Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 3
MTRCB rating: PG-13
CINEMA rating: V14
Sawi
sa pag-ibig si Mace (Angelica Panganiban). Matapos ang walong taong paniniwala
niyang “sila na” ng katipan, matutuklasan niya ang pagtataksil nito sa ibang
bansa at magpapasya siyang putulin na ang relasyon. Matatagpuan siya ni Anthony (JM de Guzman) sa departure area na isang airport sa Italy, na namomroblema sa excess luggage niyang pauwi. Aalukin siya ni Anthony na ilagay na
lamang ang sobra niyang dalahin sa maleta nito para wala na siyang bayaran
pa. Hindi mapipigilan ni Mace and
paghihimutok at ihihinga kay Anthony ang sinapit ng lovelife niya.
Matiyaga namang makikinig ang binata, na tila naaaliw sa kakuwanan ng
dalagang iyakin. Pagkat pareho
naman silang may panahon, at hindi naman nagmamadaling magsiuwi pagdating sa
Pilipinas, ipagpapatuloy nila ang paghuhuntahan nila hanggang makaabot sila sa
Baguio at Sagada. Saan hahantong
ang kanilang pagsisiwalat ng kani-kaniyang buhay sa isa’t isa?
Habang
pinanonood namin ang That thing called
‘tadhana’, naaalala namin ang pelikulang Before Midnight kung saan ang buong pelikula ay naisulong ng dalawang
artista lamang (Ethan Hawke at Julie Delpy) na nagkukuwentuhan, nag-uusap, at
nagtatalo habang tumatakbo ang araw.
Ang tagumpay ng ganitong uri ng pelikula ay nakasalalay sa isang
interesanteng kuwento, intelihenteng script,
at kaiga-igayang pagganap ng mga tauhan.
Meron lahat nito sa That thing
called ‘tadhana’. Hindi
nakakabagot bagama’t halos dalawang tao lang ang mapapanood mo sa loob buong
haba ng pelikula. Ibinibigay ni
Panganiban ang hinihingi ng karakter niyang si Mace—kayang-kaya niya ito
pagka’t hindi naman napakalaking hamon ang gampanan ang papel niya, lalo na’t
bihasa na siya sa pagpapatawa sa telebisyon. Si de Guzman din ay kahanga-hanga sa kanyang pagganap bilang
isang “sob brother” ni Mace.
Magaling ang chemistry ng
dalawa, at kitang-kita sa mga closeup
shots nila ang sinseridad sa paglalahad ng kani-kaniyang tauhan.
Nakuha
ng pelikulang “pasakayin” ang manonood sa mga pangyayaring namamagitan kay Mace
at Anthony. Nakasama rin ang
manonood sa paglalakbay, at natuklasan din nila tulad ng dalawang bida ang mga
lugar na pinuntahan nito. Iyon ang
pinaka-kaakit-akit sa pelikulang ito: isa siyang kuwento ng pagmamalasakit at
pakikisama nang walang bahid ng pagka-makasarili kahit na nga halos ay puro
sarili nilang karanasan ang pinag-uusapan nila. At sa dulo, maliwanag na ang mga pinakamahalagang bagay sa
pagkikipag-ugnayan ng isang babae at isang lalaki ay hindi lamang physical attraction o natural na
makasariling hangarin. Higit na
mahalaga ang pakikinig, pakikiramay, at pang-unawa sa kapwang
nagdadalamhati.