nieves, ang nagtutulak sa kanya na makialam ay ang malasakit sa kapwa at pagnanasang maging bahagi ng ikabubuti nila—na siya namang kabaligtaran ng katauhan ni Makoy simula nang maranasan niya ang sakit na mawalan ng asawa at anak. Maganda sana kung sinikap ng pelikula na ipakita ang hatakan ng motibo ng dalawang ito para lalong naging makabuluhan ang pagkakaisa ng magkalabang mortal na sina Makoy at Veron sa dulo. Pero nanaig ang komersyo at natabunan ito ng malabnaw na naratibo. Sa kabilang dako, nakababagabag sa mga bata ang konsepto ng paghahalo ng giniling na karne ng tao sa hotdog. Kahit na ba tinakpan ng special effects ang proseso ng paggiling sa tao ay matatandaan pa rin ito ng mga bata lalo na’t hotdog ay isa sa paborito nilang pagkain. Ang problema ay hindi ang pandidiri o pagkatakot ng mga bata kundi ang pagkamanhid ng kanilang sensitibidad sa mga konseptong ganito. Isang eksena na hindi masyadong napaliwanag ay kung bakit may aswang na pari at sa loob pa ng simbahan nag tagpo-tagpo ang mga aswang. Muli, hindi isyu ito ng pagiging mapagpuna pero hindi ba’t medyo nakakawala ng respeto naman ito sa tahanan ng Diyos? Parang sinasabi nito na ang isang simbahan ay isang karaniwang gusali lamang na maaaring pagdausan ng kahit ano nang walang pagsasa-alang-alang sa itinuturo ditong kapangyarihan ng Maykapal.  Mas mabuti kung ang pelikula ay hindi hayaan ipapanuod sa mga bata.

Bonifacio: Unang Pangulo


DIRECTOR: Enzo Williams  LEAD CAST: Robin Padilla, Vina Morales, Daniel Padilla, Eddie Garcia  SCREENWRITER:  Enzo Williams, Carlo Obispo  PRODUCER:  Rina Navarro, EA Rocha  EDITOR: Manet Dayrit  MUSICAL DIRECTOR: Von de Guzma  GENRE:  Drama, Biopic      DISTRIBUTOR:  Philippians Productions  LOCATION:   Philippines RUNNING TIME:  91 mins.
Technical Assessment: 4  Moral Assessment: 3
CINEMA Rating:  PG 13 (for viewers 13 years old and below with parental guidance)
Magsisimula ang pelikula sa pagpapakitang nasasaksihan ng batang Andres Bonifacio ang paggarote kina Padre Gomez, Burgos at Zamora (Gomburza)  na pinaparatangang nagrerebelde sa mga Kastila. Matapos nito’y makikitang itinatatag ang grupong  La Liga Filipina na naglalayong pag-alabin ang damdamin ng mga Pilipino laban sa pang-aapi ng mga Kastila na siyang sumakop sa Pilipinas sa loob ng 300 taon.  Dito magiging kaibigan ni Bonifacio (Robin Padilla) si Dr. Jose Rizal (Jericho Rosales)  na magsasabi sa kanya kung ano ang nararapat at naaayong gawin ng mga Pilipino upang makamit ang minimithing kalayaan. May magkakanulo sa La Liga Filipina at ito ay mabubuwag; makukulong si Dr. Jose Rizal at mahahatulan ng kamatayan. Matapos nito’y itatatag ni Bonifacio ang Katipunan at magisisimula ang armadong pakikipaglaban sa mga Kastila. Susundan ng pelikula ang buhay ni Bonifacio mula 1892 kung saan niya makikilala ang pangalawa niyang asawang si Gregoria de Jesus (Vina Morales) hanggang sa kanyang mga huling araw ng paglilitis at kamatayan sa Cavite.
Maituturing ang Bonifacio: Unang Pangulo bilang pinakamalaking pelikula na tumalakay sa buhay ng bayaning si Andres Bonifacio. Pinagbuhusan ng husay at talino ang pagkakagawa nito. Mula sa disenyong pamproduksiyon, mga kuha ng kamera, komposisyon, editing at kabuuang dating ay hindi maitatangging tunay na tinustusan ang pelikula. Hindi rin magpapahuli sa pag-arte ang mga pangunahin nitong tauhan na pinangungunahan nina Robin Padilla, Vina Morales at Jericho Rosales. Walang itulak-kabigin sa kanilang husay at galing. Sayang nga lang at tila marami pa ring elemento ng kuwento ni Bonifacio ang tila hindi pa rin nasabi sa pelikula. Hindi rin gaanong napapanindigan ang mga sinisimulang kwento tulad ng pag-iibigan nila Andres at Oryang na tila napabayaan sa kalagitnaan ng pelikula. Sadyang nakapanghihinayan na tila walang bagong sinabi ang pelikula patungkol sa pagkabayani ni Bonifacio maliban sa dati nang ipinakita ng mga naunang palabas patungkol sa bayani. Hindi naman gaanong nakatulong ang paglalagay ng elemento ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon dahil hindi naman tumatahi sa mga ito ang kuwento ng bayani. Masasabing kahit wala sila sa pelikula ay tatayo pa rin ito. Sa kabila nito’y bibihira pa rin ang mga pelikulang tulad ng Bonifacio: Ang Unang Pangulo at karapat-dapat pa rin itong bigyan ng pansin ng mga Pilipinong manonood.
      Tila isang malaking sampal sa ating kasaysayan ang kwento ni Bonifacio na sa bandang huli’y tila ipinagkanulo at pinatay ng kapwa Pilipino. Hindi ito magandang imahen para ating karakter bilang isang lahi. Ngunit sadyang marami tayong matututunan sa kasaysayan at ang isang madilim na bahagi na ito ay nararapat nating pag-ukulan ng masusing pag-aaral.  “Hindi pa tapos ang rebolusyon,”  ika nga ng awit ng pelikula. Si Bonifacio ay buong tapang na lumaban sa mga mananakop na Kastila. Ito ay sa kabila ng nakaambang panganib sa kaniyang buhay. Kung ganyang uri ng pagmamahal sa bayan mayroon ang bawat Pilipino, disinsana’y walang naaapi at walang mahihirap. Ngunit lumilinaw na ang tunay na rebolusyon at pakikibaka, at ang tunay na kalaban ng Pilipinas, ay mismong mga Pilipino rin. Ang tunay na rebolusyon ay nasa puso ng bawat Pilipino. Kailangan malabanan at malagpasan ng bawat isa sa atin ang kasakimaan, kabuktutan  at pagkauhaw sa kapangyarihan at kayamanan. Kapag nagawa natin ito, matututo na tayong unahin ang kapakanan ng bawat isa, ang kapakanan ng kapwa, at kapakanan ng bayan bago ang ating sarili. Bagama’t hindi nakatulong sa pag-usad ng kwento, ang mga kabataan sa pelikula ay sumisimbolo na dapat patuloy na mag-alab ang pusong bayani lalo na sa mga kabataan na siyang kinabukasan ng bayan. Marami ring matutunan sa wagas na pag-iibigan nila Andres at Oryang. Sa kabuuan ay isang kaaya-ayang karanasan at siksik sa pagpapahalagang moral ang Bonifacio: Unang Pangulo, kailangan lamang na magabayan ang mga batang manonood upang maipaliwanag nang husto at maayos ang madilim na bahaging ito ng ating kasaysayan.