DIRECTORS: Percy Intalan, Dondon Santos, Jerrold Tarog LEAD CAST: Carla Abellana, Kim Atienza, Melai Cantiveros, Kiray Celis, JC De Vera, Erich Gonzales, Matteo Guidicelli, John Lapus, Daniel Matsunaga, Lovi Poe, Chanda Romero, Dennis Trillo SCREENWRITER: Rody Vera PRODUCERS: Lily Monteverde, Roselle Monteverde MUSICAL DIRECTOR: Cesar Francis Concio, Jerrold Tarog, Von De Guzman CINEMATOGRAPHER: Mackie Galvez EDITING: Benjamin Tolentino GENRE: Horror LOCATION: Philippines DISTRIBUTOR: Regal Films RUNNING TIME: 130 minutes
Technical assessment: 3 Moral assessment: 2.5
CINEMA
rating: V14 MTRCB rating: PG 13
Sa
unang episode na pinamagatang Ahas ay isang mayamang tagapagmana ng Alegria Shopping Mall ang
magandang dalaga na si Sandra/Sarah (Erich Gonzales). Kakambal niya si Sarah na
maganda rin katulad niya subalit kalahati ng katawan nito ay ahas. Pinaniniwalaan
ng pamilya na naghahatid si Sarah ng swerte sa patuloy na pagyaman ng pamilya,
pero dahil sa kalagayang ito ay itinatago siya sa publiko. Lingid sa kaalaman
ng pamilya ay nakakalabas ito sa kulungang pinagtataguan sa kanya at nakakapambibiktima
sa loob ng shopping mall. Makikita
rin niya at magugustuhan ang nobyo ni Sandra na si Troy (JC De Castro) na siya
namang makakatulong upang malutas ang mga misteryong pagpaslang sa mga
inosenteng tao sa shopping mall. Sa
ikalawang kuwento, Ulam, ay
mabibiktima ang pamilya ng mag-asawang Henry (Dennis Trillo) at Aimee (Carla
Abellana) ng naghihiganting Yaya (Chanda Romero). Hahainan sila nito ng
masasarap na ulam na sa simula ay ikakasiya nila pero sa kalaunan ay
mapapagtanto nila na may sangkap ito na magiging mga halimaw sila sang-ayon sa
kani-kaniyang Zodiac signs. Gagawin
nila ang lahat para makawala sa sinapit na ito ng kanilang pamilya. Sa ikatlong episode na may pamagat na Flight
666, maayos na papasahimpapawid ang eroplano na mayroon palang sakay na mga
hijacker at maghahasik ng terorismo
sa mga pasahero at flight crew. Sa
gitna ng kaguluhan ay mapapaanak ang isang pasahero na kamalasan ay isa palang
tyanak. Higit na nakahihindik ang
idudulot na lagim ng demonyong bata kaysa sa mga hijacker. Ang flight stewardess
na si Karen (Lovi Poe), nobyong si Dave (Mateo Guidicelli) at pilotong si Bryan
(Daniel Matsunaga) ay magtutulong-tulong sa paggawa ng paraan para sa
kaligtasan ng lahat.
Sinikap
na makapaghatid ng iba’t ibang trato ng katatakutan ang pinakahuling horror
trilogy na Shake Rattle and Roll. Nilagyan
ng mga sangkap na love romance, comedy,
at adventure ang kwento. Maliban sa episode na Ahas, kung saan gumamit na gasgas na subject ng kambal
halimaw o hayup, ay nakitaan ng pagsisikap ang produksyon na makapaghain ng
bagong tema katulad ng kombinasyong terorismo at katatakutan sa eroplano, at
paglitaw ng mga halimaw kaugnay sa Zodiac signs.
Bagamat madalas na ginamit na panakot sa pelikulang katatakutan ng pinoy ang
tyanak, medyo kakaiba na nakarating ang munting halimaw na ito sa byahe ng
eroplano at makipagsabayan sa hijacker. Nabigyan ng laya ang mga computer effects at sining ng aesthetic make-up sa pelikula. Maganda
din ang mga kuha ng camera at
komposisyon. Akma at epektibo ang mga inilapat na tunog at musika Tama lamang
ang pag-iilaw at naipalabas ang hinihingi na tema ng pagkakasunod-sunod na mga
eksena. Nakatulong ang mga ito
para magkaroon ng ibayong saysay ang kahinaan ng plot development. Limitado din ang pinakita sa pagganap ng mga
pangunahing aktor kahit na ang mga kilala na sa kanilang husay na sina Poe at
Trillo. Sa kabila ng mga sablay sa pelikula, masasabing sa kabuuan ay maayos
ang mga teknikal na aspeto nito.
Ang masidhing paniniwala sa paghahanap ng mga pampaswerte
sa buhay ay madalas mas naghahatid ng kapahamakan at maaring maikompromiso ang
kapakanan ng mahal sa buhay, katulad ng ipinakita sa episode na Ahas. Ang inakala
nilang swerte na hatid ng pagkakaroon ng kakaibang anyo ng miyembro ng pamily
ay lalong nagdulot ng pinsala sa mas nakararami kabilang na ang mga inosente na
walang kinalaman sa kanilang paniniwala. Dapat ay isinasaalang at binibigyan
dignidad ang katauhan, miyembro man ng pamilya o hindi. Samantala, sinisira ng
pagtataksil sa asawa di lamang ang pagsasama nila kundi pati mga inosenteng tao
sa paligid nila, lalo na ang mga anak. At maari itong lumikha ng tanikala na
mararamdaman hanggang mga sumusunod na henerasyon kapag hindi naampat at
makapagpatawaran. Ang mga anak na bantad sa panlilinlang, kapabayaan, at
pagkamasarili ng mga nakatatanda, lalo na mga magulang ng walang paggabay o
pagpapaunawa ng situwasyon, ay maaring maapektuhan sa kanilang pagtingin sa
sarili at sa kapwa sa negatibong paraan. Ang Diyos ang nagbubuklod sa mga mag-asawa
na ikinasal sa harap Niya ay pinagkakalooban ng biyaya na manatili ang maayos
na pagsasama. Ipinakita sa pelikula ang mga imahen ng Mother and Child at ni
St. Therese subalit bilang mga anting-anting at simbolo ng kababawan at maling
pananalig. Madalas ang mga
eksenang marahas at pagwawalang-halaga sa buhay. Mataas din ang tinatawag na emotional stress.